"Hindi ba't mas gugustuhin nating magmahal ng tunay na hindi na susuklian kaysa sa nasusuklian pero hindi naman tunay ang pagmamahal." Bigkas ko sa mga salitang bigla-bigla na lang lumilitaw. Abala ang lahat para gumawa ng tula para sa pangalawang asignatura.Hindi sa pagmamayabang, pero kaya kong alayan ka ng tula mula sa aking kaibuturan maparamdam ko lang ang ang aking pagmamahal. Hindi ako nakatulog kagabi dahil sa kaiisip sa'yo. Tila ba nagimbal ang natutulog kong mundo. Hindi ko pa rin kasi lubos na maisip na kahapon ay lumapit ka sa akin at tinanong kung maaari ba kitang tulungan.
Oo. Sige. Ikaw pa. Ilan lang 'yan sa mga katagang gusto kong bitawan buhat nang ika'y nagsalita. Ngunit tila ba ako'y walang mahanap ni-katiting na salita para sumang-ayon sa iyong katungan. Mismong mga letra na ang nagsitaguan at simpleng tango lang ang aking nabitawan.
Pasensiya na, binibini. Ako'y isang mahiyain at hindi mahilig makihalubilo sa mga tao. Kung susumahin, bilang lang sa mga daliri ang binibitawan kong mga salita sa maghapon. Mas gugustuhin kong sabihin ang aking mga saloobin sa pamamagitan ng pagsusulat.
"Miguel. Tingnan mo nga 'to kung maayos na."
Pinunit ko ang aking mga mata na kanina pa tulala sa papel na ang sulat lang ay ang iyong pangalan at ang tulang sa iyo'y iaalay. Lubos man ang kaba ko dahil sa inaakalang baka makita mo ang aking kaloob-looban. Ngunit nagawa ko pa rin itong takpan katulad ng pagtatakip sa sakit dulot ng isang kathang-isip lamang.
Hindi naman ako isang diksiyonaryo para bigyan lahat ng kahulugan ang mga ginagawa mo sa akin. Isa lamang akong umaasa na sa tingin ko wala na rin pinagkaiba. Ayoko na sa simpleng bati ay maging dahilan ng aking paghihinagpi. Hayaan mong namnamin ko muna ang saya bago ang luksa. Saya na kapiling ka. Luksa dahil alam kong hindi na tatagal pa.
"Isa, dalawa. Alam kong hindi na tatagal pa. Tatlo, apat. Dahil alam kong hindi ka na tapat. Lima, anim. Mamahalin ka pa rin. Pito, walo. Mahal mo pa ba ako? Siyam, sampo. Mga rason kung bakit unti-unting nasisira ang ating relasiyon."
Isa-isa kong binasa ang bawat salitang iyong isinulat sa kuwaderno. Tila ba'y nababalutan ng kalungkutan ang iyong puso't isipan. Binibini, ikaw ba ay may dinaramdam? Kung ganoon, halika't ikaw ay aking tutulungan. May mga ideyang nagsilabasan sa aking isipan, ngunit winaksi ko ito sa kadahilanang ikaw ay nakatingin sa akin. Ang iyong mga balintataw na nasisinagan ng araw.
Tila isang paraiso ang iyong taglay. Isa, dalawa. Ikaw ay kahali-halina. Talo, apat. Ika'y sobra pa sa sapat. Lima, anim. Ang iyong ngiti na nagniningning. Pito, walo. Wala ng tatalo sa iyo. Siyam, sampo. Ang mga katangian mong hindi magbabago.
"Miguel, kumusta ang aking tula?"
Nabalik ako sa wisyo nang ika'y muling nagsalita. Ito ba ang epekto ng pagmamahal? Katulad kahapon, hindi ko magawang sumagot. Ni-isang salita ay walang lumabas sa aking bibig para sabihing napakaganda ng iyong tula, aking binibini.
Ika'y ngumiti na naging sanhi para ang puso ko'y magwaksi. "Salamat, kaibigan."
Lingid sa aking kaalaman na may maiwawasak pa pala ang mga pirasong wasak na wasak na. Sa gitna ng kabigan may pag-asa pa kayang ito'y maging ka-ibigan?
BINABASA MO ANG
Kulimlim | ✓
Nouvelles"Liham para sa iyo na hindi ko na mahahagkan pa" Highest Ranked: [2019 February 06] #1 in Liham #34 in Wattys #291 in Short story Date started: 2019 January...