Chapter 2

174K 10K 3.4K
                                    

Chapter 2

Estranghero

"Isang uri lamang ng kagat ang tinatanggap ng isang Gazellian."

Hinayaan ko ang sarili kong tumitig nang matagal sa harap ng binata habang pinuproseso ang mga salitang kanyang binanggit sa akin.

Ito ang unang kumalas ng mga titig sa pagitan ng aming mga mata at agad itong tumalikod sa akin, humakbang patungo sa kanyang kabayo.

"Leticia, malaki ang posibilidad na ang punyal ang matatagpuan sa ilalim ng talon."

Nanlaki ang mga mata ko dahil sa ibinulong sa akin ni Hua. Kung nasa talon, imposibleng makuha ko ito dahil bukod sa mahina ang aking kapangyarihan sa mundong ito, wala akong abilidad sa paglangoy.

Kung hindi pa dumating ang prinsipeng ito, marahil ay hindi na maganda ang nangyari sa akin.

Bumalik ang mga mata ko sa binatang mukhang handa nang lumisan. Siya na lamang ang natitira kong pag-asa, isa pa, tumatakbo ang oras. Hindi ako maaaring magtagal sa lugar na ito.

"Ngunit binata..." tawag ko sa kanya.

Sumulyap ako sa talon, mabibigyan niya kaya ako ng tulong?

Saglit itong tumigil sa paghakbang pero nanatili siyang nakatalikod sa akin.

"Hindi ba mas nakabubuting magtungo ka na pabalik sa inyo? Higit na mapanganib para sa batang bampirang katulad mo ang maligaw sa ganitong lugar."

Ngunit higit na mapanganib ang gintong pamalo ni Maestra!

"N-Nais ko lamang hanapin ang p-punyal ng aking ama..." mariin akong pumikit sa aking ginawang pagsisinungaling.

Isa itong napakalaking kasalanan para sa isang dyosang kagaya ko. Ngunit hindi ka pa tuluyang dyosa, Leticia, wala ka pang basbas.

"Punyal?" humarap na muli ito sa akin.

Tumango ako sa kanya at itinuro ko ang talon. Saglit siyang sumulyap dito bago niya ibinalik ang mga mata sa akin. Dalawang beses niyang pinagpabalik-balik ang kanyang titig sa akin at sa talon.

Marahan niyang isinuklay ang kanyang isang kamay sa kanyang magulo at basang buhok, huminga nang malalim hanggang sa lumapat ang kanyang dalawang kamay sa kanya bewang. Bumabang muli ang kanyang titig sa akin.

Naghalo ang hindi ko mapangalanang emosyon sa kanyang mga mata.

"Ito marahil ang dahilan kung bakit ka nalulunod kanina, tama ba?" mabagal akong tumango sa kanya.

Totoo naman, hindi ba? Muntik na akong malunod dahil sa paghahanap sa punyal.

"They are trying to kill you! Alam ba nilang hindi ka marunong maglangoy?" Sa pagkakataong ito ay hindi ko agad nasagot ang katanungan niya.

Sino ang sinasabi niyang papatay sa akin?

"A-Ano?"

"Your parents! Nasasakupan ba kayo ng Parsua Sartorias? Mahigpit ipinagbabawal ni ama ang pagbibigay nang mabibigat na tungkulin sa mga batang bampira. Lalo na kung may posibilidad itong makapagpahamak ng buhay."

Nanatili akong nakatitig sa kanya. At mas naging balisa ito sa aking isinagot na ekspresyon.

"I'll definitely report this to father!"

Pinagmasdan ko lamang ang binata, ilang beses nagbalik-balik ang kanyang mata sa kanyang kabayo, sa talon at sa akin na parang hindi ito makapagdesisyon.

Nagsimula na siyang maglakad nang pabalik-balik, hawak ang kanyang bewang at nagsalita sa kanyang sarili tungkol sa batas, panunungkulan at pagpapahalaga ng kanilang kaharian para sa buong emperyong kanilang nasasakupan.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon