— Elizza —
“Elizza, mag-iingat kayo sa byahe, ha?” ang sabi ni Ate Tessa habang nandito kaming lahat sa tapat ng bahay na pinahiram sa 'kin ng ninong ko.
“Opo naman, ate.” Ngumiti ako sa kaniya at tiningnan ang anak kong buhat-buhat ko. “Mag-iingat kami ng baby ko, hindi ko naman po hahayaang mapahamak kami.”
“Mami-miss ka namin,” singit ni Aling Delia at lumapit. Yumakap lang siya saglit sa 'kin at ginalaw ang kamay ni baby. “At itong cute mong baby.”
“Mami-miss ko rin po kayo.”
Sunod kong tiningnan ang mga kapitbahay naming lalaki na nagtulong-tulong na ipasok ang mga bag ko sa sasakyang inarkila ko.
“Okay na, Elizza! Napasok na namin lahat,” sabi ni Kuya Ernesto at tumango sa akin.
“Salamat po.” Humarap ulit ako kina Ate Tessa at Aling Delia. “Aalis na po ako. Mahaba pa po kasi ang byahe, e. Baka abutan ako ng New Year.”
Natawa silang dalawa sa sinabi ko at tumango na lamang. “Ingat, Elizza.”
Yumuko lang ako at nagpaalam na sa kanilang lahat. Inabangan nila akong pumasok sa sasakyan. Bago umalis ay kumaway muna ako sa kanila. Pati ang kamay ni baby ay kinaway ko sa kanila.
“Ba-bye raw po sabi ni baby Wade!” sigaw ko na ikinangiti nila at kumaway na rin.
Umayos na ako ng upo nang umandar na ang sasakyan. Sinara ko na rin ang bintana. Hinawakan ko ang kamay ni baby at yumuko para halikan ito.
“Excited ka na ba?” nakangiting tanong ko sa kaniya. Naglikot lang ang mga paa niya. “Ay sus, mukhang excited na nga ang baby na 'yan. Makikita na natin si daddy mo.”
Hindi ko mapigilang mapangiti nang sobrang lapad dahil sa excitement na makita siya. Umaasa ako ng isang magandang pamumuhay sa pagsasama ulit naming dalawa.
“Sigurado akong excited na rin ang daddy mo na makita ka, baby,” sabi ko pa sa anak ko.
Napabungisngis ako nang makita ko ang maliit na ngiti sa labi niya. Nakapikit na siya ngayon.
Saglit lang ang byahe ko sa sasakyan, tumigil din kami sa sakayan ng Ferry. Nandito sila Mana at Papa pero hindi ko pa sila nakikita. Ang sabi nila ay dito kami magkita-kita. Sabi ko nga ay kaya ko naman nang bumyahe mag-isa pabalik sa Maynila pero gusto pa rin nila akong sunduin at samahan.
“Nasaan na kaya sila mamu at papu mo?” tanong ko kay baby habang tumitingin sa paligid. Hindi pa ako bumababa ng sasakyan dahil nasa loob pa ang mga gamit ko.
Doon ko lang din na-realize na kailangan ko pala talaga sila mama at papa dahil may mga dala akong gamit. Napailing na lang ako at natawa sa sarili ko.
Nag-text ako kay mama na nandito na ako. Mayamaya pa'y nakita ko na silang dalawang naglalakad palapit.
Mabilis pero maingat akong bumaba ng sasakyan at kumaway sa kanila.
“Elizza, anak!”
Nagmadali silang lumapit sa akin. Napatingin agad sila sa baby ko at napangiti nang malaki.
“Aba, napakagwapong bata!” sabi ni Mama at hinalikan agad ang anak ko.
“Na-miss ka namin, anak,” sabi ni papa at lumapit sa akin. Inakbayan niya ako. “Natutuwa kaming umuwi ka na bago mag-Bagong Taon. Masaya rin kaming makitang okay ka lang.”
Ngumiti ako at sumandal sa kaniya. “Na-miss ko rin po kayo, mama, papa.”
Saglit muna kaming nagyakapan. “Kukunin na namin ang mga gamit mo. Malapit na bumyahe ang Ferry na sasakyan natin.”
BINABASA MO ANG
Wife Series #1: The Undesired Wife
RomanceCOMPLETED "I'm not Azzile, I'm Elizza- the undesired wife." Elizza Tania had a crush on Waves Laserna when they first met. Suddenly, she didn't get a chance to be close to him because her twin sister, Azzile, got his attention. Waves fell in lov...