Si Poldong Manunulat

266 0 0
                                    

Ang ayaw ni Poldo.

“ Hindi ba sinabi ko sa inyo,” galit na bungad niya sa anak, “ kapag nasa loob ako ng silid, walang istorbo!” Malakas ang boses at pagalit pa ang pahayag ni Poldo sa anak.

Halos maluha naman sa pagkakatayo sa may pintuan ng silid si Aya, ang panganay na dalagitang anak ni Poldo. Hindi makapagsalita. Nasa mukha ang takot sa ama.

“ Bakit ba?” Dagdag pa niya.

“ K-Kakain na daw po,” nangangatal ang boses na pahayag ni Aya.

Pabagsak na isinara ni Poldo ang dahon ng pintuan.

“ Kakain ako kung gusto ko!”

Muling naupo sa harap ng kompyuter si Poldo. Pinagmasdan ang monitor ng kompyuter.

Blangko pa rin.

Halos tatlong oras na siyang nakaharap sa monitor.

Blangko at blangko pa rin ang monitor.

Wala siyang maisip na isulat. Walang bagong ideyang pumapasok sa kanyang imahinasyon. Ilang ulit na rin siyang binigo ng mga editor sa publisyer na pinagdadalhan niya ng kanyang mga naunang naisulat.

“ Pasenya ka na Mr. Lagrimas, “ Love and Romance” kasi ang tipo ng aming mga aklat,” ayon sa editor.

“ Pesteng romansang ‘yan! Kaya walang iniisip ang mga kabataan kundi ang romansa! Romansa! Sex!” Galit na inihagis na lamang ni Poldo ang disket na pinaglalagyan ng kanyang kuwento. Nilamon iyon ng maduming tubig na dumadaloy sa nangingitim na kanal.

Tanging si Elena, ang butihing asawa ni Poldo ang nakakaunawa sa damdamin ng asawa. Alam niyang pagsusulat ang hilig ni Poldo. Hindi ang mga naunang trabahong pinasok ng asawa sa mahaba-haba ring panahon.

Dating kawani sa munisipyo si Poldo. Ayaw ni Poldo ng sobrang pulitika. Nasusuka daw siya sa dumi ng mga pulitikong nakilala niya at nakakasama sa loob ng munisipyo.

Tapos sa pagiging titser si Poldo. Pasado sa Teacher’s Board, isang beses lamang siyang nag-renew ng lisensya niya sa PRC at pagkatapos noon, nag-resign sa pagka-titser sa public school.

“ Ayaw ko! Sobrang liit ng suweldo…aba’y alila ka na ng mga bata at magulang, utusan ka pa ng principal, supervisor at pati COMELEC…entertainer ka pa ng mga abusadong pulitiko at mga taong may matataas na puwesto sa gobyerno!” Katuwiran ni Poldo.

DATI naman, maganda ang takbo ng buhay ng pamilya ni Poldo. Ulirang ama siya ng tatlong anak na nagsisipag-aral sa higth school. Subalit nang dumating ang pagkakataong hindi na nakakasapat ang kinikita niya sa pangangailangan nilang mag-anak, nag-isip-isip na si Poldo na humanap ng ibang pagkakakitaan.

Pagsusulat. Alam niyang may talino siya sa pagsusulat. Nasa high school pa lamang siya noon nang sabihin sa kanya ng kanilang guro sa subject na Pilipino na may talent siya sa pagsusulat.

Hanggang noong nasa college na siya. Laging laman ng kanilang campus journal ang mga tulang panggising sa natutulog na bayan ang mensaheng laman ng mga akda ni Poldo, lagi siyang kasama sa mga rali at piket na ginagawa ng mga mag-aaral sa kanilang unibersidad, siya din ang madalas na nagtatalumpati sa harap ng gusali ng kongreso. Pasyalan din niya noon ang tulay ng Mendiola at EDSA, maging sa gate ng Malacañang, kasama ng mga kabataang tulad niya’y may mataas na adhika para sa bayan.

Matagal na ‘yon.

Iba na ang buhay ni Poldo ngayon. Ibang-iba na kaysa noon. Hindi na niya alam kung may mga mata bang namulat at teyngang nabuksan ang kanilang ginawa noong mag-aaral pa lamang siya.

“ Anong susulatin ko?” Bulong ni Poldo habang nakatanaw sa labas mula sa bintana sa loob ng kanilang silid. “ Bakit ayaw nilang basahin ang mga akda ko?”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 08, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Si Poldong ManunulatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon