Maraming humahanga kay Maria Lucia. Maganda sya, mamula-mula ang kulot na buhok, matangos ang ilong, malalalim ang mga mata at napaka puti ng kutis! Ipinaglihi kasi siya ng ina sa mga santa sa simbahan ng bayan ng Sta. Lucia. Iyon malamang ang dahilan kung bakit mestiza ang bata, kahit pa parehong indio ang mga magulang niya.
Kilalang mang-aaso ang tatay niya, ang nanay naman niya ay kilala sa bayan na magaling magluto ng mga kakanin, lalo na ng nilupak na palagi nitong inilalako sa plaza.
May kagandahan din naman si Asunta na nanay ni Maria, ganoon din ang kaniyang matipunong ama, ngunit nang sila'y ikinasal, ay hindi agad sila nabinyayahan ng anak, kahit pa ilang taon silang nag-nobena kay Sta. Clara.
Kalaunan ay inimungkahe ng kuro paroko na si Monsenior Viva na mamasukan si aling Asunta sa kumbento, at doon na nga dininig ang kanilang mga panalangin! Wala pang dalawang buwan, ay nagdalang-tao agad siya!
Sa sobrang saya ay ninais sana ng kaniyang ama na kuning ninong ang kura, ngunit sa kasamaang palad ay namatay ito sa atake sa puso bago pa ipanganak si Maria na lumaking masiyahin, matalino at matapang tulad ng kaniyang ama.
Paborito niya ang sumama sa ama tuwing nangangaso ito sa gubat, ngunit sa kaniyang paglaki ay pinilit siya ng ina na mamalagi na lamang sa bahay.
"Maria Lucia!" sita nito sa anak, "Tignan mo ang iyong saya! May punit nanaman! At ano ba ang laman ng iyong mga bulsa?!"
"Bayabas po, inay," sagot ng batang si Maria. "Inakyat po namin ni Diego ang puno ni mang Pablo!"
"Dios mio, bata ka, para kang hindi babae kung umasta!" sabi ng kaniyang ina. "Hala, mag-hugas ka na at magpalit ng baro, at tulungan mo akong magluto rito sa kusina."
Napadalas na nga si Maria sa bahay.
Ipinasa sa kaniya ng ina ang sikreto sa pagluto ng napaka-sarap nilang nilupak, gayon din ang iba pa nilang mga paninda.
"Basta ang tandaan mo lang palagi," laging paalala ng ina, "huwag na huwag kang kukuha ng kamoteng kahoy na baliktad ang tubo."
"Tulad po ba ng mataas na punong kamote sa likod ng kusina?" tanong ni Maria.
"Oo," sagot ng kaniyang ina. "Sapagkat nagiging lason ang bunga ng kamoteng kahoy kapag baliktad ang tubo nito."
"Kung gayon po, ina, bakit hindi pa natin patayin at bunutin ang punong iyon?" tanong ng dalaga.
"Dahil lason man ay may pakinabang pa rin," sagot nitong nakangiti.
Masaya sina Maria sa payak nilang pamumuhay, ngunit mapaglaro ang tadhana, at nang labing-apat na taon na si Maria, ay naaksidente at napatay ng isang rumaragasang baboyramo ang kaniyang ama.
Nakaya naman ni aling Asunta na suportahan ang kanilang pamilya, ngunit hindi sapat ang kaniyang kinikita sa paglalako ng kakanin, kaya't naisipan niyang magpakasal muli, matapos magbabang luksa sa kamatayan ng kaniyang asawa.
Siya si Rudolfo.
Ang matalik na kaibigan ng ama ni Maria na isa ring mangangaso.
Mabait naman si tatay Rudolfo, sa katunayan nga, napaka lambing niya kay Maria. Madalas niya itong akbayan, kandungin at yakapin.
Masaya naman si Asunta dahil nagkaroon muli siya ng kapuwang sa buhay. Sa gabi ay nangangaso si Rudolfo, sa araw naman ay matutulog ito, at gigising sa bandang hapon upang bantayan si Maria, habang naglalako ng nilupak ang kaniyang ina.
"Nanay, sasama po ako sa plaza," sabi ni Maria isang araw.
"Huwag na, anak." sagot ng kaniyang ina. "Dalaga ka na, mas mabuti pa ay manatili ka na lang dito sa bahay kung saan ka mababantayan ng tatay Rudolfo mo."
BINABASA MO ANG
Mga Kuwento sa Dilim
Misteri / Thrilleroriginal stories mainly of a dark nature mga kuwentong masarap pagsaluhan sa dilim. This is a collection of one shot short stories written in Filipino. Ano man ang inyong piliing basahin, sana ay matagpuan ninyo ang kilabot na inyong hinahanap ====...