“ENROLMENT ba ngayon?” tila wala sa sariling tanong ni Kevin kay Ehmkae. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang nasa ikalawang taon na sila sa kolehiyo. Hindi niya akalaing ang bilis palang lumipas ng panahon.
Tumirik ang mga mata ni Ehmkae nang marinig ang tanong niyang iyon. “Haller! Wake up, Kevin. Mukhang natutulog ka pa yata, eh,” sabi nito habang abala ang mga daliri sa pagpindot sa keypad ng cellphone nito.
“Teka, saan ba kasi tayo pupunta? Nagugutom na ako,” reklamo niya rito dahil kanina pa sila lakad nang lakad.
“Sa statistics lab po kasi tayo pupunta para i-check ang mga grades natin at ang mga subjects na kailangan pa nating kunin. At pwede ba, tigilan mo nga ako sa mga reklamo mo. Kung hindi pa kita tinawagan nang tinawagan kanina, malamang ay hindi ka pa mag-e-enrol ngayon,” anito at panandaliang tumigil sa paglalakad upang tingnan siya.
“Oo na, para nagtatanong lang naman, eh,” kakamot-kamot sa ulong sabi niya. “Ikaw, tigilan mo na rin iyang pagte-text mo habang naglalakad tayo. Mamaya, madapa ka pa diyan ng hindi oras. Wala akong balak na saluhin ka,” dagdag niya at nauna na ritong maglakad. “Bilisan mo naman, baka marami ng estudyante sa statistics lab.”
“Sino kaya ang na-late sa ating dalawa?”
“MABUTI at kumpletong mga subjects ang nakuha natin para sa semester na ito. Wala tayong magiging problema dahil ayos na rin ang mga grades natin,” nangingiting sabi ni Ehmkae habang masayang pinagmamasdan ang screen ng monitor ng computer na ginagamit nila.
Naroroon pa rin sina Kevin at Ehmkae sa loob ng statistics lab at tinatapos ang pagse-save ng mga subjects na kukunin nila para sa semestreng iyon. Madali lang naman ang proseso ng enrolment sa unibersidad na pinapasukan nila.
“Right,” sang-ayon niya sa sinabi ng kaibigan. “Let’s just hope na masisipag na professors ang mapunta sa klase natin. Dahil kung hindi, baka tamarin na rin akong pumasok,” aniya at itinaas ang dalawang kamay. Iniunat niya ang mga iyon.
Nakatikim siya ng tampal sa noo mula sa kaibigan.
“Hey! I was just kidding. Hindi naman ako nagpapakahirap na mag-ipon ng uno sa bawat subjects natin kung tatamarin lang akong pumasok,” reklamo niya habang hinihimas ang nasaktang noo.
“Jude Kevin, kailan ka kaya titino?” tanong ni Ehmkae. Inuumpisahan na nitong ilagay sa loob ng dalang body bag ang note pad at ballpen na inilabas kanina. Ginamit nito ang mga iyon upang isulat ang mga student numbers nila.
“Matino naman ako, ah.”
“Saan banda?”
“Give me a girlfriend then I’ll stop bugging you. Tuluyan ka nang mawawalan ng Jude Kevin Capistrano sa buhay mo.”
“Yeah, right,” she said sarcastically.
“Better yet, find that girl that I met in the orchidarium a year ago,” puno ng ningning ang mga mata niya nang maalala ang babaeng iyon.
Ehmkae took a deep sigh. “You won’t give up, do you?” seryoso ang mukhang tanong nito.
Iling lang ang isinagot niya sa tanong nito.
“Move on, Kevin. Halos isang taon na ang sinayang mo dahil palagi kang umaasang makikita mo siya ulit. Ni hindi mo na nga pinapansin ang mga admirers mo na kaklase natin. Siguro, hindi talaga kayo destined ng babaeng iyon.”
