Tugon/Payo Ni Sister Jannah

12 2 0
                                    

💝 Tugon/Payo Ni Sister Jannah sa featured sender ng Episode 1 na si Sis Norhannah 💝
====================================

Dear Sister Norhannah,

Assalamu alaykum warahmatullahi wabarakathu.

Tunay na isang inspirasyon ang ibinahagi mo sa amin. Ang iyong kwento ay repleksyon ng mga pagsubok na kinakaharap ngayon ng ating mga kabataan. Mapalad ka na isinilang ka sa relihiyong islam at mayroon kang mga magulang na muslim. Hindi man naging lubos ang gabay na naibigay nila sayo dahil sa mga naging pagsubok sa kanilang pagsasama ay malinaw namang hindi ka naligaw ng landas dahil na rin sa likas na pagsunod sa Allah (SWT) na mayroon sa inyong mga puso dahil kayo ay mga muslim. Patawarin tayong lahat ng Allah (SWT) sa mga bagay na hindi natin napagaaralan at naisasagawa ng maayos sa ating relihiyon dahil na rin sa ating mga kahinaan.

Malinaw na sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur'an, sa Surah Al-Anfal 8:28, sa pinakamalapit na kahulugan sa wikang pilipino -
"O kayong mga naniniwala, kung inyong katakutan ang Allah, Kanyang ipagkakaloob sa inyo ang pamantayan (ng paghatol sa pagitan ng wasto at mali), at Kanyang papawiin sa inyo ang inyong masasamang gawa, at magpapatawad para sa inyo, sapagkat ang Allah ang may tangan ng dakilang biyaya"

Ang taqwa o tunay na pagkatakot sa Allah (SWT) na meron sa puso mo ang naging daan upang hindi ka makagawa ng nakakasirang pagrerebelde sa iyong ina na karaniwang nagiging reaksyon ng mga kabataan sa pagtutuwid na ginagawa sa kanila ng kanilang magulang. Bunga nito ay nanatili kang sumusunod at nagmamahal sa iyong ina bagamat nasaktan ka sa kanyang ginawa. Ito rin ang dahilan kung kaya't sa kabila ng katotohanang meron kang pagkakataon na pumili ng mga kaibigang makakapagbigay sayo ng katanggap tanggap na estado sa inyong unibersidad ay pinili mo pa rin na maging kaibigan ang isang kapwa mo muslim kahit pa ang maging kapalit nito ay gawin mo ang mga bagay na hindi karaniwan katulad ng paghihijab at pagdadamit ng maayos upang matakpan ang iyong awra, pagiwas sa barkada at mga bisyong dulot nito, at paglayo sa pagkakataong mapalapit sa mga lalaki. Dahil rito ay ibinigay sayo ng Allah (SWT) ang gabay upang malinaw na makita ang tama at mali. Kaya nang sumunod na pagkakataong ikaw ay umibig sa isang lalaki ay hindi mo inilapit ang sarili mo sa kanya, bagkus ay lumayo ka sa fitna at sumunod sa pamantayan ng pagiging isang tunay na muslimah. Ang gantimpala ng iyong pagiging matuwid ay ang islamikong pamilya na meron ka ngayon. Biyaya ito ng Allah (SWT) at isang tunay na tagumpay sa mundong ito.

Hangad ko ang kaligayahan mo sa piling ng iyong anak at asawa, at nawa'y malampasan ninyo ang anumang darating na pagsubok sa inyong pagsasama sa pamamagitan ng mahigpit na pagkapit sa lubid ng Allah. Habang pinagpapatuloy ninyo ang pagmamahalan sa isa't isa para sa Allah (SWT), ang pagtataguyod ng inyong pamilya para sa Allah (SWT), ang paggawa ng kabutihan para sa Allah (SWT), ay walang dudang magtatagumpay kayo dito sa mundo at sa kabilang buhay. Lagi mong pakatandaan ang pangako ng Allah:

"Katotohanan, yaong mga naniwala at gumawa ng gawaing matuwid, para sa kanila ay gantimpalang walang kupas."  (Banal Na Qur'an, Surah Fussilat 24:8)

Ang lahat ng papuri ay para sa Allah (SWT) lamang. Kapayapaan sa huling sugo ng Allah (SWT), ang Propeta Muhammad (SAW). Anumang pagkakamali na aking nasabi rito ay mula sa akin at kahinaan ko bilang tao at anumang kabutihan na maidudulot nito ay tanggapin nagmumula sa Allah (SWT) lamang.

Ang iyong kapatid sa Islam,

Sister Jannah

Siya Ba Ang DahilanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon