Chapter 2
Erin’s POV
Ang init talaga ng dugo ko sa lalaking iyon. Iniwan ba naman akong nakaposas dito sa likuran ng school. Ano kaya ang ginagawa niya sa dito?
Hindi ko kasi naisip na kaya niyang gawin iyon. He’s just impossible to deal with at nakuha na naman niyang ngumiti sa akin. Naagaw rin niya ang baril ko at kinapkapan pa ako para hanapin ang susi ng posas. Pagkatapos ay itinapon niya ito sa malayo at tumakbo na lang.
“Damn!”
Mahuhuli rin kita sa susunod! Naiinis talaga ako sa taong iyon dahil pero bakit hindi pa niya ako pinatay? Noon kasing nagkaharap kami ay binaril niya ako na muntik ko nang ikamatay dahil sa bleeding. Nakangiti pa siya habang ginagawa iyon kaya ganito na lang siguro ang inis ko sa kanya.
Matapos ang last mission ko ay sinabihan ako ng director namin na mag-aral muli para ma-promote ako sa mas mataas na posisyon. Ayoko sana kaya lang sinabi niyang meron rin akong misyon sa school at iyon ay ang pigilan ang pagkalat ng isang druga na kung tawagin ay PPD (party-party-drugs). Nakakatawa ang pangalan diba? Ito ang street name at ang sabi nila ay meron ito sa school na ito. Kaya nga napilitan akong mag-enrol sa college. Marami na ring kabataan ang nalulung sa masamang bisyong iyon at kinakailangan ko itong pigilan.
Sa totoo lang ay hindi ko pa naranasang mag-aral sa isang tunay na paaralan. Simula pa noong pagkabata ay sinanay na ako ng papa ko para maging isang detective at ito ang dahilan kung bakit napasok ako sa NBI kahit wala talaga akong formal education. Nakatapos naman ako ng highschool kaya lang home school lang. Sabi ni papa pareho lang daw ang pag-aaralan ko dun.
“Oh ba’t ang sama ng mukha mo?” tanong ni Rainbow nang makarating ako sa lobby ng school na pinag-enrolan namin. Isa rin siyang NBI agent at magkasing edad lang kami kaya sabay kaming nag-enrol. Sabay rin kaming nakapasok sa NBI noong isang taon. Labing pitong taong gulang pa lang kami nang napasabak kami sa isang delikadong misyon at iyon na nga ang buwagin ang ALLIANCE kung saan kasali ang lalaking hinahabol ko. Siya si code name “bomberman” dahil napag-alaman namin na siya ang gumagawa ng bomba at nagpasabog sa ilang establishamento sa Makati. Si bomberman rin pala ang tinuturong may gagagawan sa Bonifacio Day Bombing doon sa Luneta park kung saan ikinasawi ng sampung katao.
“Nagkasalubong kasi kami ni ‘bomberman’ kanina at kamuntik ko pa siyang mahuli pero nakatakas na naman ang unggoy na iyon.”
“Talaga? Si Bomberman? Talagang madulas ang lalaking iyon. Sayang gwapo pa naman siya.”
“Anong gwapo don? Eh ang sama niya!”
Tama nga naman si Rainbow… gwapo nga si bomberman kaya lang patong-patong na ang kaso niya sa ahensya namin kaya ang mahuli siya ay top priority. Si bomberman ay kasing edad lang namin at siya lang ang myembro ng Alliance na hindi pa rin nahuhuli hanggang sa ngayon.
“Okay! I know you have personal issues with that guy… at tutulungan kitang mahuli ang taong iyon but for now we should focus on our mission.”