NASAGOT ang tanong ni Xien nang makarating na siya sa bakanteng lote. Hindi pala siya mag-isa. May dalawang babaeng mas nauna sa kanya. Ang isa, makinis at chubby, nakapulang bestida. Puno ng kolorete sa katawan, parang manghuhulang nasa puwesto ang dating. Bolang Kristal at baraha na lang ang kulang sa ibabaw ng mesa, may magbabayad na para magpahula sa babae. May nakalatag na tela sa lupa at doon nakaupo ang babae, nagpaaraw yata kaninang may araw pa. May butil butil ng pawis kasi sa noo at sentido nito.
Walang tatlong hakbang ang distansiya sa babaeng nakapula, nakasalampak naman ng upo ang isang babaeng nakaitim. Sleeveless at jeans ang suot. Ang jacket, nakatali sa baywang. Maikli ang gupit ng buhok nito, may mga itim na bracelet rin na suot. Walang pakialam ang babae sa paligid. Ni hindi nag-angat ng tingin nang dumating siya. Nakatuon ang atensiyon nito sa gitarang nilalaro ng mga daliri.
Ang babaeng nakapula, ngumiti at kumaway sa kanya. "Tatlo na tayo!" ang sinabi nito. "The more the merrier!" sabi pa. "Redah ang name ko. Hi!"
"Hi din. Ako si Xien," sabi niya. Wala namang pakialam ang babaeng may hawak ng gitara. Naghanap na lang ng magandang puwesto si Xien—sa dulo ng lote, doon sa nakikita ang ilog sa bandang ibaba, doon tumayo Xien.
Walang limang minuto, mula sa pagtanaw sa ilog, nilingon na ni Xien ang mga kasama. Nakaramdam na kasi siya ng kakaiba. Ang pamilyar na pakiramdam na may nagmamasid sa kanya. Hindi pa man nakikita ni Xien ang may ari ng mga mata, alam niyang hindi na lang silang tatlo ang tao sa lugar na iyon.
Napansin ni Xien ang pagtigil ni Redah sa paglalaro ng mga baraha, na kasabay lang halos ng paghinto ng babaeng nakaitim sa pagkalabit sa string ng gitara. Hindi pala siya ang nag-iisang nakaramdam ng kakaiba. Katulad ba niya ang dalawa na malakas ang pakiramdam? Hindi pala siya ang nag-iisang pinadalhan ng mensahe ni Sasha?
Magkakasunod lang ang pagbaling nila sa kanan, walang limang hakbang ang distansiya, naroon na si Sasha, naglalakad palapit. Parang anghel sa suot na puting bestidang hanggang sa mga paa nito, hinahangin pa ang malambot na tela kasama ng itim na itim rin na buhok, na nagulo na ng hangin.
Bampira nga, sa isip ni Xien, pilit itinago ang pagkagulat. Dapat natanaw na niya kanina si Sasha kung ordinaryong tao ito na naglakad lang papasok sa village. Bakit nasa malapit na bigla? Hindi man lang nila natanaw na papalapit na...
Kaswal na bumaling si Xien sa mga kasama para makita ang reaksiyon ng mga ito. Si Redah ay umangat ang kilay pero ang lapad ng ngiti. Ang babaeng nakaitim, wala pa ring pakialam, umiling-iling pa. Napansin ni Xien na isa-isang tumutok sa kanila ang mga mata ni Sasha bago lumipat sa isang direksiyon, sa isa sa mga punong nakapaligid sa lugar.
May iba pa ba silang kasama na hindi nagpapakita?
Si Jadd?
Naalala ni Xien ang naging una nilang pagtatagpo ni Sasha—sa lugar na may masakit na alaala.
"Rissa, Sasha, Irine o kung anuman ang totoong pangalan mo," ang sinabi niya nang magtagal sa kanya ang mga mata ni Sasha. "Isa lang ang gusto kong mangyari kaya nandito ako ngayon."
"Alam ko," sagot agad ni Sasha. "At hindi ka nagkamali sa desisyon mong pumunta rito."

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampireUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.