Bilog na naman yung buwan.
Aaminin ko, ako yung tao na baliw na baliw sa buwan. Yung ibang tao, natatakot dun lalo na pag bilog na bilog ito. Hindi ko alam kung bakit ba. Basta simula noong bata pa ako, mas minahal ko na ang buwan kesa sa araw. Siguro, dahil na din sa hindi ako makakatagal sa ilalim ng araw dahil maaari akong mahilo sa init, may sakit kasi ako sa dugo.
Siguro, nakakarelate din kasi ako sa buwan. Mag-isa. Malungkot. Pilit nagbibigay liwanag sa madilim na gabi ngunit hindi sapat. Sa mahigit dalawang dekada kong pagmamahal sa buwan, wala pa akong ibang tao na ninais na masilayan ito maliban sayo.
Nagkakilala tayo sa panahong hindi ko kinakailangan ng ibang tao sa buhay ko. Nasa peak ako ng aking career at mas gustong magfocus roon. Alam kong mahirap makipagrelasyon kahit ba wala pa akong experience doon. Kailangan mo iyong bigyan ng sapat na oras, atensyon, at pagmamahal. Mga bagay na sa tingin ko ay hindi ko pa maibibigay sa ibang tao sa panahong iyon.
Ngunit tulad ng isang kometa, bumagsak ka sa akin buhay ng walang pasabi. Isang tao na ang ngiti'y maihahalintulad ko sa liwanag ng araw. Sinubukan kong supilin ang paghangang aking naumpisahang maramdaman para sa'yo. Maniwala ka man o sa hindi, ninais kong maging magkaibigan na lamang tayo. Para sa akin, isa ka sa mga taong hindi ko nanaising mawala sa aking buhay. At base sa mga nangyari sa akin sa mga nagdaang taon, lahat ng aking minamahal ay tuluyang nawawala sa akin sa paglaon.
Ikaw. Ikaw ang araw na nagbibigay liwanag sa buwan na tulad ko. Ikaw ang nagbibigay lamlam at init sa mga panahong nanlalamig ako. Unti-unti ay tinunaw mo ang yelong binuo ko palibot sa aking puso.
At ako'y nagapi. Sapagkat nakita ko na lamang ang aking sarili na minamahal ka ng lubusan.
Sa unang pagkakataon, nasabi ko sa ibang tao ang pagmamahal ko sa buwan. Tila isang panaginip ang panahong iyon. Habang ako'y nakatitig sa bilog na buwan, naroon ka sa aking tabi at nakatitig sa aking mukha. Ika mo'y iba ang ganda ng aking mukha habang natatamaan ng liwanag na nagmumula sa buwan. Na ang aking mata'y tila isang bituin na nagniningning sa madilim na gabi habang ako'y nakatunghay sa iyo.
Alam ko. Alam ko na ganoon ang nakikita mo dahil iyon ang nadarama ko. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng ibang bagay sa mundo ko na ninais kong panoorin bukod sa buwan na aking mahal. Natuto akong mahalin ang araw. Hinanap-hanap ko ang init na dulot nito sa aking balat tulad ng init na dulot mo tuwing magdadampi ang ating mga kamay. Ang init na dulot ng iyong yakap sa tuwing tayo ay maghihiwalay.
Minahal ko ang araw higit ng sa pagmamahal ko sa buwan.
O kay saya ng mga araw na tayo ay magkasama. Bawat pagkikita ay aking inaabangan. Bawat pagtatagpo ng ating mga mata ay aking inasam-asam. Tila ika'y naging hangin na aking kinakailangan sa araw-araw na pamumuhay. Ang mundo kong kulay abo ay napunuan ng iba't iba kulay na sa una'y aking kinatakot ngunit naroon ka upang ako'y samahan at intindihin ang mensaheng kaugnay ng bawat kulay.
Natuto akong mabuhay.
Ang ating pagsasama ay hindi puno ng ligaya. Maraming oras na tayo'y sinayang sa pag-aaway at pagtatampuhan. Ngunit noong mga panahong iyon, bawat isa na ating malampasan ay tila nagpapatibay pang lalo sa ating samahan. Hindi lamang kita naging kasintahan, ikaw ay naging pinakamalapit na kaibigan at isang tao na naging mahalagang bahagi ng aking buhay.
Ako ang Buwan at ikaw ang Araw.
Maka-ilang beses nating tinawanan ang katotohanang iyan. Na tila ako'y isang buwan na mas nais mapag-isa at ikaw ang araw na laging nasa karamihan. Na ako'y nagbibigay lamig habang ika'y nagbibigay init.
Ako ang Buwan at ikaw ang Araw.
Minahal ko ng lubusan ang araw at ikaw sa buwan. Tila tayo mga makalumang tao sapagkat sa modernong panahon na ito ay nakahanap tayo ng kasiyahan sa paggawa ng mga mahahabang sulat para sa isa't isa. Ang ilang buwang pagsasama natin ay tila taon na dahil alam na natin ang likod ng mga palad ng bawat isa. Wala na akong mahihiling pa bukod sa tayo ay tumandang magkasama at wala ng iba.
Ako ang Buwan at ikaw ang Araw.
Nalimot ko. Nalimutan ko ang isang napakahalagang bagay. Ako ang Buwan at ikaw ang Araw. Ang Buwan ay sa gabi at ang Araw ay sa umaga. Naalala ko ang isang libro noong ako'y isang musmos pa lamang. Tungkol iyon sa Buwan at Araw at sa kanilang pagmamahal. Mahal nila ang isa't isa ngunit kailangan nilang maghiwalay. Sapagkat ang araw ay kailangang magbigay ilaw sa umaga at ang buwan ang tatanglaw sa dilim.
Ako ang Buwan at ikaw ang Araw.
Tulad ng kanilang istorya, tayo ay ganoon rin. Hindi tayo maaaring mangyari dahil ikaw ay ang araw at ako'y ang buwan. Masakit man isipin ngunit kailangan nating maghiwalay. Nakakadurog man ng puso ngunit kahit kailan ay hindi ko ninais na mawala ang init at liwanag na iyong taglay. Ikaw ang araw at minahal at minamahal kita ng dahil doon. Ayokong dumating sa punto na ang liwanag na iyong dala ay unti-unting maglaho para sa akin.
Ako ang Buwan.
Maikling samahan ngunit magpasahanggang ngayon ay sariwa pa sa aking balintataw lahat ng nangyari. Bawat halakhak. Bawat haplos. Bawat ngiti. Tila isang sirang plaka na paulit-ulit na naglalaro sa aking isipan tuwing ako'y mapag-iisa.
Naaalala mo ba ako sa tuwing nakikita mo ang buwan, mahal? Sapagkat sa tuwing nakikita ko ang papausbong na araw ay ikaw at ikaw agad ang pumapasok sa aking isipan. Ako'y naglalaan ng oras sa umaga upang maglakad sa ilalim ng araw upang madama ang init nito. Nililinlang ang aking sarili na ang init na bumabalot sa akin ay ang init ng iyong yakap. Yaong sa ganoong paraan ay bahagyang maibsan ang aking pangungulila sa iyo.
Ako ang Buwan at ikaw ang Araw.
Sana'y maisip mo ako sa tuwing makikita mo ang buwan. At tulad nito, lagi kitang pakaiingatan sa loob ng aking puso magpakailanman.