PARANG may hindi tama, sa isip ni Xien. Bakit sa loob mismo ng village? Ano'ng ibig sabihin no'n? Nasa ilalim na ng kontrol ni Sasha si Jadd at ang Owl?
Naglalakad si Xien at nakikiramdam sa paligid. Galing sa kubo ni Jadd, mga sampung minutong lakaran bago makarating sa abandonadong lote na nasa note na inabot sa kanya ni Bon, teenager na kapatid ni Benjie o Ben, miyembro ng Owl at kaibigan ni Jadd. Ang kubo ng magkapatid ang pinakamalapit sa kubo ni Jadd. Mga miyembro lang ng Owl ang pumupunta sa kubo nila kapag naroon si Jadd. Si Bon, hindi pa nagpunta sa kubo ni minsan—nang araw na iyon lang kaya nagtaka si Xien.
Kinatok siya si Bon at inabot ang note. Nagtaka si Xien, nagtanong sa teenager kung sino ang nagpapaabot pero walang sagot. Pagkaabot sa kanya, tumalikod na at umalis. Nakanganga na lang si Xien, napaisip kung bakit parang naglalakad na wala sa sarili si Bon. Tinanaw niya ang teenager hanggang nakabalik sa kubong pinanggalingan.
Nang binasa niya ang note, saka lang naintindihan ni Xien kung bakit parang robot si Bon. Galing kay Sasha ang mensahe.
Sa bakanteng lote sa kanluran bago ang ilog.
Pagbaba ng araw, magkita tayo, Marikit.
S.
Alam ni Xien ang mga pamilyar na lugar sa loob ng village kahit hindi pa niya napupuntahan. Ang bakanteng lote na ang nasa ibaba ay ilog, tanda niyang nasa bandang kanluran nga. Ang ilog ang naghihiwalay sa Owl village at sa gubat. Pagkatawid ng ilog, papȃsok na sa kagubatan ang maliit na daan. Hindi pa niya napuntahan ang lugar, nalaman lang niya base sa drawing ni Jadd.
Gustong maging pamilyar ni Xien sa lugar kahit nasa loob lang siya ng kubo. Sa isa sa mga pag-uusap nila ng nasa village na siya, hiniling niya kay Jadd na i-drawing ang lugar. Papel at lapis lang ang gamit nito. Silangan, Kanluran, Timog at Hilaga, humingi siya ng pamilyar na tanda. Isa isang binanggit ni Jadd ang mga palataandaan sa bawat direksiyon.
Pagkabasa sa note galing kay Sasha, alam na agad ni Xien ang lugar. Isa lang naman kasi ang ilog na binanggit ni Jadd at nasa Kanluran nga.
Gabi pa ang balik ni Jadd, iyon ang alam ni Xien. Kung may magpaabot man sa mga kagrupo nito ng paglabas niya ng kubo, sasabihin na niya ang totoo. Aaminin na rin niya na tinanggap niya ang alok ni Sasha. Pareho lang naman sila ni Jadd na bumagsak na sa bitag ng babae.
Pero sino nga kaya si Sasha at ano ang pakay nito sa kanila? Laban para sa liwanag? Sa totoo lang, hindi niya naintindihan talaga ang ibig nitong sabihin. Ang pangako nitong tulong ang rason kaya hindi na siya masyadong nag-isip. Sana lang talaga, hindi hanggang salita lang ang babae.
May ilang kubong nadaanan si Xien na may tao—tango at kaway lang ang bati sa kanya. Kung hindi kasama sa grupo, pamilya ng mga kaibigan ni Jadd ang mga nakatira sa kubo. Alam agad ni Xien na miyembro ng Owl ang lalaking makikita niya. May pagkakapareho kasi ang mga ito—ang manipis at malinis na gupit ng buhok at magandang tindig. 'Yong klase ng katawan ng lalaki na kayang lumaban ng walang armas.
Sa huling kubo na nadaanan ni Xien, lalaking may katabing aso sa balkonahe ng kubo ang bumati ng tango pagdaan niya. Kinakausap nito na parang tao ang aso habang hinahaplos-haplos. Gaya ng naunang dalawang lalaki, hindi rin umimik ang kaibigan ni Jadd na may bestfriend na aso, pero ramdam ni Xien na sumunod sa kanya ang mga mata nito.
Nahuhulaan na niyang may nagre-report na kay Jadd na lumabas siya ng bahay sa oras ng sunset.
Pagkalampas sa mga parte ng village na may mga kubo, sinadyang bagalan ni Xien ang mga hakbang. Nakiramdam siya sa paligid. Payapa naman ang tibok ng puso niya, wala siyang maramdamang kakaiba. Wala ang kabog ng panganib.
Para saan kaya ang pagkikitang iyon?

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.