"Kyla, hanggang kailan ka gan'yan? Hindi ka kumakain, hindi ka rin lumalabas. Ano bang balak mo sa buhay mo?" Sermon ng ama ni Kyla sa kaniya. Pero nananatili lang na nakahiga si Kyla sa kaniyang kama.
Natatalukbongan ng kumot ang buong katawan nito. Napabuntong-hininga ang ama nito at tuluyan nang pumasok. Umupo ito sa gilid ng kama ni Kyla at pinagmasdan siya.
"Kyla anak, ano bang nangyayari sa 'yo?" Nag-aalalang tanong ng ama ni Kyla. Unti-unting gumalaw ang kumot at ilang saglit pa ay tumambad na ang mukha ng dalaga na basang-basa ng luha. Namumula at namamaga rin ang mata nito dahil sa pag-iyak.
"Dad, namimiss ko na si Eiron." Muling bumalong ang luha ng dalaga nang banggitin nito ang pangalan ng lalaking mahal. Nanikip ang dibdib ng matanda habang pinapanuod ang dalaga. "Dad, gusto ko na ulit siyang makita at makasama. Miss na miss ko na siya." Hindi na mapigilan ng matanda ang sarili na yakapin ang anak dahil sa awa rito.
"Alam mong malabong mangyari 'yan 'nak. Matagal na siyang patay at kailangan mong tanggapin 'yon," sabi nito.
Buong lakas na kumalas si Kyla sa pagkakayap ng ama at masamang tumingin dito. "No dad, hindi ko magagawa 'yon." Matigas na sabi nito. Nagtiim bagang naman ang matanda dahil sa sinabi ng anak.
"Ano ba Kyla!? Hindi nagugustuhan ni Eiron na ganito ka kamiserable dahil sa kaniya." Pero tila isang bingi si Kyla na walang narinig. Umayos siya nang higa at tumalikod sa ama.
"Kung wala ka nang sasabihin, lumabas at pakilock na lang ng pinto...dad." Malamig na tugon ng dalaga. Dumilim ang ekspresyon ng ama dahil sa pinakitang asal ng anak pero pinalampas niya na lang ito at dismayadong lumabas.
Bago niya tuluyang isarado ang pinto ay sinulyapan niyang muli ang anak. Sobrang laki na nang pinagbago nito. Simula kasi nang mamatay ang karelasyon nito; ang dating masiyahing dalaga ay palagi na lang umiiyak. Ang dating madaldal ay naging tahimik at ilag sa tao, at ang dating masiyahin at nakangiting dalaga ay hindi mo na makikita ngayon na nakangiti. Malungkot na sinarado ng matanda ang pinto bago naglakad palayo sa k'warto ng anak.
--
Mahigit dalawang buwan pang naging gano'n si Kyla. Hindi lumalabas ng k'warto pero kumakain naman kapag dinadalhan siya ng pagkain ng mga katulong. Napansin din ng dalaga na mula nang iwan siya ng ama no'ng huling punta nito sa kaniya ay hindi na ito bumalik.Lumabas ang dalaga sa kaniyang k'warto at tinahak ang daan pababa. Gulat na gulat ang mga katulong na pinapanuod siyang bumaba sa hagdan. Nang matauhan ang isang katulong ay agad siyang pumwesto sa tabi ng hagdan at hinintay na tuluyang makababa ang dalaga.
"M-madam, mabuti naman po ay lumabas na kayo sa k'warto niyo. Ano pong kailangan niyo? Nagugutom ka ba?" Nakangiting usal ng katulong sa dalaga pero imbes na sagutin siya ay inilibot muna nito ang paningin sa buong bahay.
"Where's dad?" Nakakunot noong tanong nito.
"Hindi po ba siya nagpaalam sa inyo madam?" tanong ng katulong. Tinaasan lang siya ng kilay ng dalaga at inirapan bagay na ni minsan ay hindi ginawa ng dalaga noon. "S-sinabi niya po na matagal siyang mawawala dahil mayro'n daw po siyang aasikasuhin."
Tipid na tumango ang dalaga at nilampasan na ang katulong. Lahat ng katulong na nilalampasan niya ay masaya siyang binabati ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya pinansin. Malungkot na nagkatinginan ang mga katulong dahil sa pagbabago ng ugali ng dalaga.
--
Isang linggo na ang nakalipas mula nang lumabas si Kyla sa k'warto niya at sa usang linggong iyon ay hindi pa niya nakikita ang ama.Tahimik na nagtsa-tsaa ang dalaga sa garden nila habang nagbabasa ng magazine nang may marinig siyang yabag na papalapit. Hindi niya pinansin ito dahil baka isa lang ito sa mga katulong ngunit nang tuluyan nang makalapit ito sa kaniya ay napako ang tingin niya sa sapatos ng tao sa harap niya. Dahan-dahan niyang inangat ang tingin dito at agad siyang napatayo sa gulat nang makita ang mukha ng lalaki.
"E-eiron, paanong?" Labis na gulat at pagkalito ang naramdaman ng dalaga nang makita ang lalaking ilang buwan niyang iniyakan.
"Omyghad!" Agad na niyakap ng dalaga si Eiron nang makabawi ito sa pagkabigla at humagulgol. Niyakap naman siya nito pabalik. Kumalas ang babae sa pagkakayakap at hinawakan ang mukha ng lalaki. "Buhay ka! Buhay ka talaga." Umiiyak na sabi ng dalaga. Malungkot na ngumiti ang lalaki sa kaniya. "B-bakit? A-anong problema?"
"Patay na si Eiron." Napabitaw ang dalaga at naguguluhan tumingin sa kaharap. Pamilyar ang boses nito sa kaniya. Bumuka ang bibig ng babae para magsalita pero agad niya rin itong tinikom. Nagtatanong ang matang tiningnan niya ang lalaki. "Hindi ako si Eiron. Totoong patay na siya." Bumuntong hininga muna ang lalaki bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Hindi ko kayang nasasaktan at nahihirapan ka dahil sa kaniya kaya napagdesisyunan kong ibigay ang gusto mo. Ipinaalam ko sa mga magulang ni Eiron ang plano ko, noong una ay tumanggi sila pero kalaunan ay pumayag din. Pumayag silang palitan ko ang mukha ko ng mukha ng mahal mo." Nagtuloy-tuloy ang pagbagsak ng luha ng dalaga nang mapagtanto kung sino ang nasa harapan niya.
"D-dad," usal nito. Tumango ang lalaki dahilan para mabuwal sa pagkakatayo ang dalaga. Agad siyang nilapitan ng ama at niyakap. "H-hindi mo kailangang gawin 'to dad. I'm sorry."
"Handa kong gawin lahat para sa iyo anak. At ngayong nagawa ko na ang gusto mo, gusto kong alisin mo sa isip mo na sa tuwing makakaharap mo ako ay ako ang ama mo. Itatak mo sa isip mo na ako na si Eiron Galvez— ang lalaking mahal mo." Lumayo nang kaunti ang dalaga at nagsalita.
"P-pero ama pa rin kita. Dugo't laman mo pa rin ang nanalaytay sa 'kin." Muli, malungkot na umiling ang lalaki.
"I'm sorry, Kyla. Patawarin mo ako, nagsinungaling ako sa 'yo. Hindi mo ako totoong ama. Iniwan ka sa 'kin ng totoong nanay mo nang umalis siya dito at ilang buwan lang ang nakalipas ay nabalitaan kong patay na siya." Hindi makapaniwalang tumingin sa kaniya ang babae. "Pero hindi ko inisip na hindi kita totoong anak. Tinuring kita na parang akin. Minahal kita nang sobra." Tanging hagulgol lang ang naging tugon ng dalaga. "Patawarin mo ako. Simula ngayon hindi na ako ang ama mo, ako na ngayon si Eiron." Hinawakan ng lalaki ang kaniyang pisnge at inilapit niya sa noo ng dalaga ang labi.
THE END