Hindi ako makatulog. Pinipilit ko ngunit hindi talaga ako inaantok. Dahil na siguro ito sa kapeng ininom ko kanina. Napakatapang kasi.
Nahinto ang pag-iisip ko nang may marinig akong nahulog sa baba. Parang may kung anong nabasag sa lababo kaya bumaba ako para tingnan ito.
Lumabas ako sa kuwarto ko. Habang pababa ako ng hagdan ay nakaramdam ako ng malamig na hangin na bumalot sa aking katawan. Bumalik ako sa kuwarto ko para kunin ang jacket ko. Isinuot ko ito para hindi na ako lamigin. Napansin ko ang orasan sa gilid ng aparador ko.
2:49 na pala ng umaga. Tapos gising pa ako.
Bumaba muli ako sa hagdan. Nang ako'y makahakbang ng lima pababa ay nakaramdam ulit ako ng lamig na bumabalot sa buong katawan ko. Napatingin ako sa pader at nakita ang nakasinding air-con. Kaya naman pala malamig, nakaopen ang air-con.
Nagtungo na ako sa lababo ngunit wala namang ibang nangyari. Pumasok ako sa banyo para maghanap kung nandoon ang nahulog kanina ngunit wala rin doon.
Bumalik ako sa aking silid at pagkaharap ko sa hagdanan ay may nakita akong basag na salamin sa tapat nito.
Nagtaka ako dahil wala naman ito kanina. Lumapit ako roon para hakutin ang mga bubog. Kinuha ko ang isang hindi masyadong basag na parte para magsalamin. Inayos ko ang mga buhok ko. Tiningnan ko rin ang bagong pagawa na braces ng ngipin ko.
Inilapag ko ang salamin at may nakita akong isang nakaitim na babae sa repleksyon ng salamin. Damit lamang ang nakikita ko sa salamin kaya tumingin ako sa likod ko.
Napakamot ako ng ulo dahil wala naman akong nakikita ngunit sa salamin ay mayroon. Kinuha ko muli ang salamin at inilapit sa mukha ko para makita ng buo ang mukha ng babae.
Naihagis ko kaagad ang salamin nang makita ko ang mukha niya. Tatakbo na sana ako ngunit naapakan ko ang mga bubog sa sahig. Napasigaw ako sa sakit dahilan para manigas ang buong katawan ko.
Natahimik ako nang may maramdaman akong may yumayakap sa akin galing sa likod ko. Ang sarap ng yakap niya. Ngunit napagtanto kong baka siya iyon. Ang madreng nakita ko sa repleksiyon ng salamin kanina.
Nanginig ang katawan ko nang unti-unti niyang itinataas ang mga nakayakap niyang mga kamay papunta sa leeg ko. Naagaw ang aking atensyon sa bumukas na pinto sa tapat ng kwarto ko. Lumabas dito si mama.
Pinilit kong alisin ang mga kamay ng madre sa akin at tumakbo pataas ng hagdan. Sumisigaw ako ng malakas para makita ako ni mama ngunit parang wala siyang naririnig.
Nang malapit na ako kay mama ay tumalon na ako papunta sa kaniya at niyakap kaagad. Hindi ko na napigilan ang mga luha ko dahil sa kilabot na nararamdaman ko. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata para hindi maalala ang nangyari.
Naramdaman kong hinahaplos ni mama ang buhok ko. Binuksan ko muli ang mga mata ko at nagulat nang makitang nag-iba na ang kulay ng damit ni mama. Mula sa kulay puti nitong damit pantulog ay naging kulay itim.
Unti-unti kong itinaas ang tingin ko papunta sa mga mukha niya.
Hindi ko alam kung kaya ko pang sumigaw noong nakita ko ang mukha ng madre sa harap ko. Hindi maaari. Si mama ang niyakap ko, pero bakit siya ang nasa harapan ko.
Mabilis akong bumitaw sa pagkakayakap sa kaniya. Sa aking pagbitaw ay nawalan ako ng balanse at nahulog ako ng hagdan.
Ramdam kong gumugulong ang katawan ko ngunit huminto akong bigla nang may kung ano mang bagay na bumangga sa akin.
Sinubukan kong kilatisin kung anong bagay ito ngunit malabo na talaga ang paningin ko. Naramdaman ko na lang na may bumuhat sa akin patayo. May yumayakap na naman sa akin.