KUNG SAKALI

56 2 0
                                    

KUNG SAKALI
- Kuya Ian

Maraming kuwento ang natatapos nang masaya,
Natatapos nang malungkot,
Natatapos nang masigla,
Natatapos nang nakayayamot,
Natapos sa umpisa,
Natatapos nang may aral na mapupulot,
At may mga tinatapos agad dahil hindi na kaya.

Ngunit kung sakali mang itigil mo na ang pagsusulat sa ating nobela,
Gusto ko sanang hawakan kahit sa huling sandali ang mga kamay mong nadumihan na ng tinta.
Hayaan mong hugasan ko ang mga kamay mo para wala na akong maiwang bakas at alaala.

Kung sakali mang punitin mo ako sa pahina ng 'yong libro,
Gusto ko lang malaman mo na nakatatak pa rin sa akin ang numero ng pahina kung nasaan ako.
Ang numero sa kalendaryo kung kailan mo ako nilikha't binigyang buhay sa pagkatao na minahal mo.
Alam kong hindi kawalan ang isang pahina
ngunit kapag wala na ako...
Hindi na buo ang kuwento,
Hindi na tayo buo,
Hindi na tayo isang kuwento,
Hindi na tayo, "tayo"
dahil tayo ang kuwento.

Kung sakaling ayaw mo nang sumulat at gusto mo namang maging tauhan,
Nandito naman ako para hawakan ang dati mong pluma at hayaan mo akong isulat ang ating tadhana...
Ngunit wala na akong magagawa
Kung ang nais mo'y sa ibang papel ka naman mailathala.

Kung sakaling maibalik mo na ang natuyong dinsol ng iyong panulat
ay narito pa rin naman ako para tulungan kang muling ilapat ang mga letra't ibalik natin ang lahat.
Nandirito pa rin ako kung sakali lang naman na ako pa ang gusto mong maging kasama sa pagsulat,
Ngunit kung iba na?
Baka manatili na lang akong piraso ng mga papel na pinunit at nilamukot— isang kalat.
Isang kalat na itinaboy sa sariling tahanan ng minahal n'yang manunulat.

Kung sakaling tutuldukan mo na ang pangungusap at lalagyan mo na ng wakas ang lahat,
Hayaan mong ako ang gumawa...

Para hindi na mabahiran pa ang mga kamay mo ng karumihan,
Para hindi ka na mag-iisip ng kuwentong idadahilan,
at ang sasabihin mo na lang
ay ako itong nang-iwan.

Maraming kuwento ang natatapos nang masaya,
Natatapos nang malungkot,
Natatapos nang masigla,
Natatapos nang nakayayamot,
Natapos sa umpisa,
Natatapos nang may aral na mapupulot,
At may mga tinatapos agad dahil hindi na kaya...

Ngunit kung alam mo na ang katapusan, uumpisahan mo pa ba?

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon