Nagsisimula ng tumibok ang puso ko pero parang tumitigil ito kada limang segundo. Yung sakit na dala ng ala-ala, hinagpis ng nakaraan at ang masaklap na pinagdaanan, hindi ko inaasahan na hanggang sa kasalukuyan kong buhay ay patuloy nito akong sasamahan. Naaalala ko pa si Rowena. Isang babaeng nagmahal sa akin ng higit pa sa sarili niya. Ngunit hindi ko ata ito nakita, napansin, naramdaman at ako ay nagpamanhid na lang sa tunay na nararamdaman. Ginawa niya ang lahat para maiparamdam sakin ang halaga na kahit na sino ay hindi man lang nakagawa, ni ang aking mga magulang. Ngunit sa kabila non, inaamin ko na nasayang ko ang lahat. Lahat lahat. Dumating sa punto na ako'y sinugod niya. Natakot ako dahil akala ko'y nababaliw na siya...
"Ano ba? Ano ba ang kulang sakin?! Di naman ako nagdedemand na mahalin mo din ako, pero sana kahit yung appreciation man lang ay naisip mong iparamdam sakin bilang tao at bilang kaibigan mo." Umiiyak siya habang sinasabi niya ang mga ito sakin. Na lalong nainis ako dahil ang akala ko noon ay nagpapaawa lamang siya sakin.
"Eh ano ngayon kung sabihin ko ang kulang sayo? Mapupunan mo ba yon?" Sagot ko sakanya. Hindi ko siya matignan, ayoko siyang makita. Walang emosyon din ang aking mukha habang ako'y nagsasalita. Lumapit siya sakin at nagsalita ng kalmado. Hinagkan niya ako ngunit hindi ko siya hinagkan pabalik.
"Please sabihin mo sakin. Gagawin ko naman ang lahat para sayo." Naramdaman ko ang pagpatak ng luha niya at ang hinagpis na nararamdaman ng kanyang puso. Ngunit isang tanong ang hindi ko inaasahan na lalabas sa aking mga labi.
"Ibalik mo ang pagkabirhen mo." Sagot ko sakanya. Kumalas siya ng pagkakayakap sakin at nanlaki ang kanyang mga mata. Sinampal niya ako at lalong lumakas ang agos ng kanyang luha na tila isang ilog na rumaragasa. Umalis siya at binagsak ang pinto. Hindi siya nag-iwan ng anumang pangungusap. Natahimik ang buong kapaligiran at tanging mga luhaan niyang mga mata ang aking naaalala.
Matapos ang tatlong linggo, nabalitaan kong nawawala si Rowena. Walang may alam kung saan siya nagpunta o kung ano ang nangyari sakanya. Hindi siya nang iwan ng anumang mensahe, salita o sulat. Lubos ang hinagpis ng kanyang pamilya at hinagpis ng puso ko. Hindi ko alam kung nasasaktan ba ako sa konsensya o dahil may halaga din para sakin si Rowena. Binubugbog ako ng aking konsensya at dahan-dahan akong pinapatay ng sakit ng nakaraan. Isang gabi, pinainom ako ng aking doktor ng sleeping pills dahil ilang gabi na akong di nakatutulog dahil sa mga pangyayari. Nakatulog ako ng mahambing hanggang sa paggising ko'y nakita ko si Rowena. Napakaaliwalas ng mukha. Nakangiti sa akin na tila walang nangyari. Lahat ay makatotohanan. Ang kapaligiran, ang sikat ng araw, ang huni ng mga ibon, lahat ay masaya. Napatayo ako yinakap siya. Ngunit sa pagyakap ko'y bigla soyang naparam. Ang magandang kapaligiran ay nabalot ng malarosas na dugo. Pagtangis, pag iyak, mga tinig na humihingi ng hustisya. Hindi ko alam ang aking gagawin hanggang sa may narinig akong tinig. Tinig ng hapis. Si Rowena, nakita ko si Rowena. Duguan at naghahabol ng hininga. Lumapit ako at di ko napigilan ang pagluha. Di ako makapagsalita ngunit nais kong malaman kung ano ang nangyari sakanya. Nagsalita siya at di ako makaimik sa mga narinig ko mula sakanya.
"Huwag ka ng umiyak, muli tayong magkikita. Kung saan ang lahat ng mali ay tama na at lahat ng kulang ay napunan na. Babalik ako bilang bagong tao at magkikita tayong muli sa ibang panahon. Sana sa ating muling pagkikita ay matatanggap mo na ako. Wag kang mag-alala, sisiguraduhin ko na sa ating muling pagkikita ay buo na ako." Matapos kong marinig ang mga ito ay naparam siya at naging alabok sa hangin. Nawawala ang kadiliman at bumabalik ang liwanag na ninakaw ng isang yugtong hindi ko kailanman malilimutan.
Nakasisilaw na kaliwanagan ang sumalubong sa akin. Na siyang naging dahilan sa aking pag gising. Panaginip lang pala ang lahat.
"Wala na si Rowena. Siya'y nagpahinga na."