XVI. Kamatayan Bago Mag-undas

728 29 5
                                    

Sa amin, "undras" ang tawag dito ng mga tao. Pero kapag umuuwi y'ong mga pinsan kong taga-kulikuli (Makati), naririnig kong undas ang tawag nila (akala ko nga e hudas). Dahil greyd tu na ako, nababasa ko sa mga libro sa Pilipino at Araling Panlipunan na tama sila—undas nga y'on! Ewan ko ba sa matatanda, marami silang sinasabi na hindi ko naman naririnig sa iskul. Gaya ng salitang "uurirain"—narinig ko y'on sa Ka Kayang nang magkahunta sila ni inay: "Ay kung ako sa kanya ay di ko na uurirain." Sagot naman ni inay: "Ay awan ko nga ga sa tawong iyo't napakamautita!" 

Kapapakinig ko tuloy sa kanila, nahahawa na ako. Minsan, natanong ako ng aming gurong si Mrs. Caringal: "Magbigay kayo ng halimbawa ng paglalarawan. O, ikaw, Jepoy... ano ang itsura ng paligid kapag umuulan?" E wala agad akong maisip, kaya inulit ko lang ang reklamo ni inay nang galing siya sa luwasan: "Damusak na damusak kapag umuulan..." Natawa si ma'am. 

Hindi ito joke. Nang greyd wan nga pala ako, sa klase ni Mrs. Tejares, tinuturuan niya kaming magsulat ng pangalan. Sabi niya: "Isulat n'yo sa papel ang inyong pangalan. Isulat n'yo muna ang family name bago ang inyong pangalan." Kayang-kaya! Sinanay kaya ako ni Ate Mabel sa pagsulat bago magpasukan. Kung mga pangalan lang ng buong pamilya, kayang-kaya ko nang isulat—at y'on nga ang ginawa ko.

Makalipas ang ilang minuto, nilapitan ako ng aming guro, kasi nagtataka siya kung bakit nagsusulat pa rin ako e tapos na ang mga kaklase ko. "Patingin nga ng papel mo, Jepoy..." Medyo alanganing ipinakita ko ang papel ko. Ewan ko ba... pakiramdam ko e parang may mali akong ginawa? 

Napagmasdan ko nang malapitan si Mrs. Tejares. Maputi siya at maganda at maamo ang kanyang mukha, parang y'ong anghel na bato na may hawak na dawdawan sa may pintuan ng aming simbahan. Napakalumanay din niyang magsalita, kahit noong unang araw na pinatayo niya ako para magpakilala. Nakasakbit pa ang bago kong bag na kulay itim na de-gulong, kaya ang tanong niya: "Pauwi ka na, Jepoy?"

"Jepoy, nasaan ang pangalan mo rito?" Napatda ako sa tanong ni Mrs. Tejares.

"E... nasa huli po," sagot ko.

Tiningnan ni Mrs. Tejares ang likod ng papel. 

"Iho, sabi ko, family name muna," sabi niyang napapangiti.

"Opo..."

"Sino si Epifanio, Sofio, Iluminado..."

"Mga kuya ko po..."

"Ma. Victoria, Ma. Lourdes, Ma. Velma... Michael Joselito?" Nakangiti pa rin si Mrs. Tejares.

"A, mga ate ko po sila... at si Kael ang bunso. Nasa huli po ang pangalan ko..." sagot ko. Wala pa nga pala ang mga pangalan nina inay at tatay sa papel.

Tahimik lang na nakatingin sa papel si Mrs. Tejares, pero nakangiti ang kanyang mga mata.

"Dapat pangalan mo lang ang sinulat mo—hindi ang buong pamilya mo. Apelyido muna bago ang pangalan. Ano ba'ng pagkakaintindi mo sa sinabi ko?" mahinahon pa rin niyang sabi.

E di ba sabi ni ma'am, family name muna?

Di bale, mas madali namang ulitin dahil pangalan ko lang naman pala.

Naging fifth honor ako sa katapusan ng taon. Sigaw na ako sa kalehon noon: "Fifth honor ako! Fifth honor ako!"

Hindi ko pa alam kung ano'ng mangyayari sa greyd tu.

Nang makabalik kami sa iskul matapos ang tanghalian, sabi ni Mrs. Caringal, "Class, meron tayong pupuntahan ngayon..." Sino kayang may kaarawan? Kapag bertdey ng isang mayamang kaklase, karaniwang sama-sama kaming pumupunta sa kanilang bahay. Bukod sa Christmas party, iyon ang pagkakataon kong makatikim ng ispageti, keyk at iba pang pagkaing hindi mo araw-araw nakakain.

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon