Chapter 4

170K 10.5K 2.1K
                                    

Chapter 4

Gitna ng apoy

Simula nang bigyan ako ng buhay ng mahiwagang puno ng En Aurete, nakilala ko ang aking sarili bilang isang dyosa na hindi nanaisin pang humawak ng responsibilidad. Walang pangarap para umupo sa isang posisyon at laging pipiliin ang payapang pamumuhay na walang kahit anong pasan sa mga balikat.

Noon pa man ay humahanga na ako sa mga dyosang tumatahak sa landas na punong-puno ng sakripisyo at paghihirap, ngunit hindi ako dumating sa punto ng paghangang nanaising maranasan ang kanilang napapagdaanan.

Ngunit ang marinig mismo mula sa bibig ng nilalang na siyang biktima ng walang katapusang kalupitan ang reyalidad ng pamumuhay sa ilalim ng kalangitan... anong klaseng puso ang maaaring manahan sa aking dibdib para ito'y kalimutan at hindi damdamin?

Kung ang pagtutuwid sa nakaraang patuloy na sumisira sa kasalukuyan ay isang uri ng kataksilan. Ako'y taas noong magtataksil at hahakbang sa landas na siyang maaaring makapagpabago ng lahat...

Muli akong humarap sa aking unang bampirang kaibigan, isang lalaking pinagkaitan ng katahimikan at pag-ibig. Isang bampirang binigyan ng kadenang hindi sa kanya nararapat.

Dumiin ang aking kamay sa punyal...

Darating ang panahon, tatalas ang aking punyal, mamayani ang aking kapangyarihan at higit sa lahat, magkakaroon ng diin at boses ang aking mga salita. Ako'y magiging isa ganap na dyosang sasambahin ng lahat. Palalayain ang dapat lumaya, magsasabog ng pag-ibig na walang limitasyon at higit sa lahat, magbabadya ng walang katapusang ngiti at halakhak na walang halong pagpapanggap...

Panahon man ang lilipas... ngunit ang pangako ng isang dyosa'y hindi maglalaho...

Hindi man ako sigurado sa paraan ng pagbati ng mga bampira, nagawa kong ilahad ang aking mga kamay kay Nikos.

Saglit nanlaki ang mga nito na parang hindi makapaniwala sa kanya. Ngunit sa nangangatal nitong mga kamay, kasabay nang matinding pagkirot ng dibdib ko. Unti-unti itong yumuko para bigyan ako ng paggalang at marahang lumapat ang kanyang mga labi sa likuran ng aking kamay.

Nag-init ang puso ko. Dahil alam kong sa tagal ng kanyang pamumuhay sa mundong ito ay ako lamang ang nangahas mag-alay ng kamay sa kanya.

Dahil ang kaisa-isang babaeng maaaring makapagpasaya sa kanya sa mundong ito na punong-puno ng paghuhusga ay piniling putulin ang kanilang ugnayan.

Ngumiti ako sa kanyang harapan.

"My own kind feared to touch me, they even disgust me... but a real goddess offered her hand. Such a pity." Mapait itong tumawa

Tumalikod na ako sa kanya.

"Nais ko nang magpaalam, munting dyosa." Tumango ako sa kanya ngunit nanatili pa rin akong nakatalikod.

"Ipinangangako kong patuloy akong mabubuhay, tatakbo nang paulit-ulit, ngunit hindi mapapagod mabuhay..."

"Hanggang sa muli, kaibigan..." tipid kong sagot dito.

"Hanggang sa muli..."

Nang tuluyan nang nawala si Nikos sa aking likuran, bigla na lamang bumigay ang aking mga tuhod at nagsimula na akong lumuha.

"S-Sobrang hina ko, Hua..."

"Hindi, sa tagal kong nabuhay kasama ang mga dyosa, Leticia. Dalawa lang kayong dyosa ang hinangaan ko, ikaw at ang dyosa ng asul na apoy. Hinahangaan kita, nagawa mong mangako sa kabila ng sitwasyon at kakayahan mo." Lalong nagpatuloy sa pagluha ang aking mga mata.

Gusto ko nang makawala sa katawang ito, nais ko nang abutin ang nararapat kong anyo, hindi ako dapat ganito, hindi ko maaangkin ang kapangyarihan kung ang tingin ng lahat sa akin ay isang batang walang alam.

Moonlight Blade (Gazellian Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon