Alas syete na ng gabi pero palabas ka pa lang ng opisina. Alas sais talaga ang uwian pero nanatili ka pa ng isang oras para tapusin ang pinapagawa ng kaopsina mong makaasta daig pa ang CEO. AT dahil ikaw ang pinakabata at pinakabago sa kompanya, sumunod ka sa iniuutos niya.
Buti na lang halos limang minuto ka lang naghintay sa may bus stop nang matanaw mo na ang bus number na sinasakyan mo pauwi.
Kaunti lang ang kasabayan mong sumakay mula sa bus stop na 'yon pero gaya pa rin nang dati punuan ang loob ng bus.
Pagkatapos mong i-tap in ang card mo sinuri mo ang loob ng bus.
Kahit na may mga bakante pang upuan sa harapan mas pinili mong tumayo na lang sa may wheelchair designated area dahil bakante naman iyon. Karaniwan kasing priority seat iyong mga upuan sa harap.
Higit treinta minutos din ang tinagal nang byahe dahil sa medyo traffic. Nagpahuli kang bumaba dahil ayaw mong nakikipagsiksikan at nakikipag-unahan, para saan pa kung makabababa ka lang din naman. Sinigurado mo munang nakapag-tap out ka ng card para sa pamasahe mo bago tuluyang bumaba ng bus.
At mukhang swerte ka sa gabing iyon dahil pagkababang-pagkababa mo pa lang ay nasa likuran na ang susunod na sasakyan mong bus number.
Two rides kasi ang bubunuhin mo bago ka tuluyang makauwi. Pero sa huli at pangalawang bus number na sasakyan mo...iyon...iyon talaga ang matindi. Kailangan mo nang makipag-unahan sa pagsakay dahil sa dami ninyong pasahero mula sa first bus stop mo.
Wala ka na ngang pakialam sa paligid dahil tinakbo mo na agad ang kinaroroonan ng bus na pansamantalang nakatigil para magbaba at magsakay ng mga pasahero. At nagtagumpay ka naman kasi ikaw yata ang unang nakapasok.
Pero dahil nga medyo mabait ka, tumayo ka ulit sa wheelchair designated area. At dahil na rin no choice, halos standing ang mga kasama mo. Ayaw mo namang umakyat sa second deck dahil sa tingin mo ay abala na aakyat ka tapos bababa din kapag malapit ka na sa bus stop na bababaan mo.
Kapag ganitong sumasakay ka ng bus may mga pagkakataong trip mong obserbahan ang mga kasama mo sa loob. Pero may pagkakataon ding wala kang pakialam dahil halos abala sila sa mga cellphone nila. At may pagkakataon ding bwisit ka lalo na sa mga mag-jowang hindi yata alam ang pinagkaiba ng private transpo sa public transpo dahil kung makapaglampungan akala mo nasa hotel sila at hindi rin nakatutulong sa eye-sight mo iyong tukaan sila nang tukaan.
Pero sa gabing iyon ay wala kang pakialam dahil bukod sa pagod ka ay medyo gutom ka na rin.
Abala ka sa pakikinig ng mga kanta ni Camila Cabello mula sa una niyang album sa iyong earphone nang biglang may gumalaw sa likod mo. Kasamahan mo pa lang pasahero na mukhang bababa sa susunod na bus stop. Binigyan mo naman siya ng espasyo para tuluyang makapunta malapit sa bus exit. Marami ang bumaba sa bus stop na 'yon at napansin mong ikaw na lang pala ang natirang nakatayo sa may wheelchair designated area.
Sinuri mo ang mga upuan sa parteng likod pero walang bakante. At kahit na may bakante man hindi ka lang din naman uupo dahil nasanay ka nang naka-standing sa buong byahe. Ang nasa isip mo kasi, bata ka pa naman kaya hindi naman sasakit agad ang binti mo sa ilang minutong pagtayo. At baka may sasakay na mas kailangan nila nang mauupuan.
Binalik mo ulit ang tingin mo sa labas ng bus dahil nakaharap ka sa may bus exit. Nagsara na iyong pintuan ng bus exit pati iyong bus entrance, walang sumakay na pasahero mula sa bus stop na iyon.
Pero hindi mo mawari kung bakit hindi ka mapalagay. Pakiramdam mo ay may nakatingin sa'yo. Mukhang wala kang pakialama sa paligid kung titingnan pero ang totoo niyan ay malakas ang pakiramdam mo. Ewam mo rin kung bakit pero ganoon ka, iyong parang hindi ka mapakali. Kaya naman pasimple mong sinuri ang loob ng bus, nagsimula ka sa likod pero mukhang wala namang kakaiba dahil bukod sa abala ang karamihan sa kani-kanilang cellphone, iyong iba naman ay nakapikit na.