Chapter Ten

169 3 0
                                    

NAKARAMDAM ng matinding paninibago si Demmy sa sarili na tila may kulang sa buhay niya nang makabangon at makapaggayak para pumasok sa eskuwela. Huminhin ang bawat paghakbang pababa ng hagdan na parang may pilit inaalala na di maintindihan kung ano at sino.

Kalungkutang umagaw sa maaliwalas niyang mukha na dati’y sa tuwing sasapit ang umaga ay napapangiti siya at may nakakausap. May pangungulila sa kanyang puso na tila may mahalagang nilalang na nawala sa kanya at bagay naman na hindi lubos maunawaan.

May kapanglawan ang mga matang sumulyap sa kahabaan ng lamesa nang madako ang kusina. May nakahain sa hapag ngunit payapa at walang bakas ninuman ang naroon. Napasulyap sa platong nakahanda at naroon ang pares ng chopstick.

Masasarap na pagkain ang nakahain ngunit matabang ang kanyang gana para galawin ang mga ito. Napaupo katapat ang plato niya at dahan-dahang hinawakan ang chopsticks.

“Bakit ganito? Napakatamlay ng umaga ko. Wala akong ganang kumain. Bakit ako nalulungkot? Alam kong narito lang si Mommy at umaasa ako na buhay pa si Kae. Pero bakit parang may kulang pa rin? Hindi ko naman ito naramdaman noon. Matigas man ang ulo ko, salbahe ako at pasaway na anak, pero parang may nakilala akong nilalang na madalas kung nakakasama at nakakausap kahit saan ako magpunta. Pero nasaan na siya? Sino siya?” mga wika niya sa sarili.

Hindi na niya itinuloy ang almusal at naisipan niyang hanapin ang kanyang ina. Hinanap kung saang bahagi ng bahay ngunit hindi niya makita. Huling naisip ang bumalik sa pangalawang palapag ng bahay at tunguhin sa silid nito.

Kumatok nang matapat sa pinto ngunit wala siyang naririnig na pagsagot o anumang pagkilos para pagbuksan siya. Napansin na hindi naka-lock kaya dahan-dahang pinihit ang siradura at unti-unting tinutulak pabukas.

May kaunting kadiliman ang silid ng kanyang ina ngunit naaaninag niya ang mga kagamitan sa loob hanggang sa masilayan sa kama at nanlaki ang mga mata nang makita ang isang lalaki na walang pang-itaas na damit, nakatalikod, may kung anu-anong mga makulay na nakaukit sa mga balat sa likod at mga braso. Nakayapos ito sa kanyang ina at mukhang magkadikit ang mga labi.

Kaybilis siyang kinabahan, nanginginig ang mga laman, hindi sa takot kundi sa galit. Napadampot siya ng isang throw pillow mula sa sofa ng silid na ‘yon at nagmadaling sumugod at pinaghahampas ang lalaki.

“Get out! get out! Yakuza! You are Yakuza! Yakuza! Get lost! Get lost! Get looooost!” sigaw niya na pinapalayas ang tinawag niyang Yakuza dahil sa puro mga tattoo ang nakaukit sa katawan nito.

Napabalikwas at nagulantang naman ang mga ito nang maghisterikal sa galit ang dalaga at di napigilan sa paghahampas sa lalaki na panay naman ang salo.

“Demmy, Yameru! Yameru!” pagpigil sa kanya ni Dina ngunit hindi pa rin nagpapigil si Demmy.

Kulang nalang ay lamunin niya sa galit ang lalaki at nanalim ang mga matang tumitig sa ina. Tumilapon ang unan sa kahahampas niya at ginamit ang mga kamay para ituloy ang pamamalo sa likod at balikat ng lalaki.

“Liar ka Mommy! Liar! Kaya ayaw mong sabihin sa akin kung nasaan si Daddy dahil may lalaki ka! Hindi mo ako mahal! Wala kang pakialam sa nararamdaman ko!” mga sumbat niya sa kanyang ina.

Lalo pa niyang pinagsasapak ang lalaki na panay naman ang pagsalo hanggang sa hindi niya inaasahan na saluhin ng lalaki ang magkabila niyang braso, kinabig at niyakap siya nito ng mahigpit. Nagpupumiglas ang dalaga na natumba na sa kama habang niyayapos ng lalaki.

“Leave me alone! Yakuza, saitei! Hanashite! Let me go! Let me go!” pagpupumilit niyang wika na pinagsusuntok ang lalaki. Nagtataka siya kung bakit hinahayaan lang siya ng kanyang ina na yakapin siya ng lalaki nito.

My Japanese Boyfriend "Book 1-Eraser"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon