Short Story

113 1 0
                                    


Gabi. Malakas ang ulan. Habang kami'y magkahawak-kamay ni Andrea, yakap-yakap naman niya sa kabilang kamay ang manika niya. Naglalakad kami ngayon papasok ng mall dahil napagdesisyunan kong ipasyal naman ang bunso kong si Andrea. Dadalhin ko siya sa arcade at bibilhan ko sya ng mga bagong laruan dahil mataas ang nakuha n'yang grado sa ikalawa nilang markahan.

Umakyat kami ni Andrea sa escalator at dumiretso sa arcade. Napangiti ako habang tinitignan ko ang bunso ko na nagniningning ang mga mata sa tuwa.

"Nanay! Gusto ko po doon sa may parang kabayo na pumapababa-itaas, nanay." sabi sa akin ng anak ko habang mahinang hinahatak ang kamay kong hawak niya.

"Oh sige, bunso. Bibili lang si nanay ng token para makapaglaro ka" sabi ko at naglakad kami papuntang token booth.

Dinala ko na siya at iniayos sa upuan. Hinulog ko ang token at nang umandar na ito ay inilabas ko ang cellphone ko upang kuhaan siya ng bidyo. Ang saya makitang nagagalak ang anak ko, gagawin ko lahat para lang maging masaya siya. Ang mga ngiti sa kaniyang mga labi ang siyang nagbibigay lakas sa akin sa araw-araw at siyang nagbibigay sa'kin ng dahilan para mabuhay.

Mahal na mahal ko ang anak ko, at hindi ko alam ang gagawin ko kapag nawala siya. Hindi ko mawari ang mangyayari sa akin kapag nangyari 'yon. Hindi ko kakayanin dahil baka mawala ako sa wisyo at mabaliw.

"Gusto ko naman doon sa may baril-barilan, nanay!" sabay turo niya at saka iniaabot niya ang kamay niya senyales na nagpapatulong siya sa baba.

Inabot ko ang mga kamay nya at binuhat siya pababa. Tumakbo naman siya sa kung saan 'yong tinuro niya kanina. Sinundan ko lamang siya at hinulog ang mga token para makapaglaro na siya.

"Salamat nanay dinala mo ako dito. Masaya po dito eh, sana po maulit pa natin ito. Thank you po, mahal na mahal kita nanay!" sambit niya sa akin pagkatapos niyang maglaro.

Napaluha ako sa sinabing iyon, pinahid ko 'yon at niyakap ko siya nang mahigpit "Mahal na mahal ka din ng nanay, bunso. Mahal na mahal"

Hinayaan ko lang siya maglaro nang maglaro at nang matapos na siya ay pinakain ko naman siya sa paborito n'yang fast food restaurant. Nandito naman kami ngayon sa toy store at pinagmamasdan ko siya habang tinitignan niya ang mga laruan sa istante.

"Puwede po bang ito ang bilhin natin, nay?" iniangat niya upang makita ko ang manikang hawak niya. "Para po may kaibigan na po si Alexandra."

Alexandra ang ipinangalan niya sa pinakauna at nag-iisa niyang manika. Lagi niya itong kasama kahit saan man siya magpunta.

Lumuhod ako upang pantayan siya. Ginulo ko ang buhok niya "Sige, bu-"

"Nay!"

"Sige, bunso ibibili ka ni na-"

"Nanay nandiyan ka lang pala, bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag namin? Kanina ka pa namin hinahanap, nag-alala kami nang sobra sa iyo. Ano po bang ginagawa niyo dito?" Tumalikod ako sa nagsasalita. Sunod sunod na tanong sa'kin ng lalaking papalapit sa pinaroroonan ko.

Si Andrei, ang panganay ko. Mabuti na lang at dumating siya para makasama rin siya sa bonding namin ni bunso.

"Ah namamasyal lang kami-"

"Nino naman? Sana man lang nagpasabi kayo"

"...ng kapatid mo"

"Huh?! Anong sinasabi mo, nay? Matagal nang patay si Andrea!"

"Anong pinagsasabi mo? Hindi magandang biro 'yan ah! Narito ang kapatid mo! Nandito si-" tumalikod ako upang hanapin si Andrea ngunit nagulat ako nang wala siya doon at ang hawak ko na lang ay ang manika niya.

"Andrea? Anak? Nasaan ka na?"

"Nay... Patay na si Andrea. Matagal na siyang wala

Ayaw kong maniwala sa sinasabi niya, binibiro niya lang ako. "Bunso lumabas ka na diyan, 'wag mo ng taguan si nanay bibilhin na natin 'yong gusto mong manika."

"Makinig ka naman sa'kin! Uuwi na tayo, halika na" malakas na pagkasabi niya at saka ako hinawakan sa braso para dahan-dahang hilahin.

"Hi-hindi totoo 'yang sinasabi mo... Kasama ko siya buong araw. Na-naglaro kami sa arcade, kumain sa paborito niyang kainan at bibili pa sana kami ng bago niyang ma-manika para may kaibigan daw si Alexandra" Utal utal kong sabi sa kaniya habang pinigilan ang mga luha ko.

Binawi ko ang braso ko sa kanya at kinuha ang cellphone ko sa bulsa ko. "I-ito oh... may kuha pa akong bidyo sa kanya kanina ha-habang nakasakay sa kabayo sa may arcade" iniabot ko sa kanya at kinuha naman niya ito.

"Nay..." ibinaba niya ang cellphone pagkatapos niyang makita iyon at saka iniabot sa akin.

Kinuha ko 'yon sa kamay niya, "Hindi ba? Kapatid m-" napatigil ako nang makita ko ang nasa bidyo... Wala dun si Andrea, tanging manika niya lang ang nakasakay at nakuha sa bidyo.

Tuluyang tumulo ang luha sa aking mga mata. "Andrea..."

Kasabay ng pagtulo ng mga luha ay ang panunumbalik ng mga alaala...

Gabi. Malakas ang ulan. Habang kami'y magkahawak-kamay ni Andrea, yakap-yakap naman niya sa kabilang kamay ang manika niya. Kagagaling lang namin ng bayan upang mamalengke at ngayon ay nagmamadali kaming naglalakad dahil naabutan kami ng malakas na ulan sa kalagitnaan ng paglalakad namin pauwi sa aming bahay.

Sa kalakasan ng ulan ay halos wala nang maaninag ngunit wala kaming mahanap na masilungan sapagkat walang masyadong bahay sa mga dinadaanan namin.

Ipinagpatuloy na lang namin ang paglalakad namin sa kadahilanang basang basa na rin naman kami at walang masilungan.

Tumatawid na kami nang biglang bumitaw sa akin si Andrea ng hindi ko namamalayan. Nang mapansin ko ay agad na tumalikod ako para hanapin sya. Tumatakbo siya papalapit sa nabitawan niyang manika. Ang mga sumunod na pangyayari ay 'di ko inaasahan...

Biglang dumating ang humaharurot na sasakyan... Napako ako sa aking kinatatayuan. Ang anak ko...

Lumapit ako sa anak ko na ngayo'y nakahandusay na sa kalsada na punong puno ng dugo ang katawan.

Gabi. Malakas ang ulan. Habang hawak-hawak ko ang kamay ng walang-buhay na si Andrea, na siyang nakahandusay sa kalsada, yakap-yakap naman niya sa kabilang kamay ang manika niya. Kasabay sa walang patid na buhos ng ulan ay ang pagbugso ng sakit, hinagpis at luha kong tila'y naging kaisa nito. Ang anak ko...

ManikaWhere stories live. Discover now