Entwined Tales

10 3 0
                                    

Tahimik kong pinagmamasdan ang isang tagong bayan mula sa kalayuan.

Nilalamon ito ng kadiliman at tanging kuliglig lamang ang naririnig sa paligid.

Siguro ay inabando na nga ito, sayang naman. Magaganda pa ang mga bahay.

Napapitlag ako sa gulat ng maramdaman ko ang mahinang pagtapik sa aking likod.

Nang lingunin ko ito ay doon ko namataan ang aking kaibigan na si Leona.

Nakataas ang kilay nito habang marahang sinisipsip ang kaniyang dala dalang soft drinks.

"Oh ano nakapag isip ka na ba? Lumalalim na ang gabi, baka hinahanap na ako ni mama" saad nito habang binibigay sa akin ang katulad ng kaniyang inumin.

"Wow first time yan ha. Anong nakain mo? Kahit piso nga ay sinisingil mo pa sa akin" pang aasar ko dito.

Sininghalan lamang ako nito.

"Malapit na ang pasukan, wala pa akong pera. Ayokong tumigil sa pag aaral. Nangako ako kila Inay na makapagtatapos ako. Hindi naman siguro ako mahuhuli diba? Malabong magkaroon ng tao riyan" ang boses ko ay puno ng determinasyon. Ngunit unti unti rin itong naglaho ng magsalita ang aking kaibigan.

"Sa tingin mo ba magiging proud sayo ang mga magulang mo kung ang ginagamit mo sa pag aaral ay galing sa nakaw? Baka multuhin ka pa noon! Hanggang kailan mo ba ito gagawin? Baka sa susunod ay hindi ka na suwertehin" nakanguso nitong pahayag.

Napabuntong hininga na lamang ako habang nabubuo sa aking utak ang imahe ng aking mga magulang na dismayado sa aking naging buhay ngayon.

Hindi naman nila ako masisisi, mahirap ang mamuhay mag isa. Mabuti sana ay kung mayroon silang naiwan kahit kakarampot na kwarta.

Maaga akong naulila, pitong taon pa lamang ako ng mamatay ang aking mga magulang. Nasa eskwelahan ako noon ng paulanan ng baril ang aming bahay.

Masigla akong naglalakad pauwi ng mapansin ang nagkakagulong mga tao.

Ang ilan ay nagsisihabaan pa ang leeg upang makapang isyoso lamang, ang iba naman ay nagtitsismisan sa gilid gilid.

Sa hindi sinasadya ay napakinggan ko ang ilang paguusap ng aming kapitbahay na si Aling Ruby at Aling Helen.

"Naku! Adik kasi iyang si Hener! Balita ko ay nagtutulak iyan ng droga at gumagamit pa! Kaya siguro pinagbabaril! Mabuti nalang at ang asawa lang niya ang nadamay! Salamat naman at wala ng magdadala ng gulo dito sa ating lugar" nahulog ang aking panga sa narinig. S-si tatay a-at nanay a-ang pinagkakaguluhan?!

Sa aking pagtakbo ay patuloy lamang ang pagpatak ng aking mga luha, pinapalis na lamang iyon ng hangin na aking sinasalubong.

Buong lakas kong hinawi ang nagkakagulong mga tao sa tapat ng aming bahay.

Nang masilayan ang aking mga magulang na naliligo sa kanilang sariling dugo ay tuluyan na nga akong nawala sa wisyo.

Agad akong lumuhod at niyakap ang kanilang malamig na bangkay. Tila dinudurog ang aking puso sa nakikita.

Hindi alintana ang dugong sumasalin sa aking puting uniporme.

Bukod sa aking mga palahaw ay halo halong mga bulungan lamang ang naririnig sa paligid.

Buong tapang akong tumayo at sinuyod ang dagat ng tao, hindi sila narito upang makisimpatya. Nandito lang sila dahil gusto nilang makitsismis.

"Hindi masamang tao ang nanay at tatay ko! Hindi totoo yang mga sinasabi niyo! Mga wala kayong puso!" matapos kong sabihin iyon ay tumakbo na ako palayo. Palayo sa reyalidad kung saan nag iisa na lamang ako.

"Channon! Uy! Ano ba! Kanina pa kita kinakausap. Ang sabi ko umuwi na tayo!" tumango lamang ako at nauna nang maglakad.

Nang narito na kami sa kalye kung saan maghihiwalay na kami ng daan ay niyakap ako nito.

"Ingat ka bukas ha, ayokong bumibisita sa presinto. Atsaka isa pa! Wala akong pantubos sayo" bahagya akong natawa sa sinabi nito. Pinitik ko na lamang ang kaniyang noo.

"Sige na! Ingat ka Leona!" kaway lang ang tanging sagot nito sa akin.

Pag dating sa aking apartment na tinitirahan ay naabutan ko doon si Aling Konchita. Kunot na naman ang kaniyang noo.

"Hoy Channon! Magbayad ka na ng renta! Aba! Ano ka sinusuwerte! Nakakabili ka ng soft drinks pero wala kang pambayad sa akin?!" pambungad nito sa aking pagdating.

Heto na naman tayo "Aling Konchi naman! Sampong piso lang ito! Bukod pa doon nilibre la—" hindi pa ako nakakatapos ay tumerada na naman ang bibig nito na tila armalite.

"Ay nako! Wala akong pakialam! Ang dami pang sinasabi! Ang bayad! Akina! Nadadagdagan ang wrinkles ko sayong bata ka!" inabot ko rito ang isang libo na sana ay ipang bibili ko ng kailangan sa bahay.

"Isang libo ho muna, bukas na ang natitirang dalawang libo" matamlay kong saad. Lagi talagang ubos ang enerhiya ko sa matandang ito. Hindi nauubusan ng bala!

--
Plagiarism is a crime

Entwined TalesWhere stories live. Discover now