xii. mulat

62 5 0
                                    


A/N: SLIGHT TRIGGER WARNING. Ang kabanatang ito ay may bayolenteng eksena at pananalita. Kaunting paalala lamang.

Idinikit ni Sal ang mapurol na parte ng talim sa kaniyang labi, na parang hinahalikan niya ito. Ngumisi ang lalaki sa harap niya bago sumulyap sa pintuan ng pabrika. Nandoon ang konstable. Sadyang naiiba siya sa pabrikang napupuno ng mga kakatwang babaeng nakalupon sa isang sulok at sa mga kalalakihang may dala- dalang patalim.

" Mga duwag!" sigaw ng konstable. Pumailanlang ang tunog sa batong pader ng lugar. Mula sa malayo, kitang- kita ang kulay ng kaniyang uniporme, nag-aagaw ang dilaw at kayumanggi, parang gasera ng ilaw sa madaling- araw.Mas lalo siyang nagmumukhang mahirap. Napataas ang arko ng labi ni Sal kahit na may bakal na nakadikit dito.

Oo nga pala, Sei nga ang pangalan ng konstable. Matikas siyang nakatayo doon suot ang kaniyang uniporme, ang nadumihan niyang uniporme.

***

Naghalo ang amoy ng suka at ihi sa ilong ni Sal. Basa ang konstable habang pinunas niya ang maugat na kamay sa mukha para tanggalin ang mapanghing likido.

"Sa susunod na makita ko pa iyang pagmumukha mo ay makakatikim ka na talaga."

Nakatayo sa pintuan ng panuluyan ang isang babaeng magara ang suot. Medyo may kalakihan ang kaniyang katawan at magalasgas ang boses. Nagmakaawa ang konstable, " Hindi nga ho ako pulube. Palimos po, palimos po. Wala akong sinasabing ganoon. Pakiusap naman."

" Sinungaling! Kayong mga Sulob, mga anay kayong nabubuhay sa pinaghihirapang pera naming mga matitinong taga-Limpio."

"Isipin nyo, Madam. Hindi niyo ba nakikilala ang Bato? Ang Kamaong Bato?" Itinuro ng binata ang sarili at ngumiti ng pilit. Pagkatapos ay ibinalandra ang uniporme, "Isa ho akong konstable. Lingkod niyo. Pinaglilingkuran ko kayong mga mabubuting mamamayan ng Mutiara."

Walang naging sagot. Muling nagsalita ang binata, " Noong Setiembre, apat na taon ang nakaraan, 1869, isang grupo ng mga pirata mula Ruotxi ang nambihag ng isang mansion sa syudad sa tabi ng Limpio. Naroon ako noon, Madam"

Pinagsalikop ni Sal ang mga palad at ginusot ang damit. Tila nakakatakot ang Madam kaya nanatili lang si Sal sa puwestong hindi siya makikita. May anino siyang nasulyap sa bintana ng panuluyan, nagtagal sa may hagdanan hanggang sa mapagtanto ang pigura ng lalaki doon.

" Nakakatawang bata. Mga kriminal ang mga iyon." Boses iyon ng Madam.

Naglakad pababa ang lalaki na kanina ay nasa hagdanan.

" Tinanggalan na sila ng armas, " sagot ni Sei. Tila nakasuot ng pantulog ang lalaki, at nasa tabi na ito ng konstable.

" Ng militarya mismo," singit ng lalaki. Sa paraan niya ng pananalita, mahihinuhang katulad siya ng mga naging bisita nina Sal sa casa.

" Ginoo, Isa ho akong konstable. " Ipinagpag ng konstable ang uniporme at hinawakan sa magkabilang-dulo.

Napangiti ang lalaki, " Kung ganon,"

Dumiretso ng tayo ang konstable at nagpatuoy, " Ngunit hindi ako narito para umupa ng kwarto para sa sarili ko. Sa nakikita niyo naman, may hinahatid akong binibini at wala pa siyang tulog mula kanina. Sana ay may maayos at magandang kwarto para sa kaniya. "

" Masusunod," sagot ng nakatatandang lalaki. Tila may kaunting tono ng pagtawa sa kaniyang boses nang lampasan niya ang Madam. Mas lalong napako si Sal sa kinatatayuan niya ngayong nilingon nila siya. Iyong Mercantile, kakatwa ang pagmamasid sa kaniya, mas totoo kaysa sa titig ng Signor Castiglione.

" Maari ko bang malaman ang pangalan ng binibini," tanong ng lalaki. Nagpapadyak at nagpagpag ng binti ang konstable.

" Ako si-"Salice Nabiaty Cuore? Hindi!

Ang Mutya ng SalaminTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon