PAGKATAPOS ng klase ay sabay na kaming lumabas ng campus ni Quintus. Lagi niya naman kasi akong sinasabayan papunta sa café. Gusto niya raw kasi akong bantayan at gusto niya rin akong ihatid pauwi kaya talagang naghihintay siya doon. Sinisita na nga ni Sir Beans ang pagtambay niya kaya lagi siyang inoobligang bumili ng kahit ano kung gusto niyang manatili doon.
Habang palabas kami ay napadaan kami sa isang kumpulan ng mga lalaki na nakatambay sa isang bench sa ilalim ng isang malaking puno ng acacia. Walo sila, at nakatingin silang lahat sa amin ni Quintus habang may mga ngisi sa mga mukha nila.
"Zamora! Kumusta? Mukhang good boy na ah. Takot ka na bang mapalo ng tatay mo?"sabi ng isa sa kanila.
Sa tingin ko ay sila ang mga estudyanteng laging nakakaaway ni Quintus sa dati niyang college. Hindi sila pinansin ni Quintus. Patuloy lang kaming naglakad na para bang hindi namin sila nakikita.
"Kaya siguro hindi na nagpapakita sa atin itong si Zamora kasi meron nang girlfriend. Nagpapa-good shot para maka-first base!" pang-iirita ng isa pa, kaya nagtawanan ang lahat.
"Hoy Zamora," sabi ng isa pang lalaki, "Baka naman gusto mo kaming ipakilala dyan sa kasama mo. Dapat i-share mo rin sa amin yan."
Napatigil si Quintus at binigyan ng matalim na titig ang mga lalaking kanina pa kami pinagdidiskitahan. Nakita ko ang pagkuyom ng kamao ni Quintus, at sa tingin ko ay kating-kati na itong paliparin ang kamay niya sa mukha ng mga lalaking iyon.
"Hala, mukhang nagalit ata si Zamora. Seloso masyado. Huwag kang mag-alala, mag-eenjoy naman yang kasama mo eh. Pustahan pa tayo masasarapan yan."
Lalapit na sana si Quintus sa kanila, pero agad akong pumwesto sa harap niya para harangan siya at mapigilan siya sa balak niyang gawin.
"Quintus, huwag mo na lang silang patulan. Please?" pagsusumamo ko sa kanya. Ayokong masaktan siya dahil sa kondisyon niya, at ayoko rin ng gulo.
Kitang-kita ko ang pagkontrol ni Quintus sa sarili. Ilang minuto rin siyang hindi natinag sa kinatatayuan niya habang pinipigilan niya ang sarili niya na suntukin ang mga lalaking kanina pa nambabastos sa amin.
Maya-maya ay huminga nang malalim si Quintus. Hinawakan niya ako at hinila niya ako palayo doon.
Habang naglalakad kami ay hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya. "Akala ko talaga papatulan mo na sila..."
"Hindi ko magagawa yun. Nangako ako sayo, hindi ba?" tugon niya sa akin habang diretso pa rin ang tingin niya sa tinatahak naming daan.
"Iyon nga eh. Nangako ka sa akin na hindi ka na makikipag-basag ulo. Nag-aalala lang naman kasi ako sa kondisyon mo. Nung huling pinagtanggol mo ako, dinala ka sa ospital. Ayoko nang mangyari uli iyon."
Tumigil siya sa paglalakad, kaya napatigil rin ako. Nakatingin siya nang direkta sa mga mata ko, at ramdam kong seryoso ang mood niya. "Ayoko rin namang mag-alala ka. Pero kapag sinubukan ka nilang saktan, baka hindi ko na talaga mapigilan ang sarili ko. Sasaktan ko talaga sila."
"Pero nangako ka na. Willing ka bang sirain ang pangakong yun?"
"Mas importante ka kaysa sa kahit anong pangako. Kaya kung kailangan kong makipagbugbugan at masaktan para lang maprotektahan ka, gagawin ko. Kasi ikaw ang mas mahalaga."
Hinawakan ko ang kamay niya at tiningnan ang mga peklat na naroon. Tapos ay napatingin ako sa mukha niya, at unti-unti akong ngumiti.
"Ano pa nga bang magagawa ko? Hindi naman ata ako mananalo sa patigasan ng ulo kung ikaw ang kalaban ko," sabi ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
Something About Us [✔]
Teen FictionEverybody knows Quintus Zamora as a monster. Sabi ng iba, para daw siyang hindi nakakaramdam ng sakit kahit pa nakikipagbasag-ulo, at talaga namang halimaw siya kung manakit ng kaaway niya. He's almost a superhuman, base sa mga kwento nila. I know...