UNANG YUGTO

5.6K 159 39
                                    

Nagsisisi ako kung bakit pa kita isinilang. Sana hinayaan ko na lamang na malaglag ka mula sa sinapupunan ko. Ngayon ay nanganganib ang buong tribu nang dahil sa iyo. Huwag kang babalik dito hangga't hindi mo kasama ang magliligtas sa ating lahi...

Paulit-ulit niya ng binabasa ang sulat pero hindi niya matapos-tapos. Nawiwindang ang kanyang utak.

Tinupi ni Xierraluna ang papel at itinago sa bulsa ng kanyang pantalon. Pumikit siya ng mariin para pigilan ang mga luhang nagbabantang umapaw mula sa mga mata. Nagsisiksikan sa kanyang puso ang sakit.

Pero hindi iyon ang oras para kaawaan niya ang sarili. Kailangan niyang makahanap ng paraan. Nakasalalay sa kanya ang kaligtasan ng tribu nila.

Inayos niya ang sarili at naglakad patungo sa pedestrian lane. Tumawid siya kasabay ng agos ng mga tao papunta sa kabilang kalye. Kung gaano kagaan ang papel na nasa loob ng kanyang bulsa ganoon naman kabigat ang nilalaman niyon. Kung hindi niya tatatagan ang loob, hihilahin siya ng kalungkutan pababa.

Pagdating sa kabila ay nilandas niya ang pasilyo papasok ng simbahan. Sa may bukana ay natanaw niya ang magarang bridal car at mga nakabarong na mga lalaki. May kasal pala pero patapos na yata dahil nagsisipaglabasan na ang mga nasa loob ng simbahan.

Tinungo niya ang bahagi ng simbahan kungsaan naroon ang imahe ni Kristo na nakapako sa malaking kruz. May iilan ding naroon at nagdadasal.

Tumingala siya. Nanlalabo sa luha ang mga mata. Habang tinitingnan niya ang nakapakong Kristo, ang mga tinik na nakapalibot at bumaon sa ulo. Ang masakit na palatandaan ng pagiging hari. Ang kalunos-lunos na anyo. Naiisip niya, anong karapatan niyang magreklamo kung ang Diyos na pinagmamasdan niya ngayon ay dumanas ng mas higit na pasakit at paghihirap kahit wala namang kasalanan? Anong karapatan niyang umangal sa buhay kung isinakripisyo Nito ang sariling buhay para sa mga taong naniniwala at sumasampalataya?

Pinahid niya ang nangilid na mga luha sa pisngi at sa halip na maghimutok ay umusal ng panalangin. Gumagaan kahit papaano ang kanyang pakiramdam.

"Hija, anong ginagawa mo rito? Halika na, maghahagis na ng bouquet ang bride. Sumali ka sa pagsalo." Nilapitan siya ng isang magandang babae at hinatak patungo sa harap ng simbahan.

Nagulat siya at hindi agad nakakilos. "Ma'am, hindi po ako kasa-"

"Hayon na sila! Bilisan mo, ihahagis na ang bouquet!" Itinulak siya nito patungo sa umpukan ng mga dalagang guest at mga bride's maid na sabik na nag-aabang sa ihahagis na bouquet.

"One! Two! Three!" sigaw ng lahat.

Napasunod na lang ang mga mata niya sa bouquet na hinagis ng bride papunta sa kanila. Nagtalunan ang mga babaeng nasa harapan niya para abutin ang bulaklak.

Pero bumagsak iyon sa kanyang mukha bago nahulog sa kanyang mga kamay. Wala sa sariling tumingin siya sa mga taong nakapalibot at nagpalakpakan. Habang ang karamihan sa mga babaeng nasa umpukan ay nagmamaktol.

Tiningnan niya ang mga bulaklak. Those are fresh orchids and roses.

"Congratulations, you will be the next." Lumapit sa kanya ang magandang bride. Nakangiti at larawan ng kaligayahan. Nakabuntot rito ang gwapong groom na nakangiti din at tumatango sa kanya.

"Who is she?"

"I don't know."

"No idea."

"Look at her attire."

Bulungan ng mga bride's maid. Nakisali na rin ang ibang mga dalagang guests.

Suot niya ng araw na iyon ang isa sa mga makukulay na damit mula sa kanyang tribu. Ngayon kasi ang kapistahan doon at kahit wala siya, gusto niyang makibahagi pa rin sa nakasanayang tradisyon kahit sa pamamagitan man lamang ng pagsusuot ng kanilang Nakasaya. Ang kasuutan tuwing pinagdiriwang ng kanilang tribu ang Karanza bilang pagsamba kay Ma-anda.

HEARTBREAKERS 02: MOON'S BROKEN DEMON ✅Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon