Ikasiyam na Liham

22 3 1
                                    


"Manigong bagong taon!"

Ang sigaw ng madla matapos tumuntong ang hating-gabi. Bagong taon, panibagong pagkakataon. Ilang linggo na nang ika'y huling aking nakita. Naging matagumpay ang maikling kuwento na ating ginawa.

Balita ko ay ipinagdiwang ninyo ang pasko't bagong taon sa inyong probinsiya. Sana'y naging masaya ka diyan. Iyan lamang ang tanging regalo ang gusto kong matamo. Huwag mo rin sanang kalimutan na mag-ingat. Hanggad ko na sana ika'y maging masaya pa ngayong taon.

Pumunta kami sa aming kamag-anak kung saan ay nandito ang lahat ko na pinsan. Para kaming isang mga bata na matagal na hindi nagkita. Totoo naman, kasi ngayon lang kami nakumpleto. Sobrang iingay at masaya silang kasama. May iba pa akong pinsan na ngayon ko lang din nakilala. Akalain mo 'yon, may mga kamag-anak pa pala akong hindi kilala.

Nagkaroon kami ngayon ng malaking salu-salo dahil kalauna'y magsisiuwian din kaming lahat sa kaniya-kaniyang tahanan. Puwera sa akin, dahil ikaw ay ang aking tahanan.

Abala silang lahat sa pagkuha ng mga larawan at pagkakantahan. Ang mas nakababata kong mga pinsan ay abala naman sa pakikitagtalastasan. At ako naman ay pinagmamasdan sila. Ang gaan sa pakiramdam kapag ika'y naliligiran ng saya't tawanan.

At ito pa, nagdadalawang-isip ako kung ikukuwento ko ba sa iyo o huwag na lang. Napansin ko na mas marami kaming kalalakihan kaysa sa kababaihan. Isa na riyan si Ino. Siya ang pilyong pinsan na nakilala ko. May kasama siyang dalawang babae. Inaakbayan ang isa, habang ang isa ay tahimik lamang at wala ng ibang ginagawa. Nagtama ang aming mga mata.

Kumaway sa akin si Ino nang mapansin na ako'y sakanila nakatingin. Dumiretso sila sa akin na dala ang isang abot tengang ngiti. Umiling-iling ako dismayado. Lahat tayo ay pantay-pantay at hindi puwedeng magkaroon ng dalawang reyna ang isang hari. Makuntento sana tayo sa isa.

"Miguel! Sabi ni Tiya Isabel ay wala ka pang nobya. O, siya. Ito nga pala si Julianna."

Tila may pang-aasar ang kaniyang pagkabigkas sa pangalan ni Julianna, ngunit sa 'di malamang dahilan, nakaramdam ako ng kalungkutan. Huling sulyap sa kay Julianna at umalis Ino kasama ang inaakbayan niyang babae. Nanatiling tahimik si Julianna, kung kaya't ako ang unang nagpapakila.

"Miguel."

"Julianna."

Inabot niya naman ang aking kamay bilang pagtanggap sa pakikipagkilala. Muli, ay nanatili ang katahimikan. Hindi ko naiitis at ito'y aking binasag.

"Pagpasensiyahan mo na ang aking pinsan. Pilyo talaga siya sabi pa ng kaniyang mga magulang."

"Ano ka ba, Miguel. Huwag kang mag-alala, dahil ako'y nasanay na. Kung hindi dalawa ay maglilima pa siya."

"Hindi ka ba napapagod?"

"Napapagod saan, Miguel?"

"Sakanya."

"Alam mo ba na maraming nagtatanong niyan sa akin, pero isa lang ang sagot ko't hindi na magbabago pa. Oo, napapagod ako minsan, pero hindi ko siya susukuan."

Yumuko siya't unti-unti kong narinig ang kaniyang pagsinghot. Marahil pagod na siya, pero nanatili siyang matibay para sa pagmamahal na hindi sigurado kung masusuklian pa.

"Mahal mo."

"Oo. Sobra. Pero hindi ko mawari kung ako ba'y tanga o manhid na, dahil sa sakit na nadarama."

Ngumiti ako ng malungkot. Masaya ako, dahil alam ko na may pag-asa pa silang magkatuluyan, dahil may naramdaman ako katiting na pagmamahal na namamagitan sa kanilang dalawa. E, tayo? Wala na ngang pag-asa pero ako'y kumakapit pa. Manhid na ba talaga ako, o sadyang tanga lang talaga.

Kulimlim | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon