MAHIGIT isang linggo nang absent si Quintus sa klase dahil sa mga injury niya. Hindi ko alam kung kailan siya papasok, at habang nagtatagal ay lalong nagtatalo ang utak at puso ko kung gusto ko na ba siyang makita ulit o hindi pa.
Sabi kasi ng utak ko, mas mabuti kung matagalan pa siya bago pumasok. Kung ganoon kasi ang mangyayari, hindi pa ako mamomroblema sa pag-iwas sa kanya. I also need more time to prepare myself on avoiding him. Mahirap kasi iyon, lalo na't parang naging parte na si Quintus ng bawat araw ko.
Pero ang puso ko naman, gustong-gusto na siyang makita. Hinahanap-hanap na siya ng sistema ko – ang amoy niya, ang boses niya, ang tawa niya, pati na ang pakiramdam ng pagtatama ng mga balat namin. Gusto ko na siyang makausap ulit, gusto ko na siyang mayakap, gusto ko na siyang makita.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Kung pwede lang na –
"Uy Quintus! Kumusta ka na? Okay na ba yung mga injury mo? Balita ko naospital ka daw eh."
Napatingin ako sa may pintuan ng room namin, at doon ko nakita si Quintus na nakatayo sa entrance habang kausap ang ilan naming lalaking kaklase. May benda pa siya sa kamay at may mga band-aid ang mukha niya.
Pero kahit ganoon ang itsura niya, gwapo pa rin siya. Miss na miss ko na siya.
Habang kausap niya ang mga kaklase namin ay napatingin siya sa akin at ngumiti siya. Isang tipid na ngiti ang itinugon ko bago ibinaling ang tingin ko sa notes na binabasa ko.
Dahil nakatuon ang pansin ko sa pagbabasa, hindi ko na halos napansin ang pag-upo niya sa tabi ko. Ramdam kong nakatingin siya sa akin, dahil naghihintay siya sa una kong sasabihin. Pero hindi ako lumingon sa kanya.
Kapag naaalala ko ang pag-uusap namin ni Senator Zamora, kapag nakikita ko ang mga injury niya, para akong nagiguilty. Alam ko namang dati na siyang nakikipagbasag-ulo, pero dahil sa akin, parang wala na siyang pakialam kahit pa mamatay siya.
Parang may kamay na lumalamukos sa puso ko. Masakit. Nakakapanghina.
"Bakit hindi mo ata ako pinapansin?" biglang sabi niya sa akin.
"Anong hindi pinapansin?" sagot ko habang iniiwasan pa ring tumingin sa kanya, "Nagbabasa lang ako ng notes. Magbasa ka rin kaya. Andami mo nang absent, kailangan mong mag-take ng special quizzes."
"Ah, siguro galit ka sa akin dahil nakipagbasag-ulo ako, 'no?"
Natigilan ako. Hindi ko na napigilan ang sarili kong mapatingin sa kanya.
"Galit ka siguro kasi hindi ko natupad yung pangako ko sayo," sinapo ni Quintus ang batok niya habang nag-aalangang tumingin sa akin, "Napilitan na kasi akong gawin yun eh. Nung gabi kasing iyon, nakasalubong ko ulit sila. Tapos pinagbantaan nila ako na sasaktan ka daw nila. Eh syempre hindi naman ako papayag na mangyari yun 'no. Hindi ko kakayanin kapag napahamak ka dahil sa akin kaya inunahan ko na sila."
Ayaw mo akong mapahamak, kaya tuloy ikaw naman ang nasasaktan.
"...Sorry. Sorry kung nasira ko yung pangako ko."
"Naiintindihan ko naman eh. Tsaka nangyari na. Ano pa ba ang magagawa ko?"
"Eh galit ka pa rin –"
"Mamaya na tayo mag-usap. Andyan na si Sir," sabi ko habang nakatingin sa harap ng klase. Totoo naman talagang dumating na ang professor namin, pero sinabi ko lang iyon para matapos na ang pag-uusap na iyon.
Buong umaga kong hindi kinausap si Quintus. Hindi naman niya pinilit ang sarili niya sa akin. Siguro kasi iniisip niyang galit ako sa kanya dahil nasira niya ang pangako niyang hindi na siya makikipagbugbugan.
BINABASA MO ANG
Something About Us [✔]
Teen FictionEverybody knows Quintus Zamora as a monster. Sabi ng iba, para daw siyang hindi nakakaramdam ng sakit kahit pa nakikipagbasag-ulo, at talaga namang halimaw siya kung manakit ng kaaway niya. He's almost a superhuman, base sa mga kwento nila. I know...