*10 years ago*
ARTHIT's POV
Ang pag-ihip ng hangin ay tila ba isang tonong nagtatawag ng aking pansin at banayad na dumadampi sa aking balat. Ang nakakabinging katahimikan ay unti unting sinasakop ng tunog ng nagsasayawang mga dahon. Pumupukaw pansin din ang mga bituin sa langit na kumikislap, kumikindat. At ang buwan na sumisilip mula sa silangan na dahan-dahang nagbibigay liwanag sa gitna ng kadiliman. Ang gabing ito ay tila isang panaginip na wari'y mo'y hindi nangyayari sa katotohanan. Payapa. Wala akong dapat ikabahala.
Ayoko ng bumalik sa bahay na 'yon!
Sa aking murang edad ay hindi ko lubos akalain na mas nabibilang ko pa kung ilang beses ako pagalitan kaysa sa ilang beses ako mapakitaan ng pagmamahal mula sa aking mga magulang. Maaaring sa kabilang banda ay ang aking pag-intindi na ang kanilang ginagawa ay para sa aking sariling kapakanan dahil ako'y nag-iisang anak, pero ang kanilang paghihigpit ay masyado nang nakakasakal.
Ang katahimikan ng lugar ay biglang nawala pansamantala ng ako'y makarinig ng isang batang umiiyak. Sinundan ko kung saang maaari ang pinanggagalingan ng mga munting pag-iyak at nakita ko ang isang batang lalaki na sa pagkakaalam ko'y mas bata sa akin. Ang mga kamay niya ay nakatakip sa kanyang mukha habang nakasandal sa isang puno.
"Bata, bakit ka umiiyak?" 'Yan lamang ang mga salitang lumabas mula sa akin sa pagkat ramdam ko ang kanyang kalungkutan. Inalis nya sa kanyang mukha ang pagkakatakip ng kanyang kamay. Hindi ko masilayan ang kanyang mukha sapagkat nahaharangan ito ng anino ng mga puno sa paligid.
"Gusto ko ng mamatay. Hindi ako mahal ng aking mga magulang" Pagsamo niya. Hindi ko mawari kung anong dapat sabihin sa kanya. Hindi ko din lubos maisip na sa kanyang murang edad ay nasambit niya ang salitang 'yon. Ako rin nama'y may pinagdadaanan sa pamilya ngunit ni minsan ay hindi sumagi sa aking isipan na kitilin ang aking buhay. Maaaring ang nasilayan niyang mundo ay mas magulo kaysa sa akin.
Ako'y unti-unting lumapit sa kanya at hinawakan ko ang kanyang kamay. Napakalambot at walang bakas ng pananakit. Akin siyang pinaupo sa damuhan.
"Bakit mo nasambit ang bagay na 'yon?" Hindi 'yan ang mga tamang salita na dapat bigkasin ngunit wala akong maisip. Ang inaalala ko'y pag-iingat sa mga aking sasambitin sa pagkat ayokong maging sanhi upang mas magkaroon sya ng dahilan para gawin ang bagay na 'yon.
"Iiwan nila ako. Hindi nila ako mahal. Magtatrabaho daw sila sa malayo" paliwanag niya.
Umupo ako sa kanyang tabi at hinaplos ang kanyang buhok upang siyang kumalma. Nakaramdam ako ng kakaibang init na kumalat sa aking buong katawan noong siya'y aking hinawakan.
"Bata, pakinggan mo 'ko. Huwag mong sabihing hindi ka mahal ng magulang mo. Magtatrabaho sila sa malayo ay upang mas mabigyan ka ng magandang kinabukasan. Mahirap din para sa kanila na iwan ka pero mas mahalaga sakanila na mabigyan ka ng komportableng buhay. Sa aking pagkakaalam ay mukhang hindi ka napagbubuhatan ng kamay. Ang ibig sabihin lamang non ni kaunting sakit ay ayaw nilang iparamdam. Alam kong masyado pa tayong bata para tayo'y iwan ng ating magulang para magtrabaho sa malayo. Pero ang tanging magagawa lang natin ay magtiis. Para rin iyan sa'yo."
Ako'y napatigil bigla dahil ako mismo ay nagulat na ang dami ko ng nasambit na salita na hindi lingid sa kaalaman ng karamihan ay tahimik akong bata. Ngunit ang aking ginawa ay nagdulot ng maganda sapagkat tumigil siya sa pag-iyak at tumingin sa akin.
"S-Salamat." Sambit niya at binigyan ako ng ngiti. Masayo ako mukhang naintindihan niya ang gusto kong ipahiwatig at nagawa niyang ngumiti sa maliit na sandali.
Inalis ko sa aking kamay ang aking purselas na may nakasabit na maliit ng enggranahe na may nakaukit na salitang "Ai-oon" na bigay sa akin ng aking ama tanda ng aking pangako na paglagi ko'y ay magiging inhinyero ako. Sinuot ko to sakanyang kamay at pinakausapang alagaan nya't huwag itong iwawala.
"Anong pangalan mo?" dagdag ko.
"Ko-"
Hindi na natuloy na bigkasin ang kanyang pangalan sapagkat pareho kaming napatingin sa pinanggagalingan ng boses ng isang babae na tila may hinahanap.
"Anak! Asan ka?"
Ngumiti ang bata at masayang tumayo.
"Nanay ko 'yon. Kailangan ko ng umuwi. Salamat ulit ha? Sa susunod muli." Sambit ng bata at tumakbo papalayo sa akin. Hindi ko man lang natanong ang kanyang pangalan.
Aking napagtanto na kailangan ko na ring umuwi. Labag man sa akin, wala akong ibang lugar na mapupuntahan. Tumayo ako sa 'king kinauupuan at pumukaw sa aking pansin ang isang bagay na kumikinang nang madampuan ng ilaw ng buwan. Isang maliit na robot. Walang ibang umupo ditto kung hindi ang batang 'yon. Maaaring sa kanya 'to at nahulog lamang.
Kinuha ko ang maliit na robot at aking nilagay sa bulsa, ibabalik ko na lamang kung siya'y aking muling makikita.
Ngunit paano ko isasauli 'to? Ni hindi ko alam ang kanyang mukha't pangalan.
Maliit ang pagkakataon na siya'y aking muling makita, kung hindi ko man ito maibalik sa kanya, ilagagay ko na lang ito sa ilalim ng aking pangangalaga.
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang makarating ako sa pintuan ng aming bahay. Nagsimulang mabuo ang takot sa akin sapagkat alam kong mali ang aking ginawang paglalayas. Aasahan ko na ang pagbubuhat ng kamay sa akin. Huminga ako ng malalim sabay bukas ng pintuan. Patay ang mga ilaw, tumayo ako ng matagal sa pintuan, naghihintay na mapagbuhatan ng kamay, ngunit wala akong natamong galit sapagkat ang buong bahay ang napapalibutan ng katahimikan. Nagsimula akong maglakad papunta sa aking silid. Itinago ko sa aking estante ang maliit na robot at ibinato ang aking sarili sa 'king higaan.
Buong buhay ako kahit sa ganitong murang edad ay isang parang isang malaking kulungan kung saan lahat ng galaw ko'y nababantayan. Nakakasakal ma'y napaisip rin ako ng mabuting dulot ang ginagawang paghihigpit sa akin ng aking mga magulang. Ang isip ko'y naliwagan kasabay ng pagbibigay ko ng pangaral sa batang iyon. Hindi ko man maalala ang kanyang mukha, masaya ako't nakatagpo ako ng isang tao na, maliban sa 'king magulang, aking nakausap. Madalas ay hindi ako hinahayaang makipaghalubilo.
Ipinikit ko ang aking mga mata at iidlip na ang tanging hiling ay sa muling pagdilat nito, siya'y aking muling masilayan... ang aking nag-iisang kaibigan.
.
.
.
.
Pakatandaan
Enggranahe- gear sa Ingles.
Estante- cabinet.
.
Ako'y himihingi ng paumanhin sapagkat maikli ang unang bahagi. Nais ko lamang na mas mapagtuunan ng pansin ang bahagi ng kwentong ito sa kadahilanang magiging napakahalaga nito sa mga susunod na mangyayari.
.
.
Maaaring mag-iwan ng mensahe sa mga bahaging hindi gaanong malinaw. At dahil hindi ko pa tapos gawin ang PLOT ng kwentong ito, ako ay masayang tatanggap ng mga suhestiyon upang mas mapaganda pa lalo ang daloy ng nito.
Kapunka! Sana ay magustuhan niyo! Huwag kalimutang mag-iwan ng komento at bumoto. Maraming salamat.
BINABASA MO ANG
Light My Way
Fiksi Penggemar"The LOVE that everybody wants to experience is the same LOVE regardless of our gender" The story follows the life of Kongpob and Arthit as they go through school, home life and face various problems. Warning: This story features controversial issue...