Para sa mga taong nagmamahal ng taong manhid.
***
Nagmamahal ako kahit alam kong hindi niya ako kayang mahalin. Nakukuntento ako kapag tinitingnan siya, ang itim na itim niyang mahabang buhok, ang mapupungay niyang mata kahit na madalas ay hindi ko makita ang emosyon, ang matangos niyang ilong, ang mga tainga niyang pekpekto ang hugis, ang maninipis at mapupula niyang labing laging nakangiti, ang malulusog niyang dibdib, maging ang makikinis niyang hita. Hindi iyon pagnanasa kundi paghanga.
Gustong-gusto ko kapag kaming dalawa lang ang naiiwang magkasama dahil ito lang ang pagkakataon para masalat ko ang kanyang katawan. Paborito ko ang baywang niyang may kurba. Paulit-ulit kong hinihimas yun. Wala kasi siyang reaksyon, walang reklamo, ni walang kiliti.
Pinupuri ko ang mga isinusuot niyang damit. Bagay na bagay kasi sa balingkinitan niyang pangangatawan at ang ganda-ganda niyang tingnan kahit ano pa ang kanyang suotin.
Matagal ko nang sinasabi sa kanyang mahal ko siya, pero wala siyang ibang tugon kundi ang kanyang ngiti. Kahit na madalas naiisip kong isuko ang pagmamahal ko, hindi ko pa rin kaya. Siya ang hingahan ko ng mga problema, sa kanyang mga ngiti nakalilimot ako ng mga pangamba. Minsan tinanong ko siya,
"Mahirap ba akong mahalin?"
Ngiti na naman ang itinugon niya sa akin. Napabuntong-hininga ako. Hay... Ang hirap pala talagang umibig sa isang manikin.
...WAKAS...