Naghangad na maiba ang takbo ng buhay-opisina;
Naengganyo sa kaisipang oras mo'y sarili,
di gaya sa opisina, walong oras kang nakatali,
nasilaw sa pangako ng perang matatamo.
Aking tinalikuran propesyong napili,
buong pag-asang nangarap maging isang ahente;
Akala ko noong una'y anong dali,
kayhirap pala! Ako'y nagkamali.
Sa isang tulad kong kimi
malayo sa ninais na resulta;
Hindi ka tali nang walong oras....
pagka't kailangan mo'y higit pa.
Di ka puwedeng mahiyain
kundi sa mesa'y walang ihahain;
Di ka puwedeng papatay-patay
paano ang pamilyang binubuhay?
Wala kang benta? Wala kang pera.
Masipag kang bumenta, marami kang pera;
Ang buhay ahente'y gaya rin ng ibang gawain,
ang iyong aanihin, depende sa iyong itinanim.