MY SISTER’S WEDDING
Pagpasok ko sa punong bus, isang bakanteng upuan na lang ang nakita ko. Pumwesto ako doon. Weekend na naman. Sabado ngayon at maya-maya pagdating ko sa venue sa isang isla, ikakasal na si ate. Sandali akong nag-senti. Parang kailan lang, pinag-aagawan pa namin ang mga dalang pasalubong ni papa. Tapos maya-maya ikakasal na siya.
Huh? Teka… Sa’n galing ang naririnig kong… Lumingon ako. May batang naglalaro sa iPad, may nanay na nagpapadede ng baby… None of them. But who’s snoring?
Finally, tumingin ako sa tabi ko. Oh shit! Si… Betty Abbot!-cross between Betty La Fea and Judy Abbot. Yung tipong hinati evenly ang mga buhok at nakabraid. Naka-reading glasses pero walang braces. Kaklase ko siya. Tahimik at masipag siyang mag-aral pero hindi ko siya close. Basta Betty Abot ang tawag sa kanya.
Mahimbing ang tulog niya. Napasandal pa talaga siya sa balikat ko. Maganda naman pala siya.
Basa. Nabasa ang balikat ko. Anak ng-! Tumutulo na pala ang laway niya-sa-sa balikat ko! Sitting like this with her felt like an eternity.
Hanggang sa nasa malubak na daanan na kami at malapit na sa venue. Tatatlo nalang kaming pasahero ng bus. Tulog pa rin siya. Hindi ka pa ba bababa? Parang narinig niya ang iniisip ko at dahan-dahan siyang bumangon. Inayos niya ang glasses niya, pinahiran ang labi at nagulat.
“Harvey?”
“Masarap ba ang tulog mo?”sarkastiko kong tanong. Naiinis ako sa kanya.
Hindi na siya nakasagot. Pinababa na kami ng driver. Nasa resort na pala kami. Pero pa’no ‘tong mokong na ‘tong nakasunod sa akin?
Sa pagbaba namin, tinanong niya ako. “Ba’t basa ang balikat mo?” At siya pa ang nagtanong.
“Basta,” sagot ko. Ano ba? Sa’n ba siya papunta? Sasabay ba siya sa akin?
Hanggang sa umabot na kami sa may entrance kung saan kailangan ng invitation letter para makapasok. Nagulat ako ng may kinuha siyang envelope na tulad ng hawak ko. It means-invited siya! Aww men!
“Invited ka pala?!”
“Bakit? Ikaw nga invited din.”
“Ate ko yung ikakasal e.”
“Kuya ko rin yung ikakasal.” Hay, buhay.
Sinalubong kami ni ate.”Harvey kumusta? Pagod ka siguro sa biyahe ano? At sino ang kasama mo? Hindi mo man lang sinabing dadalhin mo pala ang nobya mo. Hello hija. Halina kayo. Ihahatid ko na kayo sa cabana niyo.” Hindi na ako nakahirit pa. Hindi na nagbago si ate. Si Betty naman, nakita kong nakangiti.
“O, sige hanggang dito na lang ako. May mga aasikasuhin pa ako Harvey, hija. Kayo nang bahalang magpapasok ng mga gamit niyo sa loob.” Tinapik niya ang mga balikat ko at bumulong, “Okay ka rin pumili ha. Maganda rin naman.” Ate talaga! Umalis siya agad.
Pagpasok namin sa cabana, doon ko lang napagtanto na pang dalawang tao lang ang kwartong iyon. Napaupo ako sa kama sa harap ko. Nakakapagod ang biyahe pero siguro dahil nakatulog naman si Betty, hindi siya pagod. Binuksan ko ang invitation letter at binasa. Isa ako sa mga groomsmen. At hinanap ko ang pangalan niya. Hindi ko nga pala alam ang totoong pangalan niya.
“A, Betty, a, I mean, ano nga palang pangalan mo?” Ngumiti siya. Nakakainis! Nagmumukha akong tanga dito.
“Mikey. Mikey Buendia.” Tumawa siya. Ganito pala siya ka mysterious.