~~~~~ The FINALE ~~~~~
Nang makabalik sa race track ay kinausap pa siya ng lalaki.
"Pare, ikaw ba si Jake Sarabia?" tanong ng lalaki. "Ako nga, bakit?" balik-tanong niya. "Wala. Kailan ba ang racing?" tanong ng lalaki. "Sa sabado," sagot niya.
"Jake!" sigaw ni Niko na nasa gitna ng track at nakasakay sa motor. "Halika na!" sabi ni Niko. "Susunod na ako," balik-sigaw ni Jake. Nagkibit-balikat lang si Niko at piantakbo uli ang motor pero panay pa rin ang sulyap niya kay Jake. Para kasing kinakabahan siya. Di niya alam kung bakit nararamdaman niya iyon.
Nakita niyang nag-uusap sina Jake at yung lalaki. Bumaba siya sa motor. Base sa ekspresyon ng mukha ni Jake, nagagalit ito kaya lalapit sana siya ngunit di pa niya iyon nagagawa nang biglang may pumutok na baril. Para siyang itinulos sa kinatatayuan. Tinamaan si Jake sa dibdib. Nagkagulo na ang mga tao at kanya-kanyang takbo ang mga ito. Nagawa pang batuhin ng isang tauhan ni Jake ang lalaki dahil sa nais nitong masaklolohan ang amo ngunit sa malas ay wala siyang bitbit na armas. Kaya ito naman ang binalingan ng lalaki at natamaan siya sa may balikat kaya napatakbo na lang ito.
Kahit may tama sa dibdib nagawa pa ni Jake na tumakbo palayo. Patungo sa tree house niya. Hinabol naman siya ng lalaki at pinagbabaril. Dahil sa bigat ng armor na suot niya ay mabagal lang ang takbo niya.
Si Mark naman ay nakipagpalitan din ng pagpapaputok ng baril sa di kilalang lalaki. Pero may kasabwat pala ito at di niya napansin kaya natamaan siya sa braso. Nabaling ang atensyon niya sa kasama ng lalaki. Pero umangkas na ito ng motor at agad na pinaharurot iyon palayo. Ang kapatid naman ni Jake na si James ay tumakbo sa bahay ni Jake para kumuha sana ng baril pero napamura lang ito at napaiyak dahil di niya mahagilap ang mga armas ni Jake.
"Pu**!" sigaw niya sabay takbo palabas. Narinig din ng mga magulang nila ang mga putok ng baril kaya napalabas din ito. "Anong nangyayari?" tanong ng papa nila. "Pa, si kuya! Si kuya nabaril!" sagot ni James habang umiiyak. Susugod sana ang papa nila pero pinigilan niya ito dahil baka mapahamak lang ito. "Dito lang kayo pa, babalikan ko si kuya," sabi niya at agad tumakbo pabalik sa race track.
Si Jake naman ay nakuha pa niyang makaakyat sa tree house para sana magkubli pero tumatagos pa rin ang bala kaya tumalon siya sa tree house. Sa kasamaang palad, di maganda ang pagbagsak niya dahil nanghihina na din siya dahil sa sugat sa dibdib. Nabali pa ang ilong niya at umagos ang masaganang dugo roon. Di na siya nakatayo pa.
"Diyos ko! Kayo na pong bahala sa mag-ina ko. Sana mapatawad niyo ako sa mga pagkakamali ko," piping dasal niya habang nararamdam ang kirot mula sa mga sugat niya sa katawan. Di na niya alam kung ilang beses na siyang natamaan ng bala.
Alam niyang katapusan na niya ito. Nakita niya ang lalaki na nakatayo sa harapan niya at nakatutok ang baril sa kanya. Tapos kinalabit nito ang gatilyo. Para namang naging slow-mo sa paningin niya ang balang nakalipad sa ere. Naramdaman na lang niya ang matinding kirot at sakit sa ulo niya at unti-unting dumilim ang paningin niya.