Presensya Ko

22 0 0
                                    

   Natagpuan na naman ni Ericah ang kanyang pinakamahalagang kaibigan na si Miyuki, umiiyak. Nakaupo si Miyuki sa may tabi ng hardin na nasa likod ng kanilang paaralan, walang humpay na humahagulgol. Lumapit si Ericah para tabihan ang kaibigan at sabay na hinimas-himas ang likod nito upang mapakalma man lang niya at maidama na nandito lang siya. Kumalma naman siya ngunit sa loob-loobin ni Ericah, alam niyang hindi napapansin ni Miyuki ang presenya niya kahit na lagi na siyang nasa tabi nito.

     “Miyuki, tama na ang pag-iyak, marami ka na ring nasayang na mga luha. Ito pa rin ba ang problema mo?,” pagbabanggit ni Ericah sa kanya.

     “Oo eh. Araw-araw na lang, ganito ang sitwasyon namin. Ayaw ko na Ericah, suko na ako,” sagot ni Miyuki na halata ang sobrang pagkalungkot sa boses pa lamang.

     Naikwento na ni Miyuki ang lagay nila kay Ericah at ang pagtangka niya na magpakamatay sa kadahilanan na wala raw siyang kwentang tao. Isang araw, nagising na lamang siya sa kama niya na may banda ang kanyang kaliwang kamay. Bumaba siya at nakita niya ang kanyang bunsong kapatid na nakahilata sa sahig, hindi na humihingan. Wala ang kanilang mga  magulang kaya siya ay mag-isang umiyak. Hindi niya namalayan, naka-idlap pala siya na hawak pa rin ang kapatid nang dumating ang kanilang mga magulang. Agad sinigawan ni Miyuki sila at sinabi na bakit wala sila. Hindi na rin maitago ng kanyang ina ang lahat na napaluhod na lang ito at sinabi na gipit sila ngayon sapagkat nawalan sila ng trabaho kaya nagkakandarapa silang maghanap ng pera o mauutangan.

     Lumipas ang ilang araw at napalibing na rin nila ang kapatid ni Miyuki ngunit sila ay naghihirap pa rin. At sa magandang pagkakataon nga naman, nalaman ni Miyuki na siya ay ampon lamang. Ipinamigay daw siya ng kanyang mga totoong magulang sa kanila at kailanman, hindi na nagpakita o nagparamdam.

     Simula noon, naging napakahirap na ang buhay para kay Miyuki. Ayaw na niya umuwi at magpakita sa bahay na punung-puno ng sakit para sa kanya. Nag-iba na rin siya na wala na nga siyang kwenta pati ba naman buhay niya, wala na ring saysay.

     “Huwag ganyan Miyuki, nandito lang ako palagi, hindi kita iiwan,” pagpapaalala ni Ericah.

     “Ano ba alam mo Ericah? Naranasan mo na ba? Ha? Ha?!,” hindi na napigilan ni Miyuki ang pagkainis sabay na ang pag-iyak muli.

     “Hindi ko man siya naranasan pero huwag ka sumuko! Kailan mo ba masasaksak sa kokote mo na nandito nga lang ako! At isa pa, nandyan din ang Diyos na hinding-hindi ka iiwan anuman ang mangyari sa buhay mo, tandaan mo ‘yan. Miyuki, magdasal ka sa Kanya at pahalagahan mo pa rin ang mga magulang mo,” hindi na rin kinaya ni Ericah at umalis na siya.

     Naiwan si Miyuki at inisip ang mga pinagsasabi ni Ericah ngunit, mukhang hindi pa rin siya tinablahan sapagkat para sa kanya wala na magbabago kahit isang daang tao pa ang magsabi na nandyan sila. Wala nang magawa si Miyuki kundi umuwi at habang naglalakad siya pauwi, nakasalubong niya si Paul.

     “Uyyy, Miyuki, musta na? Teka nga, ayos ka lang ba? Bakit ganyan hitsura mo?,” pagbati ni Paul.

     “Ahh, ehhh. Wala ito. Hahaha.”

     “Miyuki, halata sa tawa mo na hindi ka okay, kilala kita. Ano, tambay muna tayo sa parke.”

     “Uhhhhhhmmmm, sige na nga. Haist.”

     Naglakad na sila papunta sa parke na malapit lamang sa paaralan nila. Pagkadating nila, naghanap sila ng pwesto para makaupo at nagsimula na magkwento si Miyuki. Muling napaluha siya at onti-onti nang umiiyak. Niyakap naman siya ni Paul at pinaharap sa kanya.

     “Miyuki, huwag kang susuko ahh. Nandito lang ako. Mag-aral na lang nang mabuti at tulungan ang ermat at erpat mo kahit hindi sila ang tunay. Tanggapin mo sila na dapat pa nga magpasalamat ka sa kanila at pahalagahan. Aaminin ko, ayaw ko rin sa bahay namin dahil sa erpat ko dahil anak lamang ako sa labas pero nung tumagal, na-realize ko, ang swerte ko pa rin dahil nandyan siya na pinagkaloob sa akin ng Diyos,” pagpapaliwanag ni Paul.

     Hindi na nagsalita si Miyuki at iniwan na lang si Paul. Dumiretso siya pauwi sa kanila at sadyang tadhana nga naman, nandoon ang kanyang tinatawag na mga magulang.

     “Nak, buti naman nakauwi ka na. Huwag kang mag-alala magiging maayos din ang lahat, tiwala lang sa Panginoon. Alam mo ba noong nalaman namin na nagtangka ka magpakamatay, natakot kami lalo na’t ganoon din ang ginawa ng iyong kapatid pagkatapos ka niya ilagay sa kama mo, nag-text siya sa amin noon kaya nagmadali kaming umuwi kaso ayun nga ang nangyari. Please anak, huwag ka susuko, nandito lang kami ng tatay mo na tinuturi kang tunay na anak,” sambit ng kanyang ina.

     Pagkatapos ng ina niya magsalita, hindi na niya mapigilan umiyak muli ngunit sa pagkakataong ito, alam niya na ito na ang magiging huli niyang iyak. Niyakap niya ang kanyang mga magulang nang sobrang higpit. At alam na niya na tunay nga may mga taong nandyan sa kanya lalo na ang Diyos na nagbigay sa kanyan ng buhay. Bukas, alam na niya ang kanyang gagawin.

Presensya KoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon