NAILAH.
Kaagad akong umiwas ng tingin nang mapatingin siya sa akin. Nagulat ako, hindi ko alam ang gagawin.
Malapit lang siya sa akin at kinakabahan akong isipin na naririnig niya ang malakas na tibok ng puso ko.
Umayos ako ng upo, napayuko at lalong iniwas ang tingin.
"Bakit ka nakatingin?" tanong niya.
Nanlaki ang mata ko at ibinaling sa kaniya ang tingin. Nagtatanong pati ang kaniyang mga mata.
Napakurap ako. 'Di alam kung anong tamang i-sagot.
"Hoy," pukaw niya pa sa akin.
Wala pa ako sa tamang pag-iisip, nasabi kong, "G––Gusto kita."
Nakagat ko ang labi, gusto yatang paduguin. Napayuko ako, nahihiya.
Naghintay ako ng ilan pang sandali bago ko naramdamang umalis siya sa tabi ko.
Bumuntung hininga ako. Bagsak ang balikat ko nang sulyapan ang upuan niyang ngayon ay bakante na.
Matapos kong umamin, nagsisi ako. Hindi ko alam kung bakit ko 'yon nasabi. Maling-mali. Maling-mali ang nagawa kong pag-amin.
Hindi na niya ako pinapansin. Umiiwas na siya. Naiilang siguro. Ako naman, nasasaktan.
Isang araw nakita ko siya, may kasamang babae. Lalagpasan ko sana sila kung 'di niya ako tinawag. Napahinto ako sa paglalakad. Kunyari ay walang emosyon ang mukha ko.
"Pasensya na, ha? 'Di kita gusto."
Pinigilan kong 'wag lumuha sa harap nila. Napatango na lang ako at mabagal na lumakad palayo.
Habang lumalakad, mas lalong bumibigat ang puso ko. Wala akong karapatang masaktan, o magselos man lang. Hindi. Hindi ako iiyak.
Pero bigo ako, tumulo na ang luha sa mata ko. Pinunasan ko 'yon kaagad pero mabilis ding tumulo ang isa pang luha.
Napatigil ako saglit nang tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha ko. Mabigat sa dibdib. Masakit sa puso.
Hindi niya ako gusto.