Sa limang taon kong paghawak ng whiteboard marker sa mundo kung saan naghahalo ang samu’t saring kaluluwang paslit sa iisang bubong, ako ay naging buhay na saksi sa kung paano sinimulang hubugin ang isang doktor, abogado, presidente, guro, tindera, drayber o maging ang isang magnanakaw o ang isang dakilang tambay ng isang abang tagapamahala ng kaalaman sa sanlibutan na tulad ko. Maaaring hilaw pa ako sa ngayon kung ikukumpara ang aking kakayahan sa mga kauniporme ko na halos ginugol na ang kalahati ng kanilang buhay sa pagtuturo. Bilang isa sa mga inatasang maghubog sa mga kabataan, mahalaga sa akin na may taglay o sapat na karunungan na kung saan kinakailangang ito ay pinayayaman at pinauunlad pa sa pamamagitan ng pagsasaliksik o pag-aaral muli. Subalit aking napagtanto na hindi lang sa mga paraan na ito maaari akong umusbong at matuto; aking nadiskubre ang isang mabisang paraan ng pagkatuto at ito ay ang maturuan ako, ako na isang tagapagturo ng mga taong akin mismong tinuturuan, hinuhubog, inaalalayan, pinapausbong at pinaparunong. Sila nga, ang aking mga estudyante at mga lihim kong tagapagturo.
Hangad kong ipakilala sa inyo ang walo sa mga hindi ko malilimutang tagapagturo .Kaalinsabay nito ay ang pagbabahagi rin sa inyo ng bawat kwento nila na nagsilbing daan para malaman ko at maunawaan na habang tinuturuan ko sila ay tinuturuan din pala nila ako. Sila ang walong bahagi ng aking pananalita at buhay sa propesyong aking ngayong kinabibilangan.
Si Mara. Siya ay sikat at may pangngalan ,este, pangalan sa paaralan. Kilala siya dahil sa lakas ng dating niya sa masa. Tanyag ang pamilyang kanyang kinasasadlakan. Siya ay ang “Miss Friendship” ng bayan. Isang dilag na nababalot ng nakalululang karangyaan at nakababad sa nakasisilaw na kasikatan. Sa murang edad, marahil ay nalasap na ni Mara ang langit kung pagbabatayan ay pagkakaroon ng lahat ng bagay na gusto natin. Ngunit, ika nga, hindi lahat ay may tag price. Nakamamangha ang mga bagay na tangan ng dalagitang ito. Mga sikat na pangalan sa buong mundo lang naman kasi ang may gawa. Mga naglalakihang pangalan na panambitan siguro ng tanan na mapasakanila. At dahil sa katanyagang nakadikit kay Mara, ang lahat ay gusto siyang maging kaibigan. Hindi ko mawari kung ang ulo ni Mara ang nais ng mga umaaligid sa kanya o ang mga ulo ng mga bayani na nasa kanyang bulsa. Naiisip ko rin na baka kaya dumidikit lang ang iba ba ay para maambunan sila ng kahit katiting na kasikatan. Mahirap ang manghusga.
Ang estudyanteng si Mara ang nagturo sa akin na mahalaga ang bawat pangalan ngunit hindi ang magkapangalan sa lipunan. Sabi pa niya, “masarap sana maging sikat, kung sa pag-ibig ay hindi ka salat.” Napaisip ako sa sinabing ito ni Mara.
Malayo man ang agwat namin sa lipunan ni Mara dahil sa siya’y nakaririwasa at ako’y galing sa pamilya ng mga anak-pawis, hindi ito naging balakid upang kami ay magpang-abot. Sa labas ng mundo ay maaaring isa siyang matayog na saranggola at ako ang batang nakatingala sa kanya. Malayo man kami sa isa’t isa kung mamasdan subalit may isang sinulid na hindi nakikita ng mga mata na nagdurugtong sa aming dalawa. Naiintindihan ko siya. Salamat Mara. Salamat sa itinuturing kong anak at tagapagturo.
Si Ming. Heto naman ang super hero ng klase sapagkat sa panghalip, este, sa halip na unahin ang sarili mas iniintindi pa ang katabi. Tahimik lang si Ming ngunit handang humalili sa iyo tuwing ika’y napapraning. Wari’y walang kapaguran itong pambihirang katoto. Gusto yata niyang daigin pa ang mga bayaning nakatayo sa mga monumento. Hindi ko alam kung saan at kanino hinuhugot ng batang ito ang kanyang kalakasan sa loob at sa labas. Minsan naisip ko kung sadyang uto-uto lang siya o nagpapapansin lamang. Karamihan sa mga kaklase niya ay malimit na nakahahanap ng sandalan sa kanya sa tuwing kailangan ng mga ito. Hindi ka talaga niya bibiguin. Madalas din na parang inaabuso na nga siya, subalit wala pa rin siyang angal. Iyon ang akala ko; isang maling akala dahil nabigla ako nang minsang nakasalamuha ko siya at binitawan niya sa akin ang mga katagang ito na kumurot sa aking puso. “Masayang maging sandalan kung ang baterya mo sana’y hindi nauubusan,” winika niya. Super hero ang tingin ng karamihan ngunit lingid sa kanila na ang super hero nilang tinuturing ay naghahangad din ng super hero na makakapiling.
