Behind the Scenes

21 2 0
                                    

Andrea's P.O.V.

Naka-sampung tawag na ko kay Seph, pero ayaw pa rin nitong sagutin ang phone niya. Pinilit kong kalmahin ang sarili ko pati ang mga luhang kanina pa gustong sumabay sa nanginginig kong katawan. Huminga ako ng malalim at pagkatapos ay hinanap ko ang number ng bestfriend kong si Mitch, pero hindi rin nito sinagot ang phone niya.

"Huwag ninyo kong gawing tanga!" malakas na sigaw ko sabay hampas sa manibelang nasa aking harapan. Hindi ko na napigilan ang mga luhang sunud-sunod na pumatak sa aking pisngi.

Wala sa sariling pinasibad ko ang sasakyan. Sa bilis ng takbo nito ay mabilis ding nag-flashback sa isip ko ang lahat.

"Totoo ba ang mga nakalap mong impormasyon?"

"Yes, ma'am."

"Saan mo sila nakita?"

"Papasok po sila ng condo."

"Siguraduhin mong totoo ang sinasabi mo dahil kung hindi malilintikan ka sa 'kin," babala ko sa detective na inupahan ko para bantayan sina Seph at Mitch. Nasa Bulacan ako nang bigla itong napatawag para ibalita ang masakit na pangyayari. Matagal ko nang alam na may relasyon ang dalawa dahil sa mga kakaiba nilang kinikilos, pero hindi ko lang sila makompronta ng harapan dahil wala akong ebidensya.

Masakit talagang malaman na ang dalawang taong pinakamalapit sa puso ko ang sasaksak sa akin ng patalikod, pero paano kung mali ang naibigay na impormasyon ng detective. Kailangan kong makasigurado kaya kahit alas-diyes na nang gabi ay nagdesisyon akong magpunta sa condo ni Seph. Hindi ko na naisip magpahinga pagkagaling ng Bulacan dahil mas nakatuon ang atensyon ko sa dalawang traydor.

Narito na ko sa harapan ng condo. Pursigido akong malaman ang katotohanan. Mas maganda kung caught in the act para mabanatan ko kaagad. Bumaba ako ng sasakyan at dumeretso sa unit ni Seph. Hindi ko na kailangang kumatok dahil nagpa-duplicate ako ng susi. Dahan-dahan kong binuksan. Handa na ko sa aking makikita.

"Surprise," sigaw ko habang pinapatatag ang sarili, pero sandali lang pala ang tatag na 'yon dahil hindi ko nakayanan ang naabutan kong eksena. Naghahalikan ang boyfriend at bestfriend ko. Kapwa nagulat at napatayo ang mga manloloko.

"Andrea," sabay na wika ng dalawang traydor.

Sinubukan nilang lumapit sa 'kin, pero binalaan ko sila. Sa pagkakataong ito ay pinilit kong magpakatatag sa gitna ng sitwasyon. Hindi ko hinayaang tumulo ang aking mga luha dahil gusto kong ipakita sa kanila na hindi ako talunan.

"Ang ganda ng senaryo kaya lang huwag ninyong gawin sa likod ng tabing baka hindi kayo sumikat," sabi kong may pang-uuyam. "Ano nga palang title ng movie ninyo? Ang dalawa bang traydor?"

"Hayaan mo muna kong magpaliwanag, babe."

"Wala kang dapat ipaliwanag, Seph. Kitang-kita ng mga mata ko ang panggagago mo sa 'kin."

"Bestfriend."

"Bestfriend?" nagpantig ang aking mga tainga nang marinig ko ang boses ni Mitch. "Ang kapal din naman ng mukha mong tawagin pa kong bestfriend pagkatapos ng ginawa mo sa 'kin."

"Wala siyang kasalanan. Ikaw ang nawalan ng oras sa 'kin," pagtatanggol ni Seph kay Mitch.

"Ako talaga ang sinisisi mo," isang malakas na sampal ang pinadapo ko sa pisngi ni Seph. "Nagsisisi ako kung bakit minahal pa kita."

Nanginginig sa galit at pigil ang mga luhang nilisan ko ang lugar na 'yon. Ayokong manatili pa roon kahit isang segundo baka madagdagan pa ang sakit na nararamdaman ko.

Behind the ScenesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon