Nakakarinig ako ng mga yabag. Maraming tao. Mayamaya ay ugong naman ng mga sasakyan ang umaalingawngaw.
Napangiti ako.
Nandito na ulit sila.
Araw na naman kung saan inaalala ang mga patay. Araw na naman ng pagpunta nila rito.
Gustong-gusto ko kapag undas. Gustong-gusto ko kapag maraming tao. Gustong-gusto ko kapag hindi lang mga nakalibing ang siksikan kundi maging mga buhay.
May lona. May sapin. May tent. May upuan. May lamesa. May mga bulaklak. May mga kandila. May mga nagtitinda. Buhay na buhay ang paligid!
"Nako, ang daming kalat."
Wala akong pakialam.
Hinihiling ko na sana ay palagi na lang undas, para palaging maraming tao dito. Wala akong pakialam kung ano man ang gawin nila, basta ba't huwag lang sila umalis.
"Kawawa naman."
Sa isang gawi, may nakita akong isang nitso. Isang kandila lamang ang nakatirik dito. May ilan ding nitso na wala ni kahit ano—kandila man o bulaklak.
"Sandali..."
Napangiti ako no'ng may isang tumayo dala ang kandila. Tinirik niya ito sa isang nitsong parang kinalimutan na ng panahon.
"Kumusta na ba?"
"Ito naman at buhay pa."
"Ang anak mo ba, saan nag-aaral?"
Lumibot ako ng tingin. Lahat ay pinagmamasdan ko. May ilang mga bata pa na naglalaro doon sa parte na wala pang mga nakalibing. Kabi-kabila ang mga bata, nagsasaya.
Hanggang sa umabot ang gabi. Ang sarap pagmasdan ng paligid. Ang mga ilaw na mula sa kandila pati ang mga ilaw na mula sa laruan. Maging ang mga tao na makikita mo kahit saan ka lumingon.
Sana ay palagi na lang undas.
"Sige, mauna na kami."
Huwag! Huwag muna kayo umalis!
"Tara na, 'nak. Malayo pa uuwian natin."
Huwag muna!
"Kita tayo next week!"
Dito muna kayo!
"Kitakits sa school."
Huwag n'yo muna akong iwan!
"Babye!"
Pakiusap...
"Uwi na kami."
Pero hindi naman nila ako maririnig.
Nawawala na naman sila. Unti-unti. Hanggang sa ang naiwan na lang ay ang mga kalat at upos na kandila.
Wala akong pakialam kahit gaano pa ako maging karumi. Gusto ko lang kayo manatili. Gusto ko lang na pumunta kayo kahit hindi undas.
*****
Media link: https://www.facebook.com/635484026888725/posts/652034771900317/
Art was made by Jesam Art on Facebook.
BINABASA MO ANG
Undas
Short StorySana ay pumunta ka...kahit hindi undas. Date written/posted: November 4, 2018 Book cover: Candle silhouette picture got from vectorstock.com