ANG PAGBABALIK SA BERBANYA
Nang makataas si Don Juan mula sa ilalim ng balon, kasama na niya sina Doña Juana at Doña Leonora. Nabihag naman ni Doña Leonora ang puso ni Don Pedro kung kaya't ito'y nainggit nang makitang ang dalagang napupusuan niya ay nakakapit sa bisig ng bunsong kapatid na si Don Juan.
Nang papabalik na sila sa Berbanya, naalala ni Leonora na may naiwan siyang singsing sa ilalim ng balon kung kaya't hindi na nagdalawang-isip pa si Don Juan na kunin niya ang singsing na iyon. Dala ng labis na pagkainggit sa kapatid, binitiwan ni Don Pedro ang lubid na nagsisilbing suporta ni Don Juan.
Nang bumalik sina Don Pedro at Diego sa kahariang kinagisnan, kasama na nila sina Doña Juana at Doña Leonora. Hindi naman naging lubusang maligaya ang hari 'pagkat ang bunsong anak ay hindi niya nasilayan. Hindi inamin ng dalawang prinsipe sa kanilang ama na nakita nila si Don Juan sa Armenya.
Ang dalawang prinsipe ay humingi ng basbas mula sa hari na sila ay makasal sa dalawang prinsesang kasama ngunit tumutol si Doña Leonora na maikasal kay Don Pedro sapagkat ayaw umano niyang maikasal sa isang taong di niya naman mahal. Naintindihan naman ito ni Haring Fernando kaya't ang kasal nalang nina Don Diego at Doña Juana ang natuloy.