Chapter 31- Kung May Napala, Sana Bumalik Ang Pagkabata

126 7 4
                                    

'Di ako makapaniwala sa natuklasan ko. Minsan ay napapaduwal na lang ako sa tuwing nakikita ang mga koneksyon na naipadugtong-dugtong ko sa kwarto. Panibagong kaalaman ang lalantad, malamang ay panibagong ugnayan na naman ang kailangang pagkokonektahin.

Marami pa sana akong gustong itanong kay Audrey tungkol kay Sameer Nadav pero hindi ko na naitanong sa kanya. Gustuhin ko man na mag-usisa pa nang mag-usisa ay pinauwi ko na siya kahit na maging siya ay marami na ring katanungan sa kung ano nga ba ang koneksyon ng dati niyang kinakasama sa pagkawala ni Teresita. Masyado na akong maraming katanungan sa sarili ko para dagdagan niya pa, baka sasabog na ang ulo ko nang tuluyan. Kaya ipinag-sabukas ko na lang ang pagtatanong.

Pero kahit na gano'n, palaisipan pa rin sa akin kung ano nga ba talaga ang kinalaman ng taong ito sa pagkawala ni Teresita. May galit? May affair? Alam ba ni Audrey ang tungkol sa kanila, kung meron man namamagitan sa kanila? Alam ko na walang mangyayari kung idadaan ko lang tong lahat sa purong haka-haka. Kaya kailangan kong maghukay pa nang maghukay—dahil magiging palamuti lang ang mga nakalap kong impormasyon.

Muli kong binuklat ang diary sa huling pahina na nabasa ko. At sa paglipat ko naman sa sumunod na pahina, ay nakita kong may nakasulat na quotation doon.

"Kung may napala, sana bumalik ang pagkabata."

-Alpy G. Dourn

Ano na naman 'to? Kalokohan? Clue? O baka naman isang simpleng, walang kwentang quotation lamang ito na nanggaling sa isang taong may kakaibang pangalan na hindi kilala? Kasunod din nito ay kinikuwestyon ko na rin ang pagkatao ng taong ito—pen-name niya ba 'to? Pinoy ba ito o isang dayuhan at isinalin lang sa tagalog ang kanyang sinabi.

Pinagmamasdan ko ang mga listahan na naisulat ko na sa notebook. Sinulat ko na rin sa notebook ang quote na nakuha ko, dahil baka makakatulong ito kung sakaling may ibig siyang sabihin.

Sameer Nadav, dating asawa ni Audrey. May affair nga ba talaga sila ni Teresita?

Isa lamang ito sa napakaraming katanungan na nailista ko. Balak kong hanapan ang mga ito ng sagot para sundan ang lead na siyang posibleng maghahatid sa amin sa kinaroroonan ni Teresita—kahit na magkaiba kami ng lead na sinusundan ni Sir Lim.

"Mukhang busy ka yata diyan." Napalingon ako kay Riza na kapapasok lang sa kwarto ni Sir.

"Hindi naman...may tinitignan lang." Sagot ko sa kanya matapos isarado ang notebook.

"...wala ka bang pasyente ngayon?" Pahabol ko pang tanong.

"Kakagaling ko lang doon. Ano yan?"

"Ahh, pinag-aaralan ko yung lead na sinusundan ko sa kaso namin."

"Stable na kalagayan niya, hihintayin na lang natin siyang magising..." Aniya, habang pinagmamasdan si Sir na nakaratay pa rin sa mga oras na ito.

Umupo siya sa tabi ko at huminga nang malalim, habang hindi pa rin inaalis ang tingin kay Sir. Tanging pagbeep lang ng ECG ang lumilikha ng ingay sa kwarto.

Ang Pagkawala Ni Teresita GomezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon