Storya mula sa kokote ng awtor. Walang plot. Sinusulat tuwing may writer's block. Gusto kong isipin na alam ko ang patutunguhan ng kwento. Wag ipamahagi kasi nakakahiya naman sa manunulat kung ganun, 'di ba? Wag angkinin, kaya nyong gumawa ng mas maganda.
©Lalalazyyy
Date started: September 10, 2014
***
"Hey," aniya. Isang salita lang naman, pero nagpaikot-ikot ang aking tyan. Walang kinalaman ang reaksyon na 'to sa pagtatae. Ganito kasi talaga ang epekto saakin ng nilalang na nasa tabi ko ngayon.
"Hey," tipid na sagot ko. Hindi ako yung tipo ng babae na namumula sa hiya. Ako yung pinagpapawisan ang kamay at kili-kili tuwing kinakabahan. Basa na ang ilalim ng aking manggas.
"Magaling ka ba sa Math?" tanong niya. Kahit na pareho kaming nakaharap sa unahan ay naaaninag ko parin sa gilid ng aking mata ang matangos niyang ilong. Mas lumilitaw ang kapanguan ko tuwing katabi siya.
"Uhm." Halos ayokong sumagot. Mas mataas ang section ko sakanya pero bobo ako sa Math. Kung magpapaturo siya sakin ay mapapahiya lang ako. "Hindi naman. Bakit?"
Tumango-tango muna siya bago ngumiti. "Ah. May gusto kasi sana akong sabihin, pero nakakahiya," kumamot siya sa batok.
Natural sakanya ang mahiya tuwing kausap ako. At natural din sakin ang tumutulong butil ng tubig mula sa mga pores tuwing kasama siya. Pero ngayon parang may gripo sa mga palad ko.
Ano kaya iyong gusto niya sabihin? Math daw e. Baka, hindi kaya...? Napapikit ako sa kaba at kilig. Baka 143! o 5254! Nagalburuto ang aking tiyan.
Pinunas ko ang aking kamay sa berdeng palda ng aking uniporme.
Umiling ako. Ayokong mag-expect, mahirap masaktan. "'Wag ka nang mahiya. Ano ba 'yon?"
Gumuhit ulit ang napapadalas na ngiti sa labi niya. "Ganito nalang. Paglaruan mo itong numero. Yun ang gusto kong sabihin sayo. Game?"
Nilingon ko siya para tumango. Kahit ayoko umasa, nagbabakasakali parin akong 143 o 5254 ang lalabas sa bibig niya.
Ginulo niya muna ang buhok ko. "20449, Jill." Aniya bago umalis at iniwan akong bigo at nagtataka.