#Dagli
Kanina pa kumukulo ang dugo ko. Gigil na gigil ako sa paghawak ng manibela. Binusinahan ko na lahat ng sasakyan na nasa harap ko. Mababaliw na ako sa kahahanap sa'yo, Marissa.
Dinampot ko ang telepono ko sa lalagyanan para i-dial muli ang numero ni Marissa.
"The subscriber's cannot be reach. Please try again later."
"Punyeta!"
Hinagis ko sa likod ang telepono ko. Walang kuwenta! Humanda ka talaga sa akin kapag naabutan kita sa bahay, Marissa. Sinasabi ko sa'yo. Hindi maganda ang pakiramdam ko lalo't nawala kayo sa paningin ko... Oo kayo, kayo ng lalaki mo.
Nagmamadali akong bumiyahe pauwi at naaninagan kong may ilaw sa bahay kaya hindi na ako nakapagpark nang maayos. Dire-diretso akong pumasok sa bahay. Hinanap ko siya at nakita kong may isang kuwartong nakaawang ang pinto kaya sumilip ako.
"Mahal na mahal kita, Marissa. Masaya akong nakalabas tayo kanina. Masaya ka ba?" Nagtanong pa ang hudas na lalaki kay Marissa.
"Masaya ako, Fidel. Sobra pa sa sobra."
At hinalikan ng hudyo si Marissa. Nanginginig na ako sa sobrang galit. Tama nga ang hinala ko - kasama ni Marissa ang lalaki niya rito. Hinawakan ko nang mahigpit ang kutsilyong hawak ko.
Isa. Dalawa. Huminga ako nang malalim.
Tatlo!
Walang sabi-sabing pumasok ako at sinaksak sa leeg ang lalaki. Tumalsik ang dugo nito sa akin at kay Marissa. Gulat na gulat siya sa mga pangyayari. Habang ako, malakas ang tibok ng puso ko sa sobrang galit.
"Fidel!"
Kitang-kita ko ang pagbagsak ng katawan ng lalaki niya. Dinaluhan naman agad ni Marissa ang lalaki.
"Marcus! Anong ginawa mo sa Papa mo!" Sigaw niya sa akin. Napangisi ako at nilapitan siya sabay hablot ng buhok niya at binulungan siya.
"Sabi ko sa'yo, ayoko nang may kahati sa atensyon ko lalo na sa'yo... Mama."
BINABASA MO ANG
HIRAYA AT PLUMA: Koleksyon ng mga Dagli at Maikling Kuwento
RandomAng nilalaman nito ay mga maiikling kuwento, dagli at iba pang uri ng panitikan na nabuo ko sa pagtira ko sa sarili at makamundo kong imahinasyon. Para sa mga taong naniniwala na hindi pa huli ang lahat. Para sa ating mga Pilipinong manunulat. Para...