Chapter 1

350K 12.3K 4.4K
                                    

Chapter 1


Kagat

Tagumpay na hinihiling sa araw-araw, kislap ng mga matang ninanais hindi lamang sa sariling balintawtaw at pagtanggap na mga salita, ilang gabi nang aking hinahangad-hangad.

"Jewellana Leticia, aking sarili... kaunting tiis na lamang at ang iyong tagumpay ay makakamit mo rin." Ihip ng sariling mga salita'y ibinulong sa pusong nananabik.

Hindi alintana ang mga kamay na nanginginig sa pagod, nerbiyos at pagkasabik. At hinayaang mamayani ang mabibigat na yabag ng maestrang diyosa na tila'y nagtataglay ng mga mata ng isang agila.

Wala sa sariling nakagat ang pag-ibabang labi, kasabay nang pagkislap ng aking mga mata sa huling letrang igagawad ng aking gintong punyal.

Isang kurbang guhit, ngalan ko'y tuluyan nang nagbigyang buhay. Ngiti'y sumilay sa aking labi. Binitiwan ang punyal, isinilid sa ilalim ng lamesa. Marahang itinulak ang gintong batong may ukit ng pangalan, sa masuring mga mata ng maestrang tagasanay.

Magkadaop ang aking mga nangangatal na kamay habang nakatitig sa maestrang may antisipasyong mabibigyan ng mga salitang alam ko sa sarili kong nararapat na sa akin sa pagkakataong ito.

"Ulitin mo, Leticia..." malamig na tinig ang sumalubong sa aking pandinig, kasabay nang hapdi ng gintong tangkay na lumapat sa aking mga nangangatal na kamay.

Bumagsak ang aking mga balikat at nag-init ang sulok ng aking mga mata. Mukhang ang umasang ako'y minsang magtagumpay mula sa kanyang mga mata at persepsyon ay isang napakalaking kalabisan.

"Opo...aking Dyosa Maestra Manuella ..." inuyuko ang aking ulo at pilit bumubulong sa sariling walang luha ang yayakap sa aking mga pisngi.

Ang mundo ng mga dyosa ay hindi inaakala nang lahat na puro kaginhawaan lamang. Kami'y naghihirap din at natututo, ang kapangyarihan ay hindi namamana, sapagkat ito'y aming pinaghihirapan. Kami'y umaakyat din sa mahabang proseso kung nais makakamit ng katungkulan.

Mga katungkulan na hindi minsang sumagi sa aking isipan, ang mamuhay bilang isang simpleng dyosa na walang koneksyon sa ibang mundo ay masasabi kong isa nang kalayaan.

Ngayong pagguhit lamang ng pangalan sa isang gintong bato ay hindi ko mapagtagumpayan, ano na lamang ang aking sasapitin kung mas malaki itong tungkulin?

Hindi lamang ito ang siyang dahilan kung bakit hindi ko hiniling na magkaroon ng katungkulan, dahil hindi lingid sa aking kaalaman ang sinapit ng dating tinitingalang dyosa ng lahat. Ang kanyang responsibilidad ang siyang naging dahilan nang kanyang matinding paghihirap at pagdurusa.

Hindi kailaman pinangarap sumunod sa kanyang mga yapak.

"Leticia! Ang atensyon mo'y tila punyal na nagsisimula nang mangalawang! Tumatakbo ang oras! Huwag ilipad ang isip sa walang katuturan!" Muntik na akong mahulog mula sa aking upuan nang marinig ang singhal ng maestra.

Agad hinawakan ang gintong bato, hinila sa ilalim ng lamesa ang punyal at nagsimulang muling mag-ukit sa likurang bahagi nito.

"Paumanhin, Maestra Manuella... hindi na po mauulit."

Nang sandaling tumalikod na ito mula sa akin, isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan.

Isang pangunahing pinagkakaabahalan ng mga batang diyosa ay ang paggugol ng kanilang mga oras sa pag-ukit o paghulma ng mga kakaibang pigura gamit ang mga ginto.

Ito ang pangunahing abilidad ng mga dyosa na dapat unang maperpekto, ang sining. Ang sining na may iba't-ibang klase ng aspeto, ngunit malaki ang kaiba namin sa kilalang sining mula sa ibang mga mundo, dahil sa bawat galaw ng aming sining ay may kaakibat na lapat ng ginto.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon