"Mag-break na tayo."
"Pucha naman! Iyon lang ba?! Hahaha! Edi sana 'tinext mo na lang ako tungkol d'yan. Gago nagsayang pa 'ko ng oras."
Kita ko ang namimilog niyang mga mata habang nakatingin sa'kin. Hahaha! O, diba? Mas na-surprise siya kaysa sa'kin.
Saktong pagtayo ko galing sa kinauupuan ay siyang pagbuhos ng aking balde-baldeng luha. Nagpapasalamat ako't mukha namang hindi niya napansin pagka't halata pa rin ang gulat sa kaniyang mukha pagkatapos marinig na hindi man lang ako naapektuhan sa in-anunsyo niya. Hah!
Iyon ang akala niya...
Todo-todong luha ang naiyak ko habang nakasakay sa tricycle. Ilang beses pang tinanong ng driver kung ayos lang daw ba ako kahit na nakikita niya naman ang sagot. Obvious na, nagtatanong pa.
Hanggang makarating ako sa bahay ay wala akong tigil sa kahahagulgol. Natapilok pa nga 'ko pagkapasok ng gate dahil hindi ko napansin ang 'di kalakihang bato sa kadahilanang sobrang labo ng paningin ko dahil sa nag-uumapaw na luha, dumagdag pa ang madilim na paligid.
Lalo lang akong napaiyak nang ma-realize kong naka-lock pa ang main door ng bahay. Out of frustration, napalakas pa ang katok ko rito na nagresulta naman ng kaingayan na pakiwari ko'y umabot sa kabilang bahay dahil sa sobrang tahimik ng paligid.
Ewan ko. Hindi naman ako lasing pero bakit para akong nakainom? Tangina kasi. Makikipag-break, hatinggabi. Balak pa yata akong iyotin pagkatapos makipaghiwalay.
Sobra-sobra ang buhos ng luha ko nang nakita ko ang taong pinakakailangan ko sa oras na iyon. Dali-dali ko siyang niyakap pagkabukas ng pinto at do'n ko 'pinagpatuloy ang pagngawa sa balikat niya.
Ito. Ito ang kailangan ko. Iyong masasandalan. Dahil pakiramdam ko... matutumba na lang ako bigla kapag wala siya. Kung wala rito ang kapatid ko.
Hinagod niya ang likod ko na parang may ideya na sa nangyari. "Shhh... Iiyak mo lang, ate. Ilabas mo na lahat ng gusto mong ilabas. Maiintindihan ko kung sumuka ka pa sa harapan ko. Nakakasuka naman kasi talaga iyong pagmumukha no'ng lalaking iyon. Haha." Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko upang pigilan ang nagbabadyang ngiti. Baliw talaga.
"Pero pagkatapos nito... hindi na kita ulit hahayaang magsayang ng luha para sa isang lalaking... walang kakwenta-kwenta at laging pinapaiyak ang Ate ko." Kung hindi lang ako nanghihina ngayon ay inasar ko na siya dahil sa tingin ko'y malapit na rin siyang umiyak.
Sa'min kasing dalawa, inaamin kong ako ang mas iyakin kaya mas sanay siyang nakikita akong ngumawa. Kaya sa tuwing siya naman ang umiiyak, lagi ko siyang inaasar. Minsan ko lang kasi siyang makitang umiyak. Kaya nga ang tawag ko sa kaniya... strong baby. Baby ko iyan, eh.
Pagkatapos ng pang-Famas na eksena naming dalawa, 'pinaghanda niya na lang ako ng pagkain at sinabing aakyat lang siya sa kwarto niya. Hindi naman ako pumayag na iwanan niya 'ko sa ere pagkatapos ko siyang gawing crying shoulders.
Habang kumakain kami ay pansin kong bawat segundo ang pagsilip niya sa kaniyang cellphone. Hindi nito maiwasan ang magngiting-aso habang nagta-type.
"Kailan mo ba kasi ipapakilala sa'kin iyang manliligaw mo?" Binasag ko ang katahimikan sa pamamagitan ng pang-aasar sa kaniya. Nakangisi ko siyang tiningnan upang hintayin ang magiging tugon niya.
Sandali niya 'kong binalingan ngunit ilang saglit pa'y 'binalik na naman nito ang paningin sa hawak niya. Akala ko'y 'di na siya sasagot pero lalo akong napangisi sa narinig.
"Ate wala akong manliligaw."
"Sino ba'ng mas matanda sa'tin? Hindi ba ako?" Ibinigay niya ang buong atensyon sa akin na parang interesadong-interesado sa susunod kong sasabihin. "Ilang beses kong sinabi iyang famous line na iyan kina Mama't Papa. Tingnan mo kung nasa'n ako ngayon. Para akong batang ngumangawa nang dahil hindi nabilhan ng lollipop. Kaya habang maaga pa, ipakilala mo na sa'kin iyang prince charming mo. O baka naman... mukha siyang drug addict o rapist kaya ayaw mong ipakilala sa'kin?"