Sabi nila "your childhood has the fondest memory". Pero sa totoo lang ang fondest memory ko ng bata pa ako ay ang vision ng napakarami kong goma na napanalunan ko sa larong kalog-tantsan; kung masasabi mo bang fondest memory yun.
Dahil siguro sa kakulangan ng magagandang alaala ng kamusmusan, kaya halos wala akong maalala nung ako'y bata pa; maliban sa limang yugto sa buhay ko na kung tutuusin ay dapat di na inaalala pa.
Nangyari ang lahat ng ako'y almost four feet tall pa lamang, in short di ko alam anong edad at grade level ko sa school noon.
Nakita ko sya.. oo! Sya na nagbigay ngiti sa aking mga labi. Sya na naglagay ng paru-paro sa aking dibdib, na noo'y wala pang kaibahan sa dibdib ng mga boys. Sya na naging dahilan kung bakit di ko na inaakyat ang bakod ng aming eskwelahan para makapag cut-class at makapaglaro ng kalog-tantsan. Sya na sa di ko inaasahang pagkakataon ay nagturo sa puso kong umibig sa murang gulang.
Walang gabi na hindi ko sya napapanaghinipan..nakangiti sa akin at animo'y saranggolang lumilipad ang imahe nya sa ulap. Ah! hindi na dapat itong ikubli pa sabi ko sa aking sarili.
Nagisip ako ng paraan kung papaano ko maipapahiwatig ang aking nararamdaman sa kanya. Kagyat akong kumuha ng stationary sa kahong pinupuno ko ng stationary collections ko. Basta ang alam ko nung panahon na yun, di ka IN kung wala kang collection. Sa totoo lang, front ko lang ang stationary collections ko. Me isa akong tunay na koleksyon: ang mga gagamba sa malaking posporo kong walang laman na palito. Pero ng panahon na yun, di ko na naisipan pang isimba ang aking mga alagang gagamba para manalo sa wrestling; bagkus, nagpasalamat ako at gumaya ako sa mga klasmeyt kong girls at me stationary ako na magagamit sa pagsulat ng love letter na may lamang poems for him.
Walang palya akong sumulat sa kanya. Gabi-gabi naguukol ako ng panahon para makalikha ng tula na sa dulo ay magkatunog. Sa umaga nama'y una akong pumapasok ng palihim kong mailagay ang letters ko sa ilalim ng desk nya.
Mga ilang araw na ang lumipas. 3 tula na ang naipadala ko sa kanya; pero ni isa'y wala pa syang nabasa. Animo'y may blackhole sa ilalim ng desk nya na humigop sa aking mga sulat ng hindi nya ito makapa sa ilalim.. hanggang isang araw, naisipan ng blackhole na iluwa ito!
Nakuha nya ang isa, ang isa nama'y pinulot ng kaseatmate nya. Ang pangatlo ay di ko malaman kung pano lumipad sa palad ni ma'am.. PAK! Patay kang bata ka.Binasa nya ang sulat ko sa kanya sa harap ng klase. Di ko alam kung bakit naging katawa-tawa ang laman niyon gayong alam kong seryoso ang tulang ginawa ko. Nakakabingi ang halakhakan at bago pa akong tuluyang mabingi narinig ko ang komento nya ukol dito: " Kanino kaya galing to? Siguro panget kaya di nagpakilala" sabay tawa ng malakas!
Ang kumag na yon!! Oo! Kumag na ang itinawag ko sa kanya magmula noon.
Ang paru-paro sa dibdib ko'y nawalan ng pakpak.. ang ngiti sa labi ko'y napalitan ng hibi.. Oo! Nasaktan ako ng labis dahil iba ang aking inasahan. Akala ko'y matutuwa sya, hindi matatawa.. akala ko'y hahanapin nya ako kagaya ni cinderella, hindi kukutyain. In fairness, maganda ako.. pero at that time, I was never sure..
Akala ko yun na ang pinakamasaklap na mangyayari; hanggang dahan-dahang binuksan ni ma'am ang loveletter kong lumipad sa palad nya. Pagkabasa nito'y tumingin at lumapit sya saken saba'y sabing: " I'll see you after class". Wapang! Alam na this! Pero tahimik lang akong yumuko. Lahat ng mga mata'y napadako sakin. Si kumag na dati'y ang ngiti ay nakakapagpasaya sa akin; ngayon ay gusto kong i flying kick ang mukha.
Sa murang edad naranasan kong ma in-love; ma fall out of love; magdeny at magsinungaling dahil sa hinayupak na pag-ibig na yan. Sabi ni ma'am; "pag-aaral ang atupagin mo, hindi kung anu-anong kalandian. Hala! uwi na at gumawa ng assignment; hindi loveletters na kung saan-saan mo kinokopya ha!". Dun mali si ma'am! All- original yata ang poems ko beeh! Pero syempre di nman nya yun narinig.
Parang ayaw ko ng pumasok after that.. gaganahan pa ba akong pumasok kung kerengkeng ang tingin nila sken. Buti man lang kung malaki ang dibdib ko para bagay kaso hindi. Naisip ko tuloy magsakit-sakitan para lang wag makapasok. Bawang! tama bawang ang sagot saking problema. Ayon sa tito kong master sa pagkabulakbol, ang bawang pagnilagay sa pwet para kang me lagnat sa init! Tama! Pagnahipo ako ni mader na mainit, hindi nya ako papapasukin kinabukasan. Tiniis ko ang hapdi magkalagnat lang. Subalit pati sa bawang ay bigo ako.. isa lang ang uminit saken.. ang ulo ko!
Di naman masamang magka puppy love, minalas lang akong mabuking..
BINABASA MO ANG
Ako at ang aking saloobin
Short StoryReal thing that goes into my mind when good and bad things happen. The voice in my head uproar its nasty voice that only me can hear. Most of the times, sanity comes in an unexpected way!