— Elizza —
“’Di ba pumunta ka kina Mama kahapon?” tanong ko kay Joreld habang kumakain na kami. Tumango naman siya. “Kumusta naman sila ro'n?”
“Okay naman. Nakita ko si Tita, nahihilig na naman sa mga halaman. Binilhan ko nga siya ng mga buto, e.” Ngumiti siya na ikinangiti ko rin. “Kuwento naman ni Tita, inaasikaso na ulit ng Papa mo ang negosyo ng pamilya n’yo.”
Napatango-tango ako. “Buti naman. Dadalawin ko na lang sila sa susunod. O kaya after ng check-up ko.”
Napatigil siya sa pagsubo at tumitig sa akin. “Check up?”
Ngumiti ako at tumango. “Oo, gusto ko nang makarinig ng balita tungkol sa magiging baby ko.” Hinimas ko pa ang tiyan ko kaya bumaba ang tingin niya rito.
Uminom muna siya ng tubig bago tumango-tango. “Ah... sasamahan ka ba ni Waves?”
Agad naman akong umiling at bahagyang yumuko. “Hindi. Mas importante ang trabaho niya pero iniintindi ko naman.”
Huminga siya nang malalim at sumubo na kaya itinuloy ko na rin ang pagkain ko.
Nakatitig lang ako sa mesa pero napapansin ko ang paglingon-lingon niya sa ’kin.
Malapit na kaming matapos sa pagkain at nakikita ko pa rin ang pagsulyap niya sa ’kin. Saglit akong napangisi bago siya tinitigan.
“May sasabihin ka ba?” tanong ko na nagpatigil sa kaniya.
Itinukod niya ang siko niya sa lamesa at tumango.
“P-Puwede bang...” Tumaas ang kilay ko. “Puwede bang ako na lang ang sumama sa ’yo sa check-up mo?”
Napahimas pa siya sa batok niya na muntik ko nang ikatawa nang mahina.
“Sige, gusto ko rin na may kasama talaga, e.”
Natigilan siya at biglang napangiti. “Talaga?”
“Oo nga.”
“Nice.” Mas lumapad ang ngiti niya. “Sasamahan kita.”
“Thank you.”
Uminom na ako ng tubig habang siya ay napunta na naman ang tingin sa tiyan ko. Saglit siyang sumimangot bago tumitig sa akin.
“Elizza...”
“Oh?”
“Kung naisip ko ba dati na pananagutan ko na lang ang anak mo sa kaniya, papayag ka?”
Natahimik ako habang nakikipagtitigan sa kaniya. Parang may sinasabi ang mga mata niya pero hindi ko malaman kung ano.
“K-Kaya mong gawin ’yon? Ang panagutan ang hindi mo anak?”
Dahan-dahan naman siyang tumango. “Oo, kaysa makita kang kasal sa taong hindi mo naman mahal at hindi ka kayang mahalin.”
Kahit masakit ang sinabi niya, nagawa ko pa ring ngumiti nang tipid.
“Pero, gusto ko munang itanong kung...”
“Kung ano?” tanong ko.
Napalabi siya. “Kung okay lang ba sa 'yo magpakasal sa 'kin? Na okay lang bang na ako na lang ang tumayong Tatay ng anak mo? Kung sasama ka ba sa 'kin?”
Pinatahimik na naman ako ng mga tanong na 'yon.
Matagal kaming nagkatitigan. Nang nagtagal at hindi pa rin ako nagsalita, nag-iwas siya ng tingin at suminghap.
BINABASA MO ANG
Wife Series #1: The Undesired Wife
רומנטיקהCOMPLETED "I'm not Azzile, I'm Elizza- the undesired wife." Elizza Tania had a crush on Waves Laserna when they first met. Suddenly, she didn't get a chance to be close to him because her twin sister, Azzile, got his attention. Waves fell in lov...