Pumunta ako kina Mr. Gomez para ipaalam sa kanila ang nangyari kay Sir Lim. Talagang ikinagulat ng mag-asawa noong malaman nila ang balita at tila hindi na maipinta ang kanilang mga mukha sa naging reaksyon.
Matapos yun ay nagpaalam na ako sa kanila para umalis. Babyahe pa kasi ako papuntang Caragao para ipagpatuloy ang iniimbestigahan namin doon. Sa pagkakaliban ni Sir Lim ay kailangan kong gumalaw—kahit pa na ang ibig-sabihin nito ay gagalaw ako nang mag-isa. Kailangan ko rin sanayin ang sarili ko sa mga ganitong sirkumstansya, nang sa ganoon ay mahahasa ko ang sarili ko sa inaasam kong propesyon.
Nakarating din ako sa Caragao, matapos ang halos buong araw na byahe at pagsabak sa matinding traffic. Pagod ako nang makarating sa apartment na tinutuluyan ni Sir Lim. Mabuti na lang at ipinaubaya niya sa akin ang duplika ng susi sa kwartong ito at ipinaalam sa may-ari ang tungkol sa akin—bago pa siyang mabaril at maospital.
Dala ng sobrang pagod at puyat ay napahiga na lang ako kaagad sa kanyang kama. Naging kapansin-pansin din ang mga gamit niyang nanatiling nakakalat doon, kaya doon na nakatuon ang atensyon ko.
Binuksan ko ang laptop na kanyang iniwan at pinanood ang CCTV Footage kung saan nakunan si Teresita bago siyang mawala. Bukod sa kanyang ikinilos ay naging kataka-taka para sa akin kung bakit yung backpack na lamang ang kanyang binitbit. Nasaan na ang maleta na dala-dala niya kanina noong una siyang pumasok dito?
At dahil doon ay napagpasiyahan kong pumunta sa naturang motel para alamin kung ano nga ba ang nangyari sa kanyang mga naiwang gamit. Tutal ay maaga-aga pa naman, at 24 hours naman ding bukas ang mga motel.
Noong nakarating na ako sa motel na yun ay agad kong tinungo ang front desk para kausapin ang clerk na nakaduty para sa gabing ito.
"Ma'am, good evening po. Ako po si Detective Zachary Tamayo, isa po ako sa mga nag-iimbestiga sa kaso ni Teresita Gomez. Maaari po ba akong makahingi ng pahintulot sainyo na makapunta sa room na kanyang tinuluyan noong August 15?" Tanong ko pa sa clerk na yun.
Tumitig lamang 'to sa akin nang may katagalan na para bang wala siyang narinig ni isang salita mula sa akin noong kinausap ko siya. Sa totoo lang ay medyo nabanas ako sa kanyang naging akto dahil malinaw ko naman na sinabi ang mga yun.
Nang akmang uulitin ko sana ang mga sinabi ko ay dolon pa lamang siya nag-salita.
"Ay, Sir. Good evening po. Sa ngayon po ay hindi po namin ina-allow ang pag-request sa kwarto na yun." Pagsagot pa nito sa akin nang ganoon pa rin ang ekspresyon sa mukha.
"Pumunta na dito noong nakaraan ang Partner ko sa pag-iimbestiga. Pumayag naman kayo noon, hindi ba? Bakit ngayon, hindi na pwede?"
"Opo, kasi po may protocol na po kaming sinusunod para sa mga--"
"Pwede ko po bang kausapin ang manager ninyo?" Natigilan siya noong tinanong ko ito habang nakadiretso ang tingin sa kanyang mga mata.
At gaya noong una ay may may katagalan na naman ang kanyang pagtitig sa akin, habang nababakas sa kanyang mukha ang pagtutol sa hinihiling ko sa kanya. Sa mga oras na ito ay medyo nauubos na ang pasensya ko sa babaeng ito dahil sa kanyang kinikilos. Nagsimula na rin akong magkaroon ng pagdududa kung paano siyang natanggap sa posisyong ito, gayong hindi siya makapagbigay ng mas mabilis at wastong inquiry.
BINABASA MO ANG
Ang Pagkawala Ni Teresita Gomez
Gizem / GerilimSi Teresita Gomez ay ipinanganak sa isang simple ngunit marangyang pamilya. Bagama't maayos ang kanyang pamumuhay ay may mga patong-patong na problemang dumating sa kanya. Dahil dito, napagpasyahan niya na munang umalis upang nang sa ganoon ay makap...