Geyluv by Honorio Bartolome de Dios

2.8K 18 2
                                    

‘Yun lang at hindi na siya nagsalita pang muli. Pigil-pigil ng umid niyang dila ang reaksyon ko sa kanyang sinabi.

I love you, Mike. Nagpaulit-ulit ang mga kataga sa aking diwa. Walang pagkukunwari, ngunit dama ang pait sa bawat salita. Natunaw na ang yelo sa baso ng serbesa, lumamig na ang sisig, namaalam na ang singer, pero wala pa ring umiimik sa aming dalawa.

Mag-aalas-tres na, uwi na tayo.

Miss, bill namin.

Hanggang sa marating namin ang apartment n’ya. Wala pa ring imikan. Kaya ako na ang nauna.

Tuloy ba ang lakad natin bukas sa Baguio, Benjie?

Oo, alas-kwatro ng hapon, sa Dagupan Terminal. Good night. Ingat ka.

Are you okay, Benjie?

Wala ni imik.

Are you sure you don’t want me to stay tonight?

Don’t worry, Mike. Okey lang ako.

Okey. Good night. I’ll call you up later.

Usaman nanamin iyon kapag naghihiwalay sa daan. Kung sino man ang huling umuwi, kailangang tumawag pagdating para matiyak na safe itong nakarating sa bahay.

.

That was two years ago. Pero mga ateeee, bumigay na naman ako sa hiyaw ng aking puso. Di na ako nakapagsalita pagkatapos kong banggitin sa kanyang “I love you, Mike.” At ang balak ko talaga, habang panahon ko na siyang di kausapin, after that trying-hard-to-be-romantic evening. Diyos ko, ano ba naman ang aasahan ko kay Mike ano?

Noong una kaming magkita sa media party, di ko naman siya pinansin. Oo, guwapo si Mike at macho ang puwit, pero di ko talaga siya type. Kalabit nga ng kalabit sa akin itong si Joana. Kung napansin ko raw ang guwapong nakatayo doon sa isang sulok. Magpakilala raw kami. Magpatulong daw kami sa media projection ng aming mga services. I-invite raw namin sa office. Panay ang projection ng luka-luka. Pagtaasan ko nga ng kilay ang hitad! Sabi ko sa kanya, wala akong panahon at kung gusto niyang maglandi nung gabing iyon, siya na lang. Talaga naman pong makaraan ang tatlong masalimuot na love-hate relationship na tinalo pa yata ang love story nina Janice de Belen at Nora Aunor, sinarhan ko na ang puso ko sa mga lalaki. Sa mga babae? Matagal nang nakasara. May kandado pa!

Aba, at mas guwapo pala sa malapitan ang Mike na ito. At ang boses! Natulig talaga nang husto ang nagbibingi-bingihan kong puso. And after that meeting, one week agad kaming magkasama sa Zambales. Of course, siya ang nagprisinta. di ako. At noon na nagsimula ang problema ko.

Imbyerna na ako noon kay Joana, noong magpunta kami sa Zambales para sa interview nitong si Mike. Aba, pumapel nang pumapel ang bruha. Daig pa ang “Probe Team” sa pagtatanong ng kung anu-ano rito kay Mike. At ang Mike naman, napaka-accomodating, sagot nang sagot. Pagdating naman sa Pampanga, bigla nga akong nag-ayang tumigil para mag-soft drink. Kailangan ko na kasing manigarilyo nang mga oras na iyon. Tense na ako.

Gasgas na sa akin ang puna ng mga amiga kong baklita na ilusyon ko lang ang paghahanap ng meaningful relationship. Sabi ko naman, tumanda man akong isang ilusyunadang bakla, maghihintay pa rin ako sa pagdating ng isang meaningful relationship sa aking buhay. Naniniwala yata akong pinagpala din ng Diyos ang mga bakla!

.

Mataray itong si Benjie, mataray na bakla, ‘ika nga. Pero mabait. Habang lumalalim ang aming pagiging magkakilala, lalo ko namang naiintindihan kung bakit siya mataray.

Well, if you don’t respect me as a person dahil bakla ako, mag-isa ka. I don’t care. ‘Yun ang usual defense niya ‘pag may nanlalait sa kanyang macho.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 25, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Geyluv by Honorio Bartolome de DiosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon