PAGKATAPOS ng mga minutong palitan ng tingin, nalaman na ni Xien kung bakit isa siya sa mga ipinatawag ni Irisha. Ang imbitasyon ng babae ay para lang magkaharap-harap sila lahat at makilala ang isa't isa.
Si Irisha ang unang nagsalita. "Irisha Vanletoire, jewelry designer," kasunod nitong binanggit ang iba't ibang alias na gamit. "Interes? Nature," karugtong ang mga bagay na gusto at hindi nito gusto. Ang huling sinabi ng babae, ang isang espesyal na kakayahan. "Nagagawa kong manakit ng isang nilalang na mas mahina sa akin gamit lang ang titig," sinulyapan nito si Jadd. "Jadd?"
Napanganga silang lahat ng gamitin ni Irisha kay Jadd ang kakayahan nito. Kitang-kita ni Xien na nagtama lang ang mga mata ng dalawa, napahawak na agad sa ulo si Jadd at umuungol na sa sakit. Inilahad pa ni Irisha sa ere ang isang kamay, unti-unting ikinuyom na parang may piniga—hindi na makahinga si Jadd, bumagsak na sa puwesto, kung posibleng bumaon sa sariling dibdib ang kamay sa diin ng pagkakalapat ay bumaon na iyon.
Ibinuka rin ni Irisha ang kamay. Napaubo si Jadd. Kita nila lahat ang paglaya sa kapangyarihan ng babae. Umayos ito ng upo na parang walang nangyari. Nagtama ang mga mata nila ni Jadd. Hindi gustong magpakita ng reaksiyon ni Xien. Sana lang hindi nabasa ng lalaki ang takot niya. Na-realize ng dalaga nang sandaling iyon mismo, wala na sa kanila ang makakawala kay Irisha. Kung si Jadd na bampira ganoon kadaling ibagsak, nang hindi man lang hinawakan, ano pa kaya silang mga ordinaryong mortal lang?
Pero walang takot na nabasa si Xien sa mukha ng mga kasama. Si Redah parang na-excite pa. Si RR, gulat ang nasa mga mata pero walang takot.
"Redah?" baling ni Irisha sa babae.
"Hmn? Pa'no ba ang may dating na introduction?" si Redah na tumuwid ng upo, inayos pa ang damit at mga burluloy na nakaayos naman na. "I'm Redah. Chubby but pretty, raketera and sometimes bruha," saka tumawa, inayos pa ang mga hibla ng buhok, inipit sa gilid ng tainga. "Ang gusto ko? Mga guwapo!" tumingin kay Jadd at pinapungay ang mga mata. Ang inaasahan ni Xien, sasagot si Jadd ng kayabangan, 'yong halos ilipad silang lima sa lakas ng hangin, gaya ng ginagawa nito kapag nasa kubo sila. Pero hindi nag-react ang lalaki, kaswal na tumingin lang kay Redah. "Ang hindi ko gusto, mga babaeng sexy na yakap ng guwapo." At lumipat ang tingin nito kay RR.
Pinigilan ni Xien ang matawa. Halatang ang pinatamaan ni Redah, si RR.
Kung si Jadd ay hindi nag-react, ang babaeng katabi nito na umiiyak kanina, ngumisi nang malapad. "Back off, witch," ang sinabi kay Redah bago dumila.
Nakaangat ang kilay na umirap si Redah. Lumipat kay Irisha ang tingin ni Xien. Ang inaasahan niya, salubong ang kilay nito at agad pagsasabihan ang dalawa. Mali si Xien, nakangiti si Irisha na parang naaliw pa.
"Kakayahan? Kaya kong basahin ang future n'yo!" si Redah.
"Ruri," si Irisha sa babaeng katabi ni Jadd. Ruri pala ang pangalan? RR siguro ang endearment ni Jadd sa babae. "Ikaw na."
"Ruri, twenty two, introvert, band member," deretsong sabi nito. "Gusto? Marami pero ang kumanta pa lang sa stage ang nagawa ko. Gitara, mango juice, ice cream. Tao? Si Kuya Jadey," tumingin ito kay Jadd at ngumiti. Ginulo naman ni Jadd ang maikling buhok nitong may bangs. "Hindi gusto? Traffic, noise, politics, corrupt officials, abusive men...may bago ngayon—si Redah."
Bumungisngis lang si Redah saka dumila kay Ruri.
"Kakayahan? Hindi ko pa talaga alam," sabi nito at huminga nang malalim. "Sabi ni Lola noon, malakas daw ang isip ko."
"Ano pa?" si Irisha na nakatitig kay Ruri, halatang may hinihintay pang marinig.
"Wala na."
"Ruri," parang may warning ang tingin ni Irisha.

BINABASA MO ANG
Jadd & Xien (Liwanag At Dugo)
VampirosUPDATED EVERY FRIDAY! Club Red spin-off. Unedited.