Bertdey Boy
"Kanta tayo ng "Happy Birthday" para sa ating birthday boy!"
"Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday— Happy birthday to you!"
Masaya ang lahat na nag-aawitan ngunit bakas sa mukha ng batang si Nico ang kalungkutan habang nakatulala sa apoy ng kandilang hugis "9" na nakatusok sa kan'yang bertdey keyk.
"Oh? Anak? Ang lungkot mo naman, birthday na birthday mo, a? Iblow mo na 'yong kandila mo..." pagpilit ng nanay ni Nico sa kan'ya.
Ngunit bago pa man makaihip ay biglang may malalakas na pagkatok ang babasag sa panandaliang katahimikan ng lahat.
Magmamadaling buksan ng ina ni Nico ang pintuan saka bubungad ang mga huling bisita.
"Ma!" makikitang nagalak si Nico sa mga dumating na panauhin.
"Thank you, mama! Inimbita mo sila!" yayakapin ng bata ang ina.
Hindi rin maintindihan ng kan'yang ina ang nangyayari ngunit wala itong magawa dahil naging masaya ang bata sa pagdating ng mga ito.
"Alam n'yo po ba? Gusto kong maging katulad ninyo!" pagbati naman ni Nico sa mga bisita.
Yuyuko ang isa sa mga bisita saka guguluhin ang buhok ng bata.
"Ikaw ba si Nico Dela Cruz Jr. ?"
"Opo! Paano po ninyo nalaman? Para saan po ang posas na hawak ninyo? Gusto ko rin po n'yan!"
"Sa iyo na talaga ito." Ngingiti ang pulis saka nito isusuot ang posas sa mga kamay ng bata.
Makikita sa pintuan kasama ng iba pang mga pulis ang kaklase ni Nico na si Jay na duguan ang mga tuhod at ang galit na nanay nito.
-Kuya Ian
#ChildrenNotCriminals
BINABASA MO ANG
Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )
PoesíaHighest Rank: #1 in spokenword 5/10/18 #1 in spokenpoetry 5/14/18 #1 in dagli 7/7/18 #1 in piece 7/7/18 #1 in makata 7/8/18 #1 unsaid 9/17/18 open for comments/criticism/suggestions, icomment lang po sa mismong akdang nais lagyan ng komento