“How dare you Jake! Damn you! Bullshit ka! I hate you 44,894 times!”, text ni Maan, girlfriend ko. Isa yun sa mga text na mas lalong nagpagising sa akin mula sa hang over matapos ang inuman kagabi kina Sir. Galit na galit si Maan nang madatnan ko siyang mag-isa habang nakaupo sa loob ng bahay nila. Halos hindi na makapagsalita si Maan dahil sa panginginig at sobra-sobrang galit sa akin. Hindi na rin ako makalapit dahil baka bigla na lang niyang damputin ang malapit na flower vase sa tabi n’ya at hindi ko mamalayang ihagis niya sa akin ‘yun. Nasa may pinto lang ako ng bahay nila dahil manganganib ang buhay ko kung sakali mang pumasok ako sa bahay nila at subukan siyang yakapin. Namumugto at namumula ang mga mata ni Maan. Nakasarado rin ang mga palad niya, handang handa na suntukin ako saan mang parte ng katawan.
“Maan…”, sabi ko pagkahakbang papasok at papalapit sa kanya. “Sorry Hon.”,tumulo ang luha ni Maan at napansin kong mas lalo niyang isinara ang mga palad. “Hon... sorry, di ko naman sinasadya eh.”, humagugol na si Maan at hindi ko na rin napigilang umiyak habang naglalakad papalapit sa kanya.
“Hindi mo sinasadya, Ha?”, tumayo si Maan bago pa man ako makayakap sa kanya. “Ano ‘yun, uminom kayo ng alak, kumain ka ng pulutan, nagkabiruan kayo, dumating si Yna sa party, nagtabi kayo ng babaeng yun sa upuan, inakbayan mo siya, hinalikan ka niya, tapos gumanti ka rin ng halik, lintik ka.”, panay ang punas ni Maan sa luha’t sipon sa mukha. “Tapos nagkahawakan kayo ng mga parte ng katawan, nakarating kayo sa kwarto, tapos may nangyaring… Tang ina talaga Jake! Fuck you!”, napaupo si Maan habang umiiyak. Sinandal n’ya ang likod sa sofa at tinakpan ang mukha ng mga kamay. Panay pa rin ang pag-iyak nito. “Tapos ngayon sasabihin mo sa’king di mo sinasadya, ha?”, tumayo siya ulit sabay duro sa mukha ko. “Ginagago mo ba ko Jake, o sadyang gago ka lang?”, hindi ako sumagot. “Hindi naman ako pinanganak kahapon para lokohin at sabihin mo lang na hindi mo ‘yun sinasadya! Baka naman sabihin mo pa sa’king dahil lang sa kalasingan kaya mo ‘yun nagawa… anong akala mo sa’kin, ha? Fuck you Jake! Wala kang kwenta!”, nagbakasakali akong patahimikin si Maan kaya hinalikan ko siya sa labi. Tumahimik ang paligid sandali. Hinawakan ni Maan ang braso ko at hinigpitan pa lalo ang pagkapit. “Tang ina mo talaga eh no?” binitawan rin niya agad. “Kala mo ba madadaan mo pa ko sa halik-halik na ‘yan? Gosh Jake, not me!”, umalis si Maan sa harap ko at umakyat ng hagdanan. Sinundan ko lang siya ng tingin habang lumuluha. Hindi ko alam ang dapat kong gawin para pakalmahin si Maan. Nasa gitnang parte na ng hagdanan si Maan nang bigla siyang huminto at tumingin sa akin. “Ano? Wala kang gagawin? Di mo ko susundan? Di mo ko pipigilan?”, tumitig lang ako sa kanya at pinakita ang ‘ewan-ko-look’. “Argggh! I hate you 44, 895 times Jake! Magsama kayo ni Yna! Fuck you James! Fuck you!”
Wala na kami ni Maan. Natapos na ang tatlong taon naming pagsasama. Oo nanghihinayang ako sa kanya—sa aming dalawa. Pero tulad ng iba pang lalake, gusto ko ring kumawala sa ganung sitwasyon. Maganda at astig si Maan, Isa sa mga katangiang nagustuhan ko sa kanya noong highschool kami. Pero eto, nagpakasarap ako at pinabayaan ko siya. Okay lang, na-enjoy ko naman ang tatlong taon ko sa kanya. Tama na siguro ‘yun. Bigyan naman ng chance ang mga susunod.
Lumipat ako ng dorm pagkatapos naming magbreak ni Maan. Magkatabi lang kasi ang inuupahan namin kaya mahirap kumilos. Okay na yung ganito, magkahiwalay at magkalayo para madaling makapagmove-on. At dahil nga nagsimula na ang klase sa college, pahirapan ang humanap ng dorm dahil punuan lalo na sa bahagi ng University Belt kunsaan kabilang ang pamantasang pinapasukan ko. Sa isang luma at mataas na gusali malapit sa di kilalang mall sa Recto ako nakahanap ng mauupahan. Pwede na para lang makaraos sa buong taon. Sa 4th floor ang kwarto ko—Room 403. Ako lang mag-isa, solo ko ang kwarto. May 4 na kwarto kada palapag. Ayon sa kahera ng gusali, dalawa lang daw kaming nangungupahan sa 4th floor. Estudyante rin daw pero bihira niyang nakikita dahil gabing gabi na raw kung umuwi at maaga naman ang pasok kinabukasan. Wala naman masyadong bawal sa dorm. Okay lang magpapasok ng kaibigan basta hindi lalagpas sa tatlo. Wala ring curfew. Lahat kami ay binigyan ng susi para raw hindi na makaistorbo sa iba kung sakaling gagabihin ng uwi. Ayos! Mukhang ma-eenjoy ko ang pagkabinata ko rito.