"Inang Bayan na kayganda, pilit mang angkinin at talagang kakawala mula sa tanikalang unti-unting umaagaw sa buhay na taglay."
Batid natin ang napagdaanan ng ating bansa sa kamay ng mga dayuhang sumakop, umalipin at umalipusta sa mga kababayan natin noong unang panahon ngunit dahil sa pag-ibig na nanaig sa puso ng mga pilipino ay nagawang maghimagsik at ipaglaban ang kalayaang dapat na nararanasan ng ating Inang Bayan.
Ikaw sa sarili mo, kung ikaw ang nasa posisyon ng mga bayani noong unang panahon, ano ang magagawa mo para sa inang bayan na hindi matutumbasan ng ano pa man? Ako sa aking sarili ay nababatid kong kailanman hindi ko matutumbasan ang tagalay na kagitingan ng mga unang nagtanggol sa ating inang bayan. Hindi ako maalam sa larangan ng sandata na siyang gamit noon ng bayaning si Bonifacio na naging Supremo ng Katipunan. Wala akong karunungan na papantay sa kakayahan ni Rizal sa larangan ng pagsulat na siyang nagpamulat sa mga pilipino noong araw ukol sa kalayaang dapat na taglay ng bayan. Lalong hindi ako maalam sa panggagamot na siya namang malaking naitulong ng ina ng katipunan na mas kilala natin sa ngalang Tandang Sora na siyang umaruga at gumamot sa mga katipunerong nasugatan sa panahon ng pakikidigma para lamang mapalaya ang inang bayan sa walang awang pang-aalispusta ng mga dayuhang inalagaan na at inaruga pa ng ating mga ninuno.
Hindi ko man taglay ang mga karakter nila, sisikapin ko naman na sa panahon natin ngayon, bilang pagpapakita ng aking pagmamahal sa bayan ay tutulong ako sa pagpapalaganap ng kaalaman sa bawat pilipinong aking makakasalamuha lalo na sa mga susunod na henerasyon ang kahalagahan ng pagmamahal sa bayan at ang pagtangkilik sa mga gawang pilipino saanmang dako nito.
Nawa'y anuman ang marating natin sa hinaharap na buhay natin ay hindi natin maibaon sa limot ang kahalagahan ng pagmamahal sa bayan ng mga unang nagtanggol sa bansa na siyang naging dahilan upang tamasahin natin ang kalayaang unti-unti na namang isinusuko ng mga taong walang pagpapahalaga sa bayang pinagbuwisan ng buhay ng ating mga bayani.
BINABASA MO ANG
Malikhaing Pagsulat: Mga Tula, Maikling Kwento, Dula at Sanaysay
Hayran KurguKalipunan ng iba't ibang mga akdang Pampanitikan na nasusulat sa wikang Filipino. Hlina't tuklasin ang natatagong sining ng ating Wikang Pambansa.